Lingguhang YA
4 na Paraan upang Makaangkop sa mga Bagong Mission Leader
Marso 2026 Liahona


Mula sa Mission Field

4 na Paraan upang Makaangkop sa mga Bagong Mission Leader

Kung hahayaan mo sila, ang iyong mga mission leader ay maaaring maging iyong mga panghabambuhay na mapagmahal at mapagkakatiwalaang mentor.

pagsasalarawan ng mga mission leader na may hawak na puso

Noong nasa missionary training center ako, nalaman ko na ang aking mga mission leader ay maagang mare-release dalawang linggo pagkarating ko sa aking misyon. Hindi nagtagal pagkarating ko, natanto ko kung gaano sila hinahangaan at iginagalang ng lahat ng kanilang missionary, kabilang na ako!

Pagdating ng aming mga bagong mission leader, maraming halu-halong damdamin. Tinanggap sila ng ilang missionary, samantalang ang iba ay nadismaya sa pagbabago.

Makalipas ang ilang buwan, naatasan akong magkaroon ng kompanyon na may negatibong saloobin sa aming mga mission leader at sa kanilang patnubay. Bago pa rin sa field, nakinig ako sa kanyang mga reklamo at nadama ko na may katwiran ang mga ito. Ako ay lubos na naimpluwensiyahan ng kanyang saloobin at nagsimulang magtuon sa mga negatibo, at pinuna ko ang mga kilos at desisyon ng aming mga bagong lider.

Nang malipat ako, natanto ko na hindi ko alam na hinahadlangan ko ang aking sarili sa pagtanggap ng tulong at pag-unlad na kailangan ko mula sa mga lider na ito. Sa natitirang bahagi ng aking misyon, hinayaan ko silang maging mga mapagmahal at mapagkakatiwalaang mentor sa aking espirituwal na pagbabalik-loob. Nakatanggap ako ng mga makapangyarihang saksi ng ebanghelyo sa pamamagitan ng kanilang mga turo at payo. Kapag nakararanas ako ng espirituwal na kaguluhan ngayon, inaalala ko pa rin ang itinuro nila sa akin.

Kapag nagbabago ang pamumuno sa misyon, maaari itong maging isang hamon, ngunit ang paraan ng pagtugon mo ay makaaapekto sa natitirang bahagi ng iyong misyon—at ng iyong buhay. Narito ang ilang bagay na natutuhan ko tungkol sa pag-angkop sa mga bagong mission leader:

1. Asahan at Tanggapin ang Pagbabago

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025) kung paano pinahusay ang mga ordenansa sa templo sa paglipas ng panahon habang nakatatanggap ng paghahayag ang mga propeta mula sa Diyos. Patuloy na nagaganap ang mga pagbabago sa ating panahon. Binigyang-diin niya, "Nagbago ang pamamaraan, ngunit ang mga tipan ay gayon pa rin."

Sa parehong paraan, ang iyong mga bagong mission leader ay maaaring makatanggap ng paghahayag para sa iyong misyon na mangangailangan ng pagbabago sa mga pamamaraan. Tandaan—bagama’t maaaring magbago ang mga pamamaraan, ang iyong layunin bilang isang missionary at ang ebanghelyo ni Jesucristo na itinuturo mo ay mananatiling pareho. Kapwa ang iyong kasalukuyan at mga dating mission president ay nakatanggap ng patnubay mula sa Ama sa Langit. Bagama’t maaaring magkaiba ang patnubay, hindi ibig sabihin nito na mali ang isa. Ang gawaing misyonero ay bahagi ng patuloy na Pagpapanumbalik, at “ang patuloy na Pagpapanumbalik ay nangangailangan ng patuloy na paghahayag.”

2. Igalang ang Kanilang Tungkulin mula sa Panginoon

Tandaan na “ang iyong mission president at kanyang asawa, na magkasamang naglilingkod bilang iyong mga mission leader, ay tinawag ng Diyos at na-set apart na pamunuan ang mission.” Ang tawag na maglingkod bilang mga mission leader ay nagmumula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga propeta at apostol. Pagkatiwalaan at igalang ang Kanyang kalooban at takdang panahon at alamin na Siya ay may espesyal na layunin para sa iyong mga bagong lider.

Gagabayan Niya sila, tulad ng paggabay at inspirasyon Niya sa iyo sa iyong paglilingkod bilang missionary.

3. Manalangin para sa Isang Saksi ng Kanilang Payo at Pamumuno

Bilang missionary, lagi mong ibinabahagi ang kuwento tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith. Ang kanyang karanasan ay pinasimulan ng banal na kasulatan na "Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos" (Santiago 1:5). Habang inaanyayahan mo ang iba na itanong sa Ama sa Langit ang katotohanan ng ebanghelyo, alalahaning itanong din sa Kanya ang iyong mga tanong. Kung nababagabag ka ng pagbabago, makasusumpong ka ng katiyakan sa pamamagitan ng personal na paghahayag.

Ipinangako ni Pangulong Nelson, “Kung patuloy kayong magiging masunurin, nagpasasalamat sa lahat ng pagpapalang ibinibigay ng Panginoon sa iyo, at kung matiyaga kayong maghihintay sa takdang panahon ng Panginoon, ibibigay sa inyo ang kaalaman at pang-unawang hangad ninyo.”

4. Hayaan Sila na Payuhan Ka nang Personal

Noong nag-aalinlangan ako sa aking gawain bilang missionary, nahiwatigan ng aking mission president ang nadarama ko sa pamamagitan ng Espiritu at tinulungan niya akong maunawaan na ako ay naging matagumpay na missionary.

Nangungusap sa mga bagong tawag na mission leader, sinabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kabilang sa lahat ng mahahalagang convert na magkakaroon kayo sa susunod na tatlong taon ang mga mismong missionary. …

“At para sa akin at sa milyun-milyong katulad ko, babalikan natin ang mga turo at patotoo ng ating mga mission leader para sa mga alaala ng ating unang tunay na pananampalataya at paniniwala. Maraming hukbo ang nakaligtas kalaunan sa buhay dahil sa lakas ng ebanghelyo na natutuhan bilang mga bata pang missionary na mapagpakumbabang nagpaturo sa mission president at sa kanyang asawa.”

Sinuman ang iyong mga mission leader, tandaan na naglilingkod sila kay Jesucristo, kaya gugustuhin nila ang pinakamainam para sa iyo at sa iyong pag-unlad. Habang kapwa kayo nakikibahagi sa pinakadakilang gawain sa mundo, mababago ng kanilang patotoo at mga turo tungkol sa Tagapagligtas ang iyong buhay—kung hahayaan mo sila.