Mula sa Lingguhang YA
Takot Ibahagi ang Iyong Patotoo? 3 Paraan na Ginagawang Simple ng Pasko ng Pagkabuhay ang Pagpapatotoo tungkol kay Cristo
Ang panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ay nakatulong sa akin na ibahagi ang aking patotoo sa iba, at matutulungan ka rin nito.
“Mormon ka, hindi ba? Ano’ng mayroon doon?”
Ang unang pagkakataon na tinanong ako ng isang tao tungkol sa pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay sa isang party sa middle school. Nahihiya akong makipagkaibigan, at maaaring isang mahirap na paksa ang relihiyon sa lugar kung saan ako nakatira.
Kaya nagbahagi lamang ako nang kaunti tungkol sa mga propeta at walang-hanggang pamilya, at pagkatapos ng party, nagmadali akong umuwi sa pinakamabilis na kaya ko.
Nadismaya ako sa sarili ko—nabigo akong ipaliwanag kung gaano kahalaga ang ebanghelyo sa akin.
Habang patuloy kong iniisip ang aking patotoo, natanto ko na ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang saligan ng lahat ng bagay na gustung-gusto ko tungkol sa ebanghelyo. Ang pagbabahagi ng katotohanang iyon ay maaaring makabawas sa pressure sa hinaharap kapag gusto kong ibahagi ang aking pananampalataya.
At ang saligang katotohanang ito ang pangunahing diwa ng Pasko ng Pagkabuhay—si Jesucristo, ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, at ang kahulugan ng Kanyang nakatutubos na kapangyarihan para sa atin. Para sa sinumang nahihiya sa pagbabahagi ng kanilang patotoo, maaaring gawing simple ng panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ang pagbabahagi ng katotohanan! Narito ang ilang mga bagay na magagawa mo:
1. Mangusap tungkol kay Cristo
Bagama’t hindi lahat ay nagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay, nauunawaan ng karamihan sa mga tao ang kahalagahan nito sa mga naniniwala kay Jesucristo. At ang pinakamainam na paraan upang maibahagi natin ang ating pananampalataya sa Kanya ay sa pamamagitan ng simpleng pangungusap tungkol sa Kanya. “Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, [at] nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo” (2 Nephi 25:26).
Ang pangungusap tungkol kay Cristo ay hindi kailangang maging kumplikado. Halimbawa, kung itatanong ng isang kaibigan kung paano mo gugugulin ang iyong Pasko ng Pagkabuhay, perpektong pagkakataon iyon para sa iyo na ibahagi kung gaano kahalaga sa iyo ang panahong ito. Ang simpleng pagsasabi ng isang bagay na tulad ng “Ang Pasko ng Pagkabuhay ay laging nagbibigay sa akin ng pag-asa na makikita kong muli ang aking mga mahal sa buhay” ay maaaring magpasimula ng likas na pag-uusap tungkol sa plano ng kaligtasan o mga walang-hanggang pamilya.
Kung magbabanggit ang isang tao ng mga problemang nangyayari sa mundo, ang simpleng tugon na tulad ng “Kaya nga gustung-gusto ko ang Pasko ng Pagkabuhay— binibigyan ako nito ng malaking kapayapaan sa pagkaalam na muling paparito si Jesucristo” ay maaaring magbukas ng pinto sa pag-uusap tungkol sa iyong pananampalataya.
Kung bibisita ang isang tao sa iyong tahanan at mapapansin ang anumang palamuti ng Pasko ng Pagkabuhay na mayroon ka sa iyong tahanan na nakatuon sa Tagapagligtas, magkuwento tungkol sa Kanya. At huwag maliitin ang kapangyarihan ng pagbabahagi ng iyong pananampalataya kay Cristo sa social media. (Ang mga account ng Simbahan ay may kamangha-manghang nilalaman na maaaring i-repost at i-share!)
2. Makipag-ugnayan sa Pamamagitan ng mga Tradisyon
Iba’t ibang kultura ang nasisiyahan sa Pasko ng Pagkabuhay, kaya magandang panahon ito upang makipag-ugnayan sa iba sa pamamagitan ng iisang pagmamahal ng Tagapagligtas. Kamakailan ay hinikayat tayo ng Unang Panguluhan na gawin ito sa pamamagitan ng “[pagtatatag] ng mga tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay sa ating buong lipunan.”
Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagtatanong sa iba kung paano nila inaalala si Cristo sa Pasko ng Pagkabuhay o kung ano ang kahulugan sa kanila ng panahong ito. Pagkatapos ay isipin kung anong mga tradisyon ang ginagamit mo na upang maging sentro Siya ng sarili mong mga pagdiriwang at kung paano mo maibabahagi ang mga ito sa iba pang mga tagasunod ni Cristo.
Halimbawa, sa aking pamilya, lagi kaming sumasali sa koro ng ward sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay upang magtanghal ng mga himno tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo. Isa ito sa aking mga paboritong tradisyon, at madaling makipag-usap sa ibang tao tungkol dito.
3. Magbigay ng Atensiyon sa Kanyang mga Buhay na Saksi
Ang mga kasalukuyang propeta at mga apostol ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Ang pagbabahagi ng kanilang mga simple at malalim na turo tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay ay makatutulong sa atin na ipaliwanag ang ating pananampalataya sa mga taong walang gaanong alam tungkol dito.
Nagpatotoo si Pangulong Dallin H. Oaks: “Ipinagdiriwang natin ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli sa Paskong ito ng Pagkabuhay. Nagdudulot ito sa atin ng pananaw at lakas na pagtiisan ang mga pagsubok sa buhay na kinakaharap ng bawat isa sa atin at ng mga mahal natin.”
Ang patutuon ng atensiyon ng iba sa ating mga buhay na propeta at sa kanilang mga turo ay makatutulong sa kanila na maunawaan ang ating paniniwala sa makabagong paghahayag na nagmumula sa isang buhay at nabuhay na mag-uling Manunubos. Ang Pasko ng Pagkabuhay ang perpektong panahon upang magbahagi tungkol sa mga buhay na propeta at sa buhay na Cristo.
Nang maghanap ako ng ganitong uri ng mga oportunidad sa Pasko ng Pagkabuhay, ako ay nagkaroon ng mas maraming pakikipag-usap tungkol sa ebanghelyo at nasiyahan sa mga ito. Nakatulong ito sa akin na madaig ang matinding pagkamahiyain na naranasan ko noong bata pa ako, at nakaugnay ako sa mga tao sa mas malalim na antas nang matuto kami mula sa isa’t isa.
Kaya ngayong Pasko ng Pagkabuhay, ikaw man ay kumakanta kasama ng koro, nagbabahagi ng banal na kasulatan, o simpleng sumasagot sa tanong ng isang kaibigan, tandaan—pinatototohanan mo ang pinakamahalagang katotohanang naroon: na si Jesucristo ay buhay.