Mula sa Lingguhang YA
Ang Edukasyon ay Nagbigay-daan sa Akin na Piliin ang Buhay na Puno ng Pagkatuto at Paglilingkod
Ang pag-alis sa aming isla para mag-aral ay mahirap at nakakapagod, pero sulit ito.
May mga pagkakataon na inakala ko na hindi magiging sulit ang pag-aaral ko.
Lumayo ako sa pamilya ko para mag-aral sa unibersidad. Hindi ako nakatira sa isang napakaligtas na bahagi ng bayan. At sa lahat ng pagkabalisang nararanasan ko noon tungkol sa aking kaligtasan at pananalapi, pakiramdam ko ay wala akong gaanong natututuhan.
Pero ito ang natanto ko: Hindi ko ito ginagawa para lamang sa sarili ko. Ang aking edukasyon ay higit pa sa akin at sa aking mga karanasan.
Pagkilala sa Aking Kalayaan
Ako ay taga-Camotes, isang maliit na isla sa Pilipinas. Nang magpasiya akong mag-aral sa kolehiyo para maging isang guro, lumipat ako sa Cebu, isang mas malaking isla na dalawang oras na biyahe sa bangka ang layo.
At talagang nag-alala ako sandali sa kaligtasan ko. Maraming nagdodroga at krimen sa lugar na tinirhan ko, kaya ang pagpunta sa campus mula sa bahay araw-araw kung minsan ay naglagay sa akin sa nakababalisa at mapanganib na mga sitwasyon, at wala akong proteksyon ng pamilya ko.
Sa panahong ito, may isang sipi mula kay Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) na nagpabago sa saloobin ko tungkol sa aking sitwasyon: “Ang mga desisyon natin ang nagtatakda ng ating tadhana.”
Iniisip ko ang lahat ng mahirap na bagay na nangyayari sa akin, lahat ng bagay na hindi ko kontrolado. Pero sa paglipas ng panahon, naisip ko na ito ang pinili ko—pinili kong mapalayo sa pamilya ko at mag-aral.
Pagpili ng Isang Buhay na Puno ng Pagkatuto at Paglilingkod
Dahil sa pagkaunawang ito, inisip ko kung bakit ko pinili ito. At dumating kaagad sa akin ang sagot: Gusto kong maging lider sa aming branch. Gusto kong bumalik sa aming komunidad na may higit na kaalaman. Gusto kong turuan ang mga bata sa Camotes at hikayatin silang maghanap ng mga oportunidad na makapag-aral na makakatulong sa kanila na mapagpala rin ang kanilang komunidad sa hinaharap. Ito ang tadhanang pinagsisikapan ko noon.
Itinurong minsan ni Pangulong Russell M. Nelson: “Huwag matakot na kamtin ang inyong mga mithiin—maging ang inyong mga pangarap! Walang shortcut sa pagtatamo ng kahusayan at kagalingan. Edukasyon ang kaibhan sa pagitan ng pangangarap na makatulong kayo sa ibang mga tao at sa pagkakaroon ng kakayahang tulungan sila.”
Ngayon ay natapos ko na ang aking degree, at nakatira nang muli sa Camotes. Nagtuturo ako sa mga bata sa grade one at grade two, at ako rin ang unang tagapayo sa Primary presidency ng aming branch, kaya mas nagamit ko ang aking pinag-aralan kaysa inaasahan ko. Alam ko kung paano pagpasensyahan ang mga batang ito at turuan sila ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa paraang mauunawaan nila. Araw-araw akong nagpapasalamat na nagpasiya akong mag-aral, kahit naging mahirap iyon kung minsan.
Kung nahihirapan ka sa pag-aaral, o kahit nag-aalala ka lang sa sitwasyon mo ngayon, tandaan na manatiling malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari ka Nilang gabayan tungo sa mga oportunidad na makapag-aral na magpapala sa iyong buhay at tutulong sa iyo na mapagpala ang iba. Tandaan na hindi ka nag-iisa—Nauunawaan ka Nila, at mas marami pang young adult kaysa nakikilala mo ang kapareho mo ang damdamin at mga problema.
At tandaan na ang mga desisyon mo ang nagtatakda ng iyong tadhana. May kapangyarihan kang pumili ng isang buhay na puno ng pagkatuto at paglilingkod.