Mula sa Lingguhang YA
Naipit Ako sa Aking Sitwasyon. Gumawa ng Paraan ang Diyos para Makasulong Ako
Nang maiwan sa aming magkapatid ang utang ng aming mga magulang, hindi namin alam kung paano kami magkakaroon ng mas magandang hinaharap.
Nang biglang pumanaw ang aming ina, hindi lamang kami nagdalamhati noon ng kapatid ko—naharap din kami sa isang malaking problema sa pera.
Naunang pumanaw nang ilang taon ang aming ama, at kahit pinalaki kami ng aming ina, madalas siyang magpahiram ng pera sa iba sa mga oras ng kanilang pangangailangan. Ang nakakalungkot, dahil sa kanyang pagiging bukas-palad, nawalan siya ng sapat na pera para bayaran ang sarili niyang utang, kaya naiwan sa aming magkapatid ang responsibilidad na bayaran ang kanyang mga utang.
Pareho pa kaming nag-aaral noon at hindi pa nagtatrabaho, kaya nag-alala kami tungkol sa pagbabayad ng utang habang nagbabayad din kami ng aming mga buwanang bayarin.
Hindi namin alam ang gagawin, kaya humingi kami ng tulong sa Ama sa Langit.
Paghahanap ng Paraan para Makasulong
Pagkaraan ng maraming panalangin, nagkainspirasyon kaming magkapatid na humingi ng payo ukol sa pera mula sa mga kaibigan na magaling sa pagbabadyet. Iniisip na namin noon na ibenta ang bahay namin dahil wala kaming sapat na pera para bayaran ito at ang aming mga utang kada buwan. Pero sa tulong nila, nagdesisyon kaming magbenta ng mahahalagang gamit sa aming bahay para makabayad hanggang sa makatapos ako at makahanap ng trabaho.
Kahit paano, nagkaroon kami palagi ng sapat na pera para mabayaran ang aming utang.
Sa kabila ng himalang ito, paminsan-minsa’y pinanghinaan pa rin ako ng loob. Nagtrabaho ako nang husto at ginusto kong magpatuloy sa sarili kong buhay. May sarili akong mga pangarap, kabilang na ang pagpunta sa misyon, na tila imposible kahit na mabayaran namin ang utang na ito.
Nanalangin ako sa Ama sa Langit at sinabi sa Kanya na nais kong magmisyon. Ipinangako ko sa Kanya na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para mangyari iyon, at hiniling ko sa Kanya na ipakita sa akin ang paraan para makapagmisyon at makapaglingkod ako.
May patotoo ako tungkol sa pag-asa sa sarili at sa ikapu, pero talagang natukso akong hindi magbayad ng buong ikapu hanggang sa mabayaran namin ang aming utang. Pero sinikap kong alalahanin ang mga ipinangakong pagpapala ng pag-una sa Panginoon, at nagbayad kami ng buong ikapu (tingnan sa Malakias 3:10–11). Nagkaroon din ako ng pag-asa sa mga salitang ito mula sa Panginoon: “Layunin ko ito na maglaan para sa aking mga banal, sapagkat lahat ng bagay ay akin” (Doktrina at mga Tipan 104:15).
Sa huli, patuloy akong nagtiwala sa takdang panahon ng Ama sa Langit, na nagtitiis, at naniniwala na nagmamalasakit Siya sa buhay ko.
Ang Pagsusumigasig na May Lakip na Tulong ng Langit ay Naghahatid ng mga Himala
Kalaunan ay nagkatrabaho rin ang kapatid ko nang makatapos siya sa pag-aaral. Patuloy kaming naging maingat sa paggastos, na ibinabayad ang anumang ekstrang perang mayroon kami sa tila walang-katapusang utang.
Pagkaraan ng apat na taon, naibigay namin ang huling bayad sa mga utang. Hindi ako makapaniwala—kahit paano ay nakaraos kami sa buhay, nakatapos sa aming pag-aaral, at nakabayad ng mga utang na ito sa takdang panahon. Nakapagpagaan sa pakiramdam na nawala na ang bigat ng mga pinansyal na pasaning ito. Alam ko na natulungan kami ng Ama sa Langit.
Talagang isang himala iyon.
Dahil sa karanasang ito, natutuhan ko na paiigtingin ng Panginoon ang ating mga pagsisikap kapag tayo ay sumasampalataya at nagsusumigasig. Tulad ng Kanyang pangako, “Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (Doktrina at mga Tipan 84:88).
Noong tila imposible ang aking sitwasyon, naglaan ng paraan ang Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 3:7).
Matiyagang Paghihintay sa Panginoon
Bilang mga young adult, kung minsa’y maaaring hinihintay natin ang Panginoon na baguhin ang sitwasyon. Marahil ay nahaharap tayo sa mga paghihirap sa ating pamilya, naghahanap ng bagong trabaho o oportunidad, o kailangan lamang nating malaman kung ano ang susunod na gagawin. Hindi ko alam kung bakit kailangan nating maghintay ng mga pagpapala kung minsan, pero alam ko na alam ng Ama sa Langit ang ating mga sitwasyon at ating mga hangarin.
Matapos ang aking matatag at patuloy na mga pagsisikap at ang mga himala ng Panginoon, kalaunan ay nakapagmisyon ako. Ang sandali na natanto ko na kaya kong gawin ito ay isang malaking himala. Hindi ko inakala na mangyayari ito, pero alam ko na nasagot ang mga panalangin ko.
Ipinayo ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Harapin ang inyong personal na mga hamon, nalalamang sa pamamagitan ng pananampalataya, magiging maayos ang lahat sa huli. …
“… Binabasbasan ko kayo, at nakikiusap [ako] sa inyo, na patuloy na magsikap habang, sa Kanyang karunungan, hinahanap ng Ama sa Langit ang pinakamagandang paraan na regular na [ma]ibigay sa inyo ang inyong hinihingi at mga pangangailangan.”
Sinisikap ko pa ring malaman kung ano ang susunod na gagawin ko sa buhay. Kung minsan kapag naghihintay tayo sa Panginoon, mahirap makita ang Kanyang impluwensya sa ating buhay. Pero alam ko na sa walang-maliw na pagsampalataya sa Kanya, malalaman mo na nariyan Siya—na hindi Siya nawawala sa oras ng iyong pangangailangan. Sa halip, kasama mo Siya, ginagabayan ka sa bawat hakbang, tungo sa mas magandang hinaharap na pinagsisikapan mo.
Manalig na gagawa Siya ng paraan para makasulong ka. Ginawa Niya iyan para sa akin.