2025
Magagawa Ninyo ang Lahat ng Bagay sa Pamamagitan ni Cristo
Agosto 2025


Tampok na Debosyonal

Magagawa Ninyo ang Lahat ng Bagay sa Pamamagitan ni Cristo

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Nob. 12, 2024.

Paano natin isasagawa ang lahat ng kinakailangang gawin?

si Jesucristo na nakaupo sa tabi ng isang puno

The Light of Life [Ang Ilaw ng Sanlibutan], ni Yongsung Kim

“Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13).

Sa kaalamang iyan, maaari nating itanong sa ating sarili, “Ano ang inaasahan sa akin, at kailangan ko bang gawin ang lahat ng bagay nang sabay-sabay?”

Nabubuhay tayo sa isang kawili-wiling mundo na may napakaraming impormasyong dumarating sa atin at napakataas ng mga inaasahan. Kung minsan, maaari nating matagpuan ang ating sarili sa isang sitwasyon kung saan hindi natin alam kung ano ang una o huling gagawin. Maaari pa itong magresulta sa hindi paggawa ng anuman at panghihina-ng-loob at panlulumo.

Kaya tingnan nating mabuti kung ano ang maaari nating gawin para makakilos tayo nang maayos at maisagawa ang mga kinakailangang gawin.

Patatagin ang Ating Relasyon sa Tagapagligtas

Una, maaaring makabubuting patatagin ang relasyon natin sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at iyan ang ilagay sa unahan ng ating listahan. Habang higit natin Siyang nakikilala, mas mauunawaan natin ang ating tungkulin sa buhay.

Kapag sinimulan ninyong patatagin ang inyong relasyon kay Cristo, mapapansin ninyo na agad na tumatatag at mas lumalalim ito.

Mas makikilala ninyo ang inyong sarili habang ginagawa ninyo ito at magkakaroon kayo ng higit na tiwala sa inyong sarili. Magkakaroon kayo ng higit na pagpapahalaga sa sarili dahil sa inyong espesyal na relasyon kay Cristo.

Dahil sa relasyong ito, nanaisin ninyong gumawa ng mas mahusay at maging mas mahusay.

Balansehin ang Ating mga Prayoridad

Sa pagtingin sa lahat ng kailangang gawin at lahat ng gusto nating gawin, kailangan nating malaman kung paano ikakategorya ang mga gawain bilang [mabuti, mas mabuti, at pinakamabuti].

Ang isang ideyang itinatangi ko ay nagmumula kay Pangulong Holland noong bumisita siya sa isang miting sa Paris. Pinayuhan niya tayo na, sa proseso ng pagpaprayoridad, maaari nating itanong ito sa ating sarili:

“Nabuklod ba ako rito?”

Nabuklod tayo sa ating asawa at mga anak. Makakasama natin sila magpakailanman at kailangan ay sila palagi ang prayoridad natin.

Ang dapat nating bigyan ng prayoridad ay ang mga taong nabuklod sa atin, pero hindi natin ito dapat gamiting dahilan para palampasin ang mga karanasang nagpapalago na ginagawa tayong mas mabuti. Hindi maaaring puro trabaho ang buhay, at hindi ito maaaring puro paglilibang; kailangang magkaroon ng balanse.

Unawain lamang kung ano ang pinakamahalagang bigyan ng prayoridad at talakayin ang mga ito sa inyong Ama sa Langit, tulad ng ginawa ni Nephi: “At ako, si Nephi, ay madalas na umakyat sa bundok, at madalas akong nanalangin sa Panginoon; anupa’t nagpakita sa akin ang Panginoon ng mga dakilang bagay,” (1 Nephi 18:3).

Sundin ang mga Kautusan

Ipinangako sa atin sa Aklat ni Mormon na kung susundin natin ang mga utos ng Diyos, pagpapalain at pauunlarin Niya tayo (tingnan sa Mosias 2:22).

Sinabi ni Pangulong Nelson na ang imoralidad ay isa sa pinakamabilis na mga paraan para mawala ang patotoo at na mabilis nitong magagawang kumplikado ang buhay. Sinabi rin niya na kasama sa marami sa pinakamatitinding tukso ng kaaway ay ang paglabag sa kadalisayan ng moralidad.

Sinabi rin ni Pangulong Nelson: “Walang makapagbubukas ng kalangitan nang higit sa magagawa ng pinagsama-samang kadalisayan, lubos na pagsunod, masigasig na paghahanap, araw-araw na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa Aklat ni Mormon, at pag-uukol palagi ng oras para sa templo at gawain sa family history.”

Ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at araw-araw na panalangin ang paraan para makahawak nang mahigpit sa gabay na bakal at marinig ang Kanyang tinig. At huwag nating kalimutan ang araw-araw na pagsisisi—araw-araw na pagsisikap na gumawa ng mas mabuti at maging mas mabuti.

Nagbigay si Alma sa kanyang mga anak ng mahalagang aral tungkol personal na panalangin: “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan; oo, kapag ikaw ay nahiga sa gabi, mahiga sa Panginoon, upang mabantayan ka niya sa iyong pagtulog; at kapag ikaw ay bumangon sa umaga hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos; at kung gagawin mo ang mga bagay na ito, ikaw ay dadakilain sa huling araw,” (Alma 37:37).

Umasa sa Espiritu Santo

Bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon, biniyayaan tayo ng kaloob na Espiritu Santo.

Ipinahayag ni Pangulong Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”

Naniniwala ako na dumating na ang araw na hindi na natin malalaman kung ano ang totoo o hindi kung wala ang impluwensya ng Espiritu Santo. Pag-isipan ang nagagawa ng artificial intelligence sa mga panahong ito. Bukod sa tungkulin bilang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo rin ang Tagapagpabanal.

Ipinaliwanag pa ito ni Elder Christofferson. Itinuro niya na ang pagpapabanal ay ang proseso ng Pagbabayad-sala ni Cristo sa paglilinis sa atin, pagpapagaling sa atin, at pagtulong sa atin na maging higit na katulad ni Cristo—ngunit sa pamamagitan lamang ng Espiritu Santo natin magagamit ang nagpapabanal na kapangyarihan ni Jesucristo. “Ang kaloob na Espiritu Santo … ang naghahatid ng biyaya kung kaya’t sa pamamagitan ng dugo ni Cristo ay napapatawad ang ating mga kasalanan at napapabanal tayo.”

Paano natin malalaman na nagkakaroon ng epekto ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa ating buhay? Ang sagot ay simple: Kung nadama na ninyo ang impluwensya ng Espiritu Santo sa araw na ito, maaari ninyong ituring na katibayan ito na nagkakaroon ng epekto ang Pagbabayad-sala sa inyong buhay.

Pagtanggap ng Endowment

Matatanggap natin ang kaloob na endowment kapag pumupunta tayo sa bahay ng Panginoon at kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan na sundin ang mga batas ng pagsunod, sakripisyo, batas ng ebanghelyo, kalinisang-puri, at lubos na paglalaan.

Kabilang sa mga kaloob na natatanggap natin kapag tinutupad natin ang mga tipang ito ang:

1. Higit na kaalaman tungkol sa mga layunin at turo ng Panginoon

2. Kakayahang gawin ang lahat ng nais ng Diyos na gawin natin

3. Banal na patnubay at proteksyon habang naglilingkod tayo sa Panginoon, sa ating pamilya, at sa iba

4. Dagdag na pag-asa, kapanatagan, at kapayapaan

5. Mga ipinangakong pagpapala ngayon at magpakailanman

Napakaluwalhati ng mga pagpapalang ito. Kamangha-mangha ang mga kaloob na natanggap natin mula sa ating mapagmahal na Ama sa Langit, na nais tayong magtagumpay sa buhay at makabalik sa Kanyang piling.

Sa ilang pagkakataon, nakatanggap ako ng patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. At hindi lamang tungkol sa paglilinis kundi makatatanggap din tayo ng lakas na gawin ang hindi natin inaakalang magagawa natin.

Paulit-ulit ko nang nadama ang lakas na iyon sa buhay ko, lalo na kapag hindi ako komportable.

Dapat ninyong malaman na magagawa ninyo ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Cristo, at hayaang pagpalain ng kaalamang iyon ang inyong buhay magpakailanman.