2025
Nagsisikap na Paglabanan ang Tuksong Magkumpara
Hunyo 2025


Huwag Palampasin ang Debosyonal na Ito

Nagsisikap na Paglabanan ang Tuksong Magkumpara

Sa pagmamalasakit at dalisay na pag-ibig ni Cristo, mapaglalabanan natin ang tuksong magkumpara.

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa mga estudyante sa Brigham Young University sa Provo, Utah, USA, noong Mayo 7, 2019. Para sa buong mensahe, bisitahin ang speeches.byu.edu.

si Jesucristo na kinakausap ang Kanyang mga disipulo

Ang nakagawiang pagkukumpara ay isang bagay na pinag-iisipan ko sa lahat ng oras dahil ginagawa ko ito sa lahat ng oras. Pero kahit ang pahayag na iyan ay medyo nagbibigay ng maling ideya. Ang pagsasabing, “Ginagawa ko ito sa lahat ng oras,” ay parang pagsasabing, “Humihinga ako sa lahat ng oras.” Basta ko lang nasabi nang hindi ko pinag-iisipan. Parang kusa lang—halos natural. Kaya nga sobrang nakakainis ito. Nalaman natin mula sa Mosias 3 na kapag naiwan tayo sa ating “likas” na kalagayan, nahihirapan tayong “[magpasakop] sa panghihikayat ng Banal na Espiritu” (talata 19).

Kaya, ano ang hinihikayat ng Banal na Espiritu na gawin natin?

Una, kailangan nating matukoy ang problema. Hayaan ninyong ilahad ko ito na ipinapakita kung paano ko naisip noon ang salaysay sa Doktrina at mga Tipan 7. Muling isinasalaysay sa bahaging ito kung paano ipinahayag ni Juan ang kanyang taos-pusong hangarin na magkaroon ng “kapangyarihan sa kamatayan, upang [siya] ay mabuhay at makapagdala ng mga kaluluwa [kay Cristo]” hanggang sa muling pagparito ni Jesus (Doktrina at mga Tipan 7:2; tingnan din sa Juan 21:20–23). Nalaman natin sa bahagi 7 ng Doktrina at mga Tipan na si Pedro, sa kabilang banda, ay nagnais na siya ay “kaagad na makatungo sa [Panginoon] sa [Kanyang] kaharian” (Doktrina at mga Tipan 7:4).

Narito kung paano ko nailarawan sa aking isipan ang pangyayari sa sitwasyong ito. Lumapit si Pedro sa Tagapagligtas nang medyo nag-aatubili at marahang nagtanong, “Ano ang taos-pusong hangarin ni Juan?” Nalaman ni Pedro na nais ni Juan na manatili sa lupa hanggang sa Ikalawang Pagparito upang ipangaral ang ebanghelyo. Nakikinita ko si Pedro na pilit ang ngiti at nagsabing, “Wow. Ang galing.” Pero ang talagang naiisip niya ay, “Ahhh! Napakahangal ko! Bakit hindi ko hiniling iyon? Bakit hindi ko man lang naisip iyon? Si Juan ay mas matwid kaysa sa akin! Maliban pa sa mas mabilis siyang tumakbo kaysa sa akin! Bakit ba palagi akong pabigla-bigla at padalus-dalos sa lahat ng bagay?”

Sa interpretasyong iyan, maaaring isipin ng isang tao na ganito ang mababasa sa Doktrina at mga Tipan 7:5: “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, [ang iyong hangaring makapasok kaagad sa aking kaharian] ay isang mabuting naisin; subalit ang aking pinakamamahal [na si Juan] ay nagnananais na siya ay makagawa pa nang marami, o mas dakila pang gawain sa mga tao kaysa sa [nagawa mo, ikaw na tamad].” Natanto ko na siyempre hindi ganoon ang mababasa sa talata. Narito ang totoong mababasa rito: “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, ito ay isang mabuting naisin; subalit ang aking pinakamamahal ay nagnananais na siya ay makagawa pa nang marami, o mas dakila pang gawain sa mga tao kaysa sa nagawa niya noon” (Doktrina at mga Tipan 7:5; idinagdag ang diin).

Nadarama ko ito nang may puwersa ng katotohanan: ang ating perpekto at mapagmahal na Diyos ay hindi gumagawa ng mga gayong uri ng pagkukumpara na naisip ko sa tagpong ito. Sa talatang ito ikinumpara lamang ni Jesus si Juan sa dating pagkatao ni Juan—si Juan sa dating Juan. Ikinumpara lamang Niya si Pedro sa Pedro noon, sa dating Pedro. At ikinukumpara lang niya ako sa dating ako.

Alam nating lahat ito, ‘di ba? Pero kung alam natin ang mga katotohanang ito, kung nagpapadama ang mga ito ng kapanatagan, bakit napakahirap tandaan ng mga ito? Ano ang maaari nating gawin?

Ang Proseso ng Pagiging May Kamalayan

Una sa lahat, maaari tayong maging maingat. Kaya, una muna, pansinin natin ang nakagawian natin na magkumpara. At narito ang ilang bagay na napapansin natin.

Nadarama natin na ang pagkukumpara ay maaaring humantong sa lahat ng uri ng problema. Sa kabilang dako, maaari itong magbunga ng kayabangan. Maaari itong magbunga ng pagmamataas. Maaari itong magbunga ng panghahamak at pang-iinsulto. Maaari itong magbunga ng kasiyahan sa sarili at pagiging kampante at kawalang pagpapahalaga. Sa kabilang banda, maaari itong magdulot ng kalungkutan. Maaari itong magdulot ng kawalan ng pag-asa. Maaari itong magdulot ng pakiramdam na hindi tayo karapat-dapat at magdudulot ng kahihiyan. Ito ay isang napakabisang kasangkapan para sa kasalanan at pagiging miserable!

Maaari nating sundin ang pamamaraan ni Nephi. Maaari nating sabihin, “Bakit ko bibigyang-daan ang mga tukso, na ang masama ay magkaroon ng pitak sa aking puso upang wasakin ang aking katahimikan at pahirapan ang aking kaluluwa?” (2 Nephi 4:27).

Mapapansin natin kung gaano kadalas na mali ang mga pagkukumparang ito–ibig sabihin, na ang mga ito ay kadalasang batay sa mga kasinungalingan at mga maling palagay, na kapwa kagagawan ng iba at natin mismo. Iyan ay mahalagang pansinin, mahalagang harapin, at mahalagang palaging ipaalala sa ating sarili.

Masyadong Maraming Variable

Ang pakikipagtalo ni Korihor kay Alma ay talagang napagtuunan ng pansin sa lesson at diskurso sa Simbahan. Pero sa palagay ko ang isa sa mga sinabi ni Korihor ay hindi sapat na napagtuunan ng pansin dahil sa pagiging hayagan ng kamalian nito. Sinabi ni Korihor na “bawat tao ay umuunlad alinsunod sa kanyang likas na talino, at ang bawat tao ay nagagapi alinsunod sa kanyang lakas” (Alma 30:17). Ang pahayag na iyan ay hindi talaga totoo, at kapag tapat tayo sa ating sarili, alam natin na hindi ito totoo.

Ang ibig kong sabihin ay walang sinuman ang may karapatang magsabi ng, “Umunlad ako dahil sa talino ko,” o “Nagtagumpay ako dahil sa lakas ko.” Alam natin, sa realidad, na napakaraming variable o elemento ang nakapaloob dito. Kung saan tayo ipinanganak, kailan tayo ipinanganak, ang ating lahi, kasarian, mga paaralan na mapapasukan natin, antas ng edukasyon ng ating mga magulang, mga genetic marker tulad ng taas at muscle mass, ang tiyempo ng ating aplikasyon at ang dami ng mga aplikante para sa isang programa o trabaho—napakaraming bagay na hindi natin makokontrol. Ang lahat ng bagay na ito ay nakakaapekto sa antas kung saan may pagkakataon tayo na “umunlad” o “magapi.” At para sa bagay na iyan, ano ba ang nangyayari kapag “umuunlad” o “nagagapi”?

Nakikita ba natin kung bakit hindi talaga makatwiran ang magkumpara—sa atin o sa iba? Napakaraming variables o elemento ang nakapaloob.

Lahat ng ito ay nagsasabi na dapat tayong maging mas mahabagin sa lahat dahil hindi natin alam kung anong mga pasanin ang dinadala nila o kung anong mga problema ang nagpapalugmok sa kanila. At tiyak na dapat tayong maging mas mapagpakumbaba kapag matagumpay tayo.

Mas Kaunti tungkol sa Ating Sarili

Mayroon akong apat na mababait na anak—Parley, Marshall, Truman, at Ashley—at marami akong aral na natutuhan mula sa kanila. Ang isang tagpo na malinaw pa sa aking isipan ngayon na nangyari mahigit 15 taon na ang nakakaraan ay ang isang laro na pagsalo ng bola sa likod-bahay kasama ang aking dalawang panganay na anak na lalaki na sina Parley at Marshall. Si Parley ay lima o anim na taong gulang noon; tatlo taong gulang naman siguro si Marshall. Inihahagis ko ang football sa bawat isa sa kanila. Nasasalo ni Parley ang bola sa halos lahat ng pagkakataon. Si Marshall, ay hindi gaanong nakakasalo.

Nakikita ko si Marshall na nakatuon, nakatingin sa bola—at pagkatapos sa bawat pagkakataon ay hindi ito nasasalo. Paano ko man ihagis ang bola, tila palagi itong tumatama sa ulo niya dahil nakakaalpas ito sa mga kamay niya at masyadong maaga o masyadong huli ang pagsalo niya ng bola. Buti na lang at malambot at inflatable ang football. Pero ito ang isang bagay na hindi ko kailanman malilimutan: Si Marshall ay tuwang-tuwa, tumatalon-talon, at humihiyaw sa tuwa sa tuwing masasalo ito ni Parley. Parang naririnig ko pa ang kanyang munting tinig na sumisigaw ng, “Nasalo mo, Par!” o “Ang galing mo, Par!” At pagkatapos ay hindi niya masasalo ang bola na susunod na ihahagis sa kanya. Pero kahit ganoon ay hindi iyon nagpatamlay sa kasiglahan niya para sa tagumpay ni Parley. Kahit paano ay alam niya na hindi siya nakikipagpaligsahan kay Parley. Maaari siyang magalak sa tagumpay ni Parley. Paano natin matutularan ang pagdiriwang na iyon na tulad ng sa isang bata para sa mabuting kapalaran ng iba?

Kapag dalisay ang ating hangarin, kapag kumikilos tayo nang may dalisay na puso, at kapag ang tanging layunin natin ay pagpalain ang iba, ang mga pagkukumpara nang may kapalaluan ay naglalaho. Walang halaga ang mga ito sa ating pag-iisip. Kapag puspos tayo ng pag-ibig sa kapwa, magiging katulad tayo ng Tagapagligtas. Bakit likas sa Kanya ang dalisay na hangarin? Ito ay sa simpleng dahilan na alam Niya kung sino Siya at kilala Niya kayo at kilala Niya ako. Iyan ang nagpapabago sa lahat.

Kung tatanungin natin ang ating sarili kung ikinumpara ba o hindi ni Jesus ang Kanyang sarili sa mga nakapaligid sa Kanya o nasiyahan ba Siya sa kinatatayuan Niya “sa mga baitang ng … tagumpay” at sa kung sino ang nasa ilalim Niya, ang tanong ay biglang nagiging katawa-tawa. Tandaan natin na ito ang Tagapagligtas na naglalayong gawin tayo na—sa wika ng Doktrina at mga Tipan 88—“pantay sa kanya”! (talata 107). Walang inggitan, walang paligsahan. Kung ang tuksong magkumpara ay nang-uudyok, “hindi Siya nagpadaig” dito (Doktrina at mga Tipan 20:22). At maaari tayong maging katulad Niya.

Ang Tunay na Mahalaga

Makatatanggap kayo ng mga email o voicemail o text message—marahil kahit sa araw na ito—na nagsasabi sa inyo na may ibang natanggap para sa trabaho, na may ibang pinili para sa team, na hindi interesado ang isang tao na makipag-date sa pangalawang pagkakataon, na may ibang tinawag na Relief Society president, at iba pa. Pero huwag itong ituring na tanda ng inyong kahalagahan. Ang mga pagkabigo ay nagdudulot ng pighati, pero ito ay maaari ding makabuti, bagama’t masakit. Lahat ng bagay ay tunay na “gumagawa sa ikabubuti [nila na] mga umiibig sa [Diyos]” (Roma 8:28). Pero huwag hayaang ang tuksong magkumpara ay magbigay sa mga kabiguang ito ng mapanirang kapangyarihan. Ang mga pagkukumparang ito ay mga huwad; ang mga ito ay hindi—hindi maaaring—maging panukat sa kung ano ang tunay na mahalaga. Kapag nakakaranas ng mga kabiguan, huminga tayo nang malalim; inaalala natin ang tunay na mahalaga.

Naaalala ko na labis akong naantig noong una kong marinig na binanggit ng isang tao ang sinabi ni Pangulong David O. McKay tungkol sa paglalarawan sa ating isipan ng interbyu sa atin ng Panginoon sa hinaharap. Binigyang-diin ni Pangulong McKay na hindi tatanungin ng Panginoon ang tungkol sa ating mga propesyon, kundi tungkol lamang sa ating integridad. Hindi Siya magtatanong para sa résumé ng mga calling natin sa Simbahan, kundi ang tungkol lamang sa interes natin sa paglilingkod sa iba. Ang mga bagay na ito ang tunay na mahalaga.

Kumuha tayo ng salamin. Tingnan natin ang ating sarili. Ulitin natin, “Hindi ako nakikipagpaligsahan sa ibang tao; nakikipagpaligsahan ako sa aking sarili. Ang takbo ay laban sa kasalanan, hindi laban sa isa’t isa.” Pagkatapos ay dapat tayong manalangin nang buong lakas ng puso upang mapuspos ng dalisay na pag-ibig ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:48), sa Kanya na “nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya” (Mga Hebreo 12:2; tingnan din sa Moroni 6:4). Hindi natin dapat hayaan ang mga kasinungalingan na “gambalain ang mga pagsasaya [natin]” (Alma 30:22) sa mga katotohanang mas malalim at mas nakahihikayat kaysa sa mga kasinungalingan ng pagkukumpara. Pagkatapos ay kailangan nating lumabas sa pintuan, kalimutan ang ating sarili, at simulang pagtuunan ng pansin ang iba.

Mga Tala

  1. Ezra Taft Benson, “Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 6.

  2. Tingnan sa David O. McKay, sa Robert D. Hales, “Understandings of the Heart” (Brigham Young University devotional, Mar. 15, 1988), 7–8, speeches.byu.edu.

  3. Tingnan sa Boyd K. Packer, That All May Be Edified (1982), 51–52; tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “The Other Prodigal,” Ensign, Mayo 2002, 64.

  4. Tingnan sa Susan W. Tanner, “Ang Kabanalan ng Katawan,” Liahona, Nob. 2005, 15.