2025
3 Tip na Makatutulong sa Iyo na Mag-adjust sa mga Pagbabago sa Buhay
Hunyo 2025


Mga Kasanayan sa Buhay

3 Tip na Makatutulong sa Iyo na Mag-adjust sa mga Pagbabago sa Buhay

Maraming nagbabago sa buhay kapag naging isang young adult. Narito ang ilang mungkahi upang matulungan kang makadama ng kapayapaan.

larawang-guhit ng isang lalaki sa madilim na silid na nakatayo sa harap ng pintuan

Talagang nababalisa ako kapag may biglaang pagbabago sa aking routine, ito man ay inaasahan o hindi inaasahan.

Ang pagbabago ay maaaring maging mahirap (kahit magagandang pagbabago!), at bilang mga young adult, maaaring mas marami tayong kaharaping pagbabago sa puntong ito ng ating buhay kaysa sa iba pa. Ang pakikipagdeyt at pag-aasawa, pagbabalik mula sa misyon, pagtanggap ng mga bagong calling, paglipat, pag-aaral o pagtatrabaho, pag-aalaga ng mga anak, o paggawa ng mga tipan—lahat habang sinisikap na maging matatag sa mundong ito na patuloy na nagbabago.

Sinabi noon ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018):

“Minsan o sa ibang pagkakataon ay narinig na nating lahat ang pamilyar na kasabihang ito: ‘Walang palagian kundi ang pagbabago.’

“Sa buong buhay natin, dapat nating harapin ang pagbabago. Ang ilang pagbabago ay maganda; ang iba ay hindi.”

Ang pagharap sa iba’t ibang pagbabago sa panahong ito ng buhay ay maaaring mag-iwan sa atin ng pagkabalisa at bahagyang pagkalito kung minsan. Ngunit may ilang bagay tayong magagawa na makatutulong sa atin na makahanap ng katatagan, kaginhawahan, at seguridad sa buong panahon ng pagiging young adult:

1. Paisa-isang Gawin ang mga Bagay-bagay

Marami na akong naranasan na malalaking pagbabago sa buhay ko na talagang ikinabalisa ko.

Mataas ang inaasahan ko sa sarili ko na mabilis akong makibagay, at nadidismaya ako kapag lumilipas ang panahon at parang may kulang pa rin. Gayunpaman, natutuhan ko na epektibo ang “baby steps” [paisa-isang paghakbang tulad sa maliit na bata] sa pagtanggap sa pagbabago.

Matutulungan tayo ng Ama sa Langit na umangkop sa pagbabago, kahit na ang pag-aangkop ay paggawa lamang ng maliliit na hakbang pasulong upang yakapin ang pagbabago.

Hindi natin kailangang pilitin ang ating sarili na maunawaan agad ang lahat ng bagay. Sa halip, maaari nating gawin ang mga bagay-bagay nang paisa-isa! Dahil kung tutuusin, “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6). Maging mapagpasensya at mahabagin sa iyong sarili habang natututuhan mong masanay sa iyong bagong normal.

2. Magkaroon ng Positibong Pananaw

Kung minsan ang pagbabago ay maaaring magpadama ng kawalan, pagkawalay, o iba pang mahihirap na damdamin. Walang kalagayan ang mananatiling pareho magpakailanman.

Sa katunayan, nagpatotoo kamakailan si Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol na “likas sa lahat ng bagay sa mundo ang tumanda, mabulok, masira, o lumipas. Pero ang kagalakang mula sa Diyos ay walang hanggan, dahil ang Diyos ay walang hanggan.”

Karaniwan ay isa akong taong may positibong pananaw, pero ang aking utak na madaling tablan ng pagkabalisa ay nais na suriin ang isang sitwasyon at mag-isip ng pinakamalalang posibleng konklusyon—lalo na bago o pagkatapos ng isang malaking pagbabago sa buhay. Gayunman, dahil alam kong hangad ng Ama sa Langit ang pinakamainam para sa akin, naipapaalala nito sa akin na anuman ang mangyari, magiging maayos ang lahat.

Nasa atin ang lahat ng dahilan upang magkaroon ng positibong pananaw tungkol sa hinaharap. Kahit hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa inaasahan natin, ang kagalakan ay laging makakamtan dahil kay Jesucristo.

3. Magtuon sa Iyong mga Tipan

Kapag patuloy na nagbabago ang buhay sa paligid ko, nakadarama ako ng kasiguruhan sa kaalamang hindi nagbabago ang aking mga tipan.

Walang hanggan ang mga ito.

Alam ko na tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako sa akin at tinitiyak sa akin na taglay ko ang Kanyang kapangyarihan sa aking buhay para maharap ang lahat ng bagay na dumarating sa akin. Oo, ang mga pagbabago sa ating buhay ay maaaring magpabalisa sa atin, pero ang pananatiling tapat sa ating mga tipan ay makatutulong sa atin na matagpuan ang pagkakapitan na hinahanap natin.

Nagpatotoo si Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol na maaari tayong magkaroon ng espesyal na uri ng kasiguruhan sa pamamagitan ng tinatawag niya na “tiwala sa tipan.” Sabi niya, “Ang tiwalang ito ay ang tahimik ngunit tiyak na pangakong matatanggap ng mga tutupad sa kanilang mga tipan ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos na kailangang-kailangan para sa napakaraming hamon ng ating panahon.”

Dahil sa pagpapala ng mga tipan sa templo, magkakaroon tayo ng matibay na pundasyon, kapanatagan, at lakas na magpatuloy, umangkop, at mag-adjust sa patuloy na pagbabago ng mundo.

Maaaring tayo ay mga nilalang na ginagawa ang nakagawian, palaging inaasam na manatiling nahuhulaan [ang mangyayari] at ligtas ang mga bagay-bagay. Ngunit ang katotohanan ay, ang pagbabago ay hindi maiiwasan—at iyan ang talagang dapat mangyari! Bahagi lamang ito ng ating paglalakbay sa mortalidad. Dahil kay Jesucristo, sa kabila ng mga pagbabagong maaaring sumopresa sa atin, maaari tayong patuloy na magkaroon ng kagalakan, umunlad, at maging optimistiko sa lahat ng panahon ng buhay.