Mga Tanong at Mga Sagot
Paano Ko Maibabalik ang Kagalakan sa mga Panahon ng Paghihirap?
Ang awtor ay naninirahan sa Puerto Rico.
Nais ng Diyos na maging masaya tayo, kahit nahihirapan tayo. Pero paano natin gagawin iyan?
Nang makabalik ako mula sa misyon, nagulumihanan ako. Sa aking misyon, nadama ko ang patnubay ng Espiritu Santo, tiwala ako sa katotohanan ng ebanghelyo, at nakakita ako ng maraming himala. Ngunit ang regular na buhay ay … siyempre, regular. At biglang tila mas mahirap ito.
Palagi kong tinatanong ang Diyos, “Bakit? Bakit talagang naiiba ang buhay ngayon?”
Dumadalo ako sa institute at sacrament meeting, pero hindi ko madama ang Espiritu nang madalas tulad noong nasa misyon ako. Pagkatapos ay naalala ko ang sinabi ng mission president ko sa mga missionary sa halos bawat kumperensya:
“Sa buhay, maaari nating sikaping magalak kahit nahihirapan.”
Noong una kong narinig ito, hindi ko ito naunawaan. Ngunit sa sandaling iyon ng pag-alaala, bigla akong nakaunawa. Nais ng Ama sa Langit na makahanap tayo ng pangmatagalang kagalakan—kahit nasa panahon tayo ng paghihirap sa buhay.
Matapos makaranas ng mga paghihirap sa aking buhay, natutuhan ko ang ilang paraan na tinutulungan tayo ng Ama sa Langit na makadama ng kagalakan, anuman ang nangyayari sa ating buhay.
Hangarin ang Araw-araw na Pagbabalik-loob
Ilang taon matapos kong maunawaan ito, nanghina ang espirituwalidad ko nang dumating sa akin ang isang hindi inaasahang hamon. Nagsimula akong lumihis sa landas ng tipan at nawala ang kagalakang nadama ko. Pagkaraan ng ilang buwan, alam kong kailangan kong bumalik, kaya nagpasiya akong manood ng pangkalahatang kumperensya.
Nagsalita si Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ng tungkol sa simple at araw-araw na gawi na tumutulong sa atin na manatiling nakaayon sa Diyos: “Maaari nating malampasan ang mga kadiliman at pagsubok ng buhay na ito at mahanap ang daan pabalik sa ating mapagmahal na Ama sa Langit kung hahanapin at tatanggapin natin ang espirituwal na mga tanda sa daan na ibinigay Niya, yayakapin ang personal na paghahayag, at magsisikap na gawin ang araw-araw na pagbabalik-loob.”
Nagtanto ko na dito ako kailangang magsimula upang maibalik ang aking kagalakan.
Ibinigay sa atin ng Diyos ang lahat ng resources na kailangan natin upang mahanap ang kagalakan sa buhay na ito, kahit sa gitna ng mga pagsubok. Kapag naaalala natin ang mga simpleng gawain sa araw-araw na nagdudulot ng araw-araw na pagbabalik-loob, tulad ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, binubuksan natin ang ating puso sa Diyos at tila mas nagiging kaunti ang ating mga paghihirap. Magiging mas malakas at mas masaya tayo, anuman ang ating kalagayan.
Alalahanin ang Iyong mga Tipan
Sa pagsisisi at pag-asa sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nakabalik ako sa landas ng tipan. Nang magsimula akong maghanda para maging temple worker, natanto ko ang isa pang mahalagang paraan ng Panginoon para magkaroon tayo ng kagalakan kahit sa ating mga paghihirap: ang mga tipan.
Itinanong kamakailan ni Elder Yoon Hwan Choi ng Pitumpu, “Gusto ba ninyong lumigaya?” Bilang tugon, binanggit niya ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kung gusto ninyong maging miserable, labagin ang mga kautusan—at huwag magsisi kailanman. Kung gusto ninyong magalak, manatili sa landas ng tipan.”
Ang pag-alaala sa aking mga tipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay nagdulot sa akin ng kagalakan nang masubok ang aking pananampalataya, nang maranasan ng mga mahal ko sa buhay ang kahirapan, at nang maranasan ko ang oposisyon sa aking misyon. At ngayon, ang pagtupad sa mga tipan ko sa Kanila ay nagdudulot sa akin ng kagalakan anuman ang kinakaharap ko.
Anuman ang nangyayari sa buhay at gaano man katindi ang mga paghihirap sa buhay, makakakita ka ng mga himala kung mananatili ka sa landas ng tipan ng Diyos.
Makinig sa Musika ng Ebanghelyo
Tinulungan ako ng musika na maalala ang mga aral ng kagalakan na natutuhan ko sa buong buhay ko.
Noong bata pa ako, naaalala ko na nakikinig ako sa pangwakas na himno sa sacrament meeting. Pagkatapos ng panalangin, umupo ako sa may piano sa unang pagkakataon at tumugtog ng himig. Parang noon pa man ay alam ko na ito. Ang karanasang ito ay maihahalintulad sa kung paano natin matututuhan na magkaroon ng kagalakan kahit sa ating paghihirap.
Ang landas ng tipan ay katulad ng piano na iyon. Kapag sinimulan na nating tugtugin ito, ang himig—ang kagalakan ng ebanghelyo—ay dumarating sa atin na para bang noon pa man ay alam na natin ito. Habang patuloy tayong nagsasanay, mas madali na ang pagtugtog ng himig. Gayundin, kapag gumagawa tayo ng mga simpleng gawain sa araw-araw na tumutulong sa atin na madama ang Espiritu, tulad ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, mas madaling matagpuan ang kagalakan ng ebanghelyo. Kapag dumating ang paghihirap, mahahanap pa rin natin ang masayang himig, basta’t patuloy lang tayong tumutugtog at patuloy na nagpapraktis.
Noong siya ay miyembro pa ng Pitumpu, itinuro ni Elder Wilford W. Andersen: “Kung hindi ninyo naririnig ang musika ng ebanghelyo … , alalahanin sana ang tatlong salitang ito: patuloy na magsanay. Sa tulong ng Diyos, darating ang araw na mapupuno ng di-masambit na kagalakan ng musika ng ebanghelyo ang inyong tahanan.”
Ang Pagmamahal ng Diyos ang Magdadala sa Iyo
Ngayon kapag naaalala ko ang mga salita ng aking mission president na “magalak kahit nahihirapan,” alam ko na kung saan ako magsisimula. Naiisip ko ang mga paraan na ipinakita sa akin ng Diyos kung paano makahanap ng kagalakan sa nagdaang mga hamong ito. Maraming kaloob at pagpapala ang inilaan sa atin ng Ama sa Langit na magpapaalala sa atin ng Kanyang pagmamahal at ng kagalakan na posibleng makamtan sa pamamagitan ni Jesucristo.
Ang Kanilang pagmamahal ang magdadala sa atin at tutulong sa atin na maging masaya—sa ating magiginhawang panahon at sa ating paghihirap.