Lalo na para sa mga Bagong Kasal
4 na Tulong para sa Paggawa ng mga Desisyon Bilang Mag-asawa
Ang matutong gumawa ng mga desisyon bilang mag-asawa ay maaaring mahirap gawin. Narito ang ilang tip upang matulungan kayong gumawa ng mas mabubuting desisyon nang magkasama.
Kami ng asawa ko ay gumawa ng maraming desisyon sa unang dalawang taon ng aming pagsasama bilang mag-asawa, mula sa maliliit na desisyon tulad ng pagpapasiya kung anong uri ng gatas ang bibilhin hanggang sa mas malalaking desisyon tulad ng kung kailan magsisimulang magkaroon ng mga anak.
Gaano man kalaki o kaliit, ang paggawa ng mga desisyon ay maaaring maging mahirap, lalo na kung natututo pa lang kayo na gawin ang mga ito na kasama ang isang tao!
Unti-unti at sa maraming beses na paggawa nito, natutuhan namin kung paano gumawa ng mabubuting desisyon nang magkasama sa tulong ng Panginoon. Narito ang apat na bagay na natutuhan namin na makatutulong sa inyong mag-asawa na gumawa ng mga desisyon bilang magkabiyak.
1. Maging “[Mapag]pigil sa Sarili”
Ipinaalala sa atin ng banal na kasulatan, “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili” (2 Timoteo 1:7; idinagdag ang diin).
Magagamit mo ito sa pamamagitan ng pag-unawa na ang paggawa ng mga desisyon kapag kayo ng asawa mo ay pagod, takot, o galit ay mas magpapakumplikado lamang sa mga bagay-bagay. Ang isang paraan upang matulungan ang iyong sarili at ang iyong asawa na magkaroon ng pagpipigil sa sarili ay sa pamamagitan ng pagdarasal nang magkasama. Humingi ng partikular na payo sa Ama sa Langit sa mga desisyon na ginagawa ninyo. Hindi Niya kayo palaging bibigyan ng payo sa anyo ng isang nagliliyab na palumpong o isang haligi ng liwanag, ngunit gagabayan Niya ang inyong isipan at kilos ayon sa Kanyang takdang panahon.
Kapag kayo ng asawa mo ay kalmado, nag-iisip nang malinaw, at nakaayon sa Espiritu, ang paggawa ng mga desisyon nang magkasama ay nagiging mas madali.
2. Iwasan ang Pagmamadali o Labis na Pag-iisip
Kahit pareho kayong nag-iisip nang malinaw, ang madaliang pagpapasiya ay maaaring makaapekto sa inyong kakayahang gumawa ng pinakamabuting desisyon. Maging mapagpasensiya sa isa’t isa at bigyan ang inyong sarili ng oras upang pag-aralan ang inyong mga pagpipilian, manalangin, at pagnilayan ang mga desisyon at mga posibleng resulta ng mga ito bago kumilos.
Gayunpaman, ang paghihintay ng masyadong matagal bago kumilos ay maaaring hindi rin makabuti. Ang labis na pag-iisip ay maaaring humantong sa pagkabalisa at pag-aalinlangan. Sa halip na labis na pag-isipan ang desisyon, kung nagdasal na kayo tungkol dito, hikayatin ang isa’t isa na kumilos nang may pananampalataya at pagtitiwala. Kapag nakaayon kayo sa isa’t isa at sa Panginoon, makagagawa kayo ng maayos na mga desisyon.
Sinabing minsan ni Elder Carlos A. Godoy ng Pitumpu: “Ang paggawa ng mga desisyong makakaapekto sa buhay natin at ng mga mahal natin nang hindi iniisip ang mas malawak na kahihinatnan nito ay maaaring magdulot ng ilang panganib. Gayunman, kung iisipin natin ang maaaring ibunga ng mga desisyong ito sa hinaharap, makikita natin nang mas malinaw ang pinakamagandang landas na tatahakin sa ngayon.”
3. Tandaan na ang Mabuting Inspirasyon ay Nangangailangan ng Mahusay na Impormasyon
Nang pumipili si Pangulong Russell M. Nelson ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, ininterbyu niya ang bawat miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol dahil alam niya na “nakabatay ang mabuting inspirasyon sa mahusay na impormasyon.”
Naaangkop din ito sa atin! Ang pinakamabubuting desisyon ay mga desisyong pinag-aralan. Kausapin ang iyong asawa tungkol sa ideya ng paghingi ng payo sa mga pinagkakatiwalaang kaibigan at miyembro ng pamilya tungkol sa mga pagpipilian na isinasaalang-alang ninyo nang magkasama. Kung sa palagay ninyong mag-asawa ay makatutulong ito, kausapin ang ibang tao para sa kanilang mga ideya. Ibahagi sa isa’t isa ang inyong natutuhan at sabihin sa isa’t isa ang nadarama ninyo tungkol sa bagay na iyon.
Hinihikayat tayo ng Panginoon na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Maghanap ng impormasyon at kaalaman mula sa mabubuting resources, kabilang ang mga espirituwal na resources tulad ng mga banal na kasulatan, mga salita ng mga propeta, at mga patriarchal blessing ninyong mag-asawa. Kapag kayong dalawa ang nagsaliksik, magagawa ninyo ang inyong mga desisyon nang may kumpiyansa.
4. Hayaang si Cristo ang Maging Kompas Ninyo
Kapag isinasama ninyong mag-asawa ang Panginoon sa paggawa ninyo ng desisyon at sumusulong kayo nang may pananampalataya, tatanglawan Niya ang inyong landas.
Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927-2018), “Sa pagninilay natin sa mga desisyong ginagawa natin sa buhay araw-araw—piliin man natin ito o kaya’y iyon—kung pipiliin natin si Cristo, tama ang gagawin nating desisyon.”
Sa lahat ng desisyon na kinakaharap ninyo, piliin ang landas na magtutulot sa inyong mag-asawa na mas mapalapit kay Jesucristo. Hayaan Siyang maging kompas ninyo sa lahat ng pagpiling ginagawa ninyo. Kung isasama ninyo ang Panginoon sa inyong pagsasama bilang mag-asawa at susundin ang Kanyang paraan sa paghahanap ng mga sagot, kayo ay Kanyang pagkakaisahin at gagabayan Niya kayo sa buong buhay ninyo nang magkasama.