Paggamit ng Doktrina at mga Tipan sa Inyong Buhay
Nakatuon Ba Kayo sa Inyong mga Problema o sa Inyong mga Pagpapala? Ano ang Itinuro sa Akin ng mga Unang Banal Tungkol sa Kagalakan
Ang mga karanasan ng mga unang Banal sa Doktrina at mga Tipan ay nagturo sa akin ng maraming bagay tungkol sa pagdama ng kagalakan.
Buong pagtatapat: Nakokonsiyensya ako sa pagiging negatibo at sobrang pagtutuon ko sa mga problema ko.
Mapalad ako na napapaligiran ako ng mga mahal ko sa buhay na nagbibigay ng maraming mabubuting solusyon. Pero sasabihin nila sa inyo na madalas ay hindi ko sinusunod ang kanilang payo at sa halip ay patuloy akong nagiging miserable, masyadong matigas ang ulo para iwaksi ang negatibo kong pananaw.
Ngayon, hindi ibig sabihin nito na lahat ng mga problema at pagsubok sa buhay ay madaling malulutas kung tayo lamang ay “magiging positibo” o “titingnan ang positibo.” Ang pagngiti kahit na may mga problema ay hindi palaging nagpapagaan sa mga ito. Ngunit naniniwala ako na ang pinipili nating pagtuunan ng pansin ay maaaring makaapekto sa ating kakayahang magtiis sa paghihirap at makadama ng kagalakan sa kabila ng ating mga hamon.
Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”
Pero paano natin mababago ang ating pokus upang madama ang kagalakan na tila mahirap makamtan?
Magtuon sa mga Pangako ng Diyos
Habang pinag-aaralan ko ang Doktrina at mga Tipan ngayong taon kasama ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, ang mga unang Banal ng Simbahan ay napatunayang mabubuting halimbawa ng alituntuning ito na itinuro ni Pangulong Nelson. Ang mga Banal ay nagtiis nang tapat sa kanilang mga hamon sa pamamagitan ng pag-alaala sa kanilang pinakamithiin—ang “dahilan” sa likod ng lahat ng bagay kaya sila nabubuhay at ang mga pagpapalang ipinangako sa kanila.
Nalaman ko ang tungkol sa mga Banal na nagtiwala sa Panginoon nang sabihin Niya:
“Hindi ninyo mamamasdan ng inyong likas na mga mata, sa kasalukuyan, ang balangkas ng inyong Diyos hinggil sa mga bagay na yaon na darating pagkaraan nito, at ang kaluwalhatiang susunod matapos ang maraming kapighatian.
“Sapagkat pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala” (Doktrina at mga Tipan 58:3–4).
Ang mga Banal na ito, na may pananampalataya na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa kanila, ay nakatuon sa mga pagpapalang darating pagkatapos, hindi mismo sa panahon, ng kanilang mga kapighatian. Naniniwala ako na ang pagbabagong ito sa pinagtutuunan ay nakatulong sa kanila na patuloy na sumulong at makamit din ang maaaring hindi inakalang matatamo sa kanilang kalagayan—ang kagalakan!
Sa Kinaumagahan ay Dumarating ang Galak
Sa Mga Awit 30 may isang talata na nagsasabing, “Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak, ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak” (Mga Awit 30:5). Ang ilan sa inyo ay maaaring nakaranas na nito nang literal. Sa gabi, ang mga problema ay maaaring tila mas nakakatakot at mas imposibleng makayanan ang mahihirap na bagay. Kung minsan ang pangakong iyon ng kinaumagahan ay tila hindi makamtan. Ngunit pagkatapos ay dumarating ang bukang-liwayway, at ang ating mga alalahanin ay naglalaho sa liwanag ng isang bagong araw.
Marahil ay naranasan na rin ninyo ito sa matalinghagang paraan. Pakiramdam ninyo ay walang katapusan ang pasakit, paghihirap, o pakikibaka sa inyong buhay, at sa pakiwari ninyo ay tila nalulukuban kayo ng kadiliman. Marahil ang pangako ng kagalakan ay tila hindi makakamtan sa dilim. Paano kaya tayo makakaabot hanggang sa kinaumagahan?
Tulad ng mga unang Banal, tayo ay “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa” (2 Nephi 31:20). Kapag nadarama natin na hindi tayo makaalis sa dilim, maaari tayong manampalataya nang matatag at walang pag-aalinlangan kay Cristo, na siyang nagbibigay sa atin ng pag-asa sa kagalakan na darating sa umaga. Tiniyak sa atin ng Panginoon, tulad ng ginawa Niya sa mga Banal, “Hindi pa oras, subalit nalalapit na” (Doktrina at mga Tipan 58:4).
Kagalakan sa Gitna ng Kalungkutan
Normal lang na makaramdam ng kalungkutan, pagkabigo, o mawalan ng pag-asa paminsan-minsan. Ang kawalan, karamdaman, sakit sa pag-iisip, trauma, o pang-aabuso ay lalong maaaring makahadlang sa kagalakan at pag-asa na nais nating madama at magpahirap sa atin na makita ang liwanag sa dulo ng lagusan.
Ngunit posibleng makaramdam ng kagalakan sa gitna ng kalungkutan dahil kay Jesucristo. Mababasa natin sa mga banal na kasulatan, “At sa gayon nakikita natin ang malaking dahilan ng kalungkutan, at gayon din ng pagsasaya—kalungkutan dahil sa kamatayan at pagkalipol ng mga tao, at kagalakan dahil sa liwanag ni Cristo tungo sa pagkabuhay” (Alma 28:14). Maaari tayong makadama ng kalungkutan dahil sa mga pasakit na tinitiis natin habang nakadarama rin naman ng kagalakan dahil sa nagbibigay-buhay na liwanag ng Tagapagligtas.
Sinusubukan kong baguhin ang aking negatibong pananaw kapag dumarating ang mga hamon sa akin sa pamamagitan ng pagpokus sa mga pagpapalang naghihintay sa akin—sa halip na sa aking mga problema. Kung minsan ay nanlulumo ako dahil sa kalungkutan, ngunit ang pag-alaala kay Cristo ay nagbibigay sa akin ng pag-asa na darating ang kagalakan.
Sa pagtitiis ninyo sa mga paghihirap na nararanasan ninyo, umaasa ako na maaalala ninyo ang kagalakan ng mga Banal at malalaman na makakamtan din ninyo ito kapag naaalala ninyo ang pag-asa sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.