2025
Pinagaling ni Cristo Matapos Maabuso
Hunyo 2025


Mula sa Lingguhang YA

Pinagaling ni Cristo Matapos Maabuso

Ang awtor ay naninirahan sa South Africa.

Natagpuan ko ang paggaling at kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo matapos ang seksuwal na pang-aabuso.

si Cristo na naglalakad sa kaparangan ng mga liryo

Consider the Lilies [Pansinin ang mga Liryo], ni Eva Koleva Timothy

Mula sa sandaling tumindi ang inspirasyon sa puso ko na maglingkod sa full-time mission, nadama ko na kailangan kong simulan agad ang paghahanda. Nagtiwala ako na may malinaw at tiyak na plano ang Diyos para sa akin. Sinimulan ko ang aking mga papeles sa misyon at nakumpleto ang lahat ng kinakailangang papeles sa loob lamang ng isang buwan.

Habang naghihintay ako na matapos ang huling paghahanda, naharap ako sa mga hamon na sumubok sa aking pananampalataya. Ngunit ang mga hamon na iyon ay maliit lamang kung ikukumpara sa mararanasan ko.

Paghahanap ng Kapanatagan kay Cristo

Sa panahong ito, nakaranas ako ng seksuwal na pang-aabuso. Matapos ang pang-aabuso, nahirapan akong makita kung ano ang mangyayari sa kinabukasan ko.

May bago akong tanong: Bakit kailangan kong danasin ang gayong kahila-hilakbot na pangyayari, lalo na habang sinisikap kong gawin ang gawain ng Panginoon?

Ang buhay ko ay nabalot ng kawalang-katiyakan, takot, at pag-aalinlangan. Akala ko ay wala na akong pag-asa. Hindi ko makita kung paano pa ako makakabangon mula sa mapangwasak na karanasang iyon. Nakadama ako ng matinding pag-iisa at napuno ako ng kawalan ng pag-asa.

Nangamba ako na hindi na ako karapat-dapat dahil sa naranasan ko, kaya humingi ako ng payo sa aking stake president. Ipinayo niya na humingi ako ng kapanatagan sa nakapagpapagaling na Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Binigyang-diin niya na si Cristo ang tanging pinagmumulan ng paggaling at kapayapaan at hinikayat akong basahin ang Aklat ni Mormon.

Patuloy kong pinaglabanan ang pagkalito at pag-aalinlangan. Magulo ang aking isipan, at hindi ko alam ang gagawin. Pinayuhan ako ng aking stake president na huwag ko munang ipasa ang mga papeles ko sa misyon habang nagpapatulong ako sa isang psychologist. Ang coping mechanism na itinuro nila sa akin, lakip ang suporta ng mga kaibigan, ay nakatulong sa pagpapagaling ko. Pero natagpuan ko lalo na sa templo ang kapanatagan.

Pagpapagaling sa mga Hindi Mapapagaling

Sa panahong ito ng matinding sakit, nagdasal din ako sa Diyos para mapagaling, mapalakas, at mapanatag. Habang itinutuon ko ang aking sarili sa pagbabasa sa Aklat ni Mormon, nagsimula kong madama ang lubos na kapanatagan. Lalong naging makabuluhan sa akin ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo. Natanto ko na hindi ko kasalanan ang nangyari sa akin, at napanatag ako dahil alam ko na alam ng Diyos ang mga paghihirap ko at Siya ay “makikipaglaban sa [aking] mga digmaan” (Doktrina at mga Tipan 105:14). Ang pagkaunawang ito ay nagbigay sa akin ng katiyakan at kalinawan na hinahanap ko.

Dinala ni Jesucristo sa Kanyang sarili “ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao … upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa” (Alma 7:11–12). Si Cristo ay lubos na nakauunawa sa mga trauma ng nakaraan na tiniis natin at nagbibigay sa atin ng kapanatagan at katahimikan. Tinutulungan din Niya tayo na magpatawad, kahit nangangailangan ng napakahabang panahon para magawa ito.

Habang sinisikap kong makayanan ang aking pasakit sa pamamagitan ng propesyonal at espirituwal na tulong, nakadama ako ng kapayapaan. Kamakailan ay natanggap ko ang aking temple endowment at mission call, lahat ay dahil sa kapangyarihan ni Jesucristo.

Itinuro ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Si Jesus ay dalubhasa sa mga bagay na tila imposible. Naparito Siya para gawing posible ang imposible, tubusin ang hindi matutubos, pagalingin ang hindi mapapagaling, itama ang hindi maitatama, ipangako ang hindi maipapangako. At talagang mahusay Siya roon. Sa katunayan, perpekto Siya roon.”

Ang mga katotohanan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay naging realidad sa akin nang gawin Niyang posible sa buhay ko ang inaakala kong imposible. Pinawi Niya ang aking takot, pag-aalinlangan, at pagkalito, at mahimalang pinagaling Niya ako.

Kung nakaranas ka ng trauma o pang-aabuso, tandaan na ikaw ay minamahal! Karapat-dapat kang mahalin at pagalingin. Mangyaring maging matiyaga sa iyong sarili; ang pagpapagaling ay walang sinusunod na takdang panahon o timeline. At huwag magdusa nang mag-isa! Napakahalaga na makahanap ng mga sumusuportang indibiduwal na maaari mong pagkatiwalaan—talagang gumagawa ito ng kaibhan.

At higit sa lahat, bumaling kay Cristo. Sasagipin ka niya.