2025
Pagdanas ng “Kaganapan ng Kagalakan” na Ipinapangako sa Atin ng Diyos
Hunyo 2025


Mga Young Adult

Pagdanas ng “Kaganapan ng Kagalakan” na Ipinangako sa Atin ng Diyos

Talaga bang mas pinasasaya tayo ng pagsasabuhay ng ebanghelyo?

larawang-guhit ng isang dalagang nagdarasal

Ang ebanghelyo ay nag-aalok sa atin ng kakaibang pananaw tungkol sa paghahangad ng kaligayahan. Ang pagkakaroon ng personal na relasyon sa Diyos at kay Jesucristo ay nagpapalalim sa ating pag-unawa kung ano ang tunay na kaligayahan at ang kahulugan ng magalak.

Pero para sa akin, ang makamundong kaligayahan at walang-hanggang kagalakan ay dalawang magkaibang bagay.

Ang makamundong kaligayahan ay batay sa pansamantalang kasiyahan at katuwaan at naiimpluwensyahan ng ating kasalukuyang sitwasyon. Maaari itong magpasimula ng purong saya o maging dahilan ng ating pagtawa nang malakas. Gayunman, ang ganitong uri ng kaligayahan ay maaaring panandalian at mahirap panatilihin.

Samantala, ang kagalakang nakasentro kay Cristo ay pangmatagalang kasiyahan at kapayapaan na hindi batay sa ating sitwasyon. Nangungusap ang kagalakan sa puso at kaluluwa at maaaring mas tumagal kaysa makamundong kaligayahan.

Sa pagkukumpara sa dalawang damdaming ito, naisip ko ang sarili kong mga karanasan at kung paano naghahatid ng mas malalim at mas nagtatagal na kagalakan ang ebanghelyo ni Jesucristo sa ating buhay

Sa pagsunod sa Tagapagligtas, pagsunod sa Kanyang mga utos, at pananatili sa landas ng tipan, mas lumalaki ang kakayahan nating mas magalak. Mahalagang maunawaan na samantalang ang kaligayahan sa mundo kadalasan ay isang tugon sa mga nangyayari sa labas, ang kagalakan ay maaaring maging isang kalagayan ng kalooban na malalim na maaaring umiral kahit sa gitna ng mga pagsubok.

larawang-guhit ng mga dalagang magkakayakap

Ang mga Panandaliang Kasiyahan sa Mundo Bersus ang Walang-Hanggang Kagalakan ng Ebanghelyo

Masaya na ako bago ko pa nalaman ang tungkol sa ebanghelyo. Maganda ang buhay ko, kasama ang mga magulang ko na noon pa man ay siyang pinakamagandang halimbawa ng kabaitan, pagiging di-makasarili, at pagmamahal na kilala ko. Naniniwala ako na magiging masaya ang mga tao kahit wala ang ebanghelyo sa kanilang buhay.

Gayunman, mula nang sumapi ako sa Simbahan sa edad na 18, nalaman ko na pinalalawak ng ebanghelyo ang kakayahan nating makaranas ng walang-hanggang kagalakan. Ang ating kaalaman tungkol sa ebanghelyo ang nagtutulot sa atin na makadama ng kagalakang higit pa sa anumang maiaalok ng mundo.

Bagama’t ang mundo ay nag-aalok ng kaligayahan sa pamamagitan ng mga pansamantalang kasiyahan, inaanyayahan tayo ng ebanghelyo na makibahagi sa kagalakang higit pa sa lahat ng sitwasyon. Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang kaligayahang dulot ng mundo … ay hindi nagtatagal. Hindi nito kayang magtagal. Likas sa lahat ng bagay sa mundo ang tumanda, mabulok, masira, o lumipas. Pero ang kagalakang mula sa Diyos ay walang hanggan, dahil ang Diyos ay walang hanggan.”

Sa nakalipas na ilang taon, nagkaroon ako ng ilang partikular na mahihirap na pagkakataon na nahirapan akong makaramdam ng saya. Sa kabila ng mga hirap, malalim ang mga munting kagalakang nadama ko sa mga sandali ng pagdarasal, personal na pag-aaral, at paglilingkod sa iba. Nalaman ko na ang aking kagalakan ay hindi nakikita sa malaki at malinaw na mga damdamin; sa halip, madalas ay sa pamamagitan ito ng malalim at nagtatagal na diwa ng kapayapaan at kasiyahan sa puso ko.

Sa mga sandaling ito, naunawaan ko talaga ang kahulugan ng maranasan ang kagalakang ipinapangako ng ating Tagapagligtas.

Totoo, ang walang-hanggang kagalakan ay nagmumula sa pag-ayon ng ating buhay sa plano ng Diyos. Pinatotohanan ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Napakahalaga sa plano ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Kung wala ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, lahat tayo ay maliligaw ng landas.” Bagama’t ang kaligayahang alok ng mundo ay karaniwang nagmumula sa mga panlabas na sitwasyon, ang kaligayahan o kagalakang alok ng Panginoon ay isang walang-hanggang kalagayan na nagmumula sa pamumuhay na nakasentro kay Cristo.

Ang Walang-Hanggang Kagalakang Natatagpuan Natin kay Cristo

Ang kagalakan ng ebanghelyo ay nakakahawa. Binabago nito hindi lamang ang sarili nating buhay kundi maging ang buhay ng mga tao sa ating paligid. Ang pangakong walang-hanggang kagalakan ay mahalaga sa mensahe ng ebanghelyo. Sa 3 Nephi 28:10, pinangakuan tayo ng “kaganapan ng kagalakan” sa piling ng Ama at ng Anak.

Ang walang-hanggang kagalakang ito ay nagmumula sa pagtupad ng ating banal na layunin at pagiging katulad ng Diyos. Ito ay isang kagalakang higit pa sa ating mga karanasan sa lupa, na nangangako ng kinabukasan na may walang-hanggang kaligayahan kasama ang ating mga mahal sa buhay.

Lahat ay makakaranas ng mga kasiyahan at kalungkutan, ngunit ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naglalaan ng landas tungo sa walang-hanggang kagalakan. Sa paghahangad na sundin ang Tagapagligtas at mamuhay ayon sa Kanyang mga turo, makakaranas tayo ng kagalakang malalim, walang-hanggan, at nagpapabago.

Tulad ng sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”

Ang pangakong walang-hanggang kagalakan ay hindi malayong mangyari. Ito ay isang katotohanan sa ngayon na maaari nating maranasan ngayon dito. Sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo, magagawa nating gawing walang-hanggang kagalakan ang mga panandaliang sandali ng kaligayahan. Kaya hanapin ang kaligayahan at hangarin ang kagalakan. Yakapin ang ebanghelyo. Hayaang gabayan ng pangakong walang-hanggang kagalakan ang inyong landas. Ang walang-hanggang kagalakan ay nagmumula sa pagkakaroon ng presensya ng Diyos sa ating buhay.

Bagama’t maaaring dumating at lumipas ang makamundong kaligayahan, ang kagalakang matatagpuan natin kay Cristo ay walang hanggan!

Ang awtor ay naninirahan sa Glasgow, Scotland.

Mga Tala