2025
Naghahanap Ako ng Koneksyon sa Maling mga Lugar, pero Nasa Akin na Pala ang Sagot
Hunyo 2025


Mula sa Lingguhang YA

Naghahanap Ako ng Koneksyon sa Maling mga Lugar, pero Nasa Akin na Pala ang Sagot

Nasa akin na ang sagot sa problema ko sa kalungkutan, pero hindi ko nakita iyon.

tatlong ibon na nakadapo sa kawad ng kuryente, kung saan ang isang ibon ay malayo sa dalawa pang ibon

Habang lumalaki ako bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nalulungkot ako.

Dahil ako lang ang miyembro sa buong high school namin, ramdam ko na nakahiwalay ako sa iba. Hindi pa gaanong alam ng maraming tao ang tungkol sa Simbahan noon, kaya dama ko na wala akong maraming pagkakataon para pag-usapan ang tungkol dito. Kung minsan ay ayaw ko dahil natatakot akong matanggihan at lalo kong naramdaman ang pag-iisa.

Nagsimula akong mainis sa ebanghelyo nang marami sa mga kaibigan ko ang tila mas masaya kaysa sa akin.

Parang napakasaya nila sa pagdalo sa mga kasiyahan, at ramdam ko na hindi ako kabilang. Palagi akong tumatanggi sa mga imbitasyon nila at parang inaayawan ko ang kanilang pakikipagkaibigan at kaligayahan.

Kaya isang araw, tinanggap ko ang mga imbitasyon nila.

Pagtingin nang lampas sa Tanda

Dumalas nang dumalas ang pagsama ko sa mga kaibigang ito. Pakiramdam ko ay kabilang na ako sa wakas sa isang komunidad at kalaunan ay tumigil na ako sa pagsisimba.

Gayunpaman, pagkalipas ng ilang panahon, nakadama ako ng kapaguran at parang mas nag-iisa kaysa dati. Nadama ko na lulong na ako sa nikotina at hindi makontrol ang sarili kong buhay.

Hindi ko maintindihan kung ano ang problema ko. Nagkaroon na ako ng mga kaibigan at koneksyon na gusto ko, kaya bakit hindi na lang ako maging masaya tulad nila?

Sa panahong ito, isa sa mga kaibigan ko ang nawalan ng mahal sa buhay. Nang kinausap ko sila at sinubukan kong makatulong, sinimulan kong ipaliwanag ang lahat ng nalalaman ko tungkol sa plano ng kaligtasan, at ipinaliwanag na makikita nilang muli ang kanilang mahal sa buhay balang-araw.

… Ano?

Hindi ako makapaniwala sa sinasabi ko! Ilang taon ko nang hindi iniisip ang tungkol sa ebanghelyo.

Pero nakadama ako ng pag-asa nang ipaliwanag ko ang katotohanang ito na natutuhan ko, at natanto ko na hindi lubusang nawala ang aking pananampalataya.

Pinag-isipan ko ang mga piraso ng aking pananampalataya na nasa akin pa rin. Naisip ko kung paano ako laging binibigyan ng Simbahan ng puwang sa isang komunidad ng mga taong may magkakatulad na kaisipan—lahat ay nagsisikap na sundin si Jesucristo, naglilingkod sa kapwa, at nararanasan ang kagalakan at mga pangako ng ebanghelyo.

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “[Maaari tayong mapatingin] nang lampas sa tanda. Kailangan nating maging maingat upang maiwasan ang pag-uugaling ito at baka makaligtaan natin si Jesucristo sa ating buhay at mabigong makilala ang maraming pagpapalang ibinibigay Niya sa atin. Kailangan natin Siya!”

Natanto ko na naghahanap ako ng kaligayahan sa lahat ng maling lugar.

tatlong ibon na nakadapo nang magkakatabi sa kawad ng kuryente

Hindi Ka Nag-iisa

Matapos ang karanasang ito, sinimulan kong makipagkita sa mga missionary para matulungan akong makilala muli si Jesucristo. Tinulungan nila ako na mas magtuon sa ebanghelyo. Nagsimula akong manalangin nang mas madalas at magtuon sa muling pagtuklas sa aking banal na pagkatao. Tinalikuran ko rin ang paggamit ng nikotina. Alam ko na kasama ko ang Diyos habang sinisikap kong baguhin ang buhay ko.

Sa paglipas ng panahon, nakita ko ang koneksyon ko sa iba pang mga disipulo ni Cristo sa aming ward. Sinimulan ko ring kausapin ang aking mga kaibigan tungkol sa aking pananampalataya at sinasagot ang kanilang mga tanong, at nagpasaya iyon sa akin.

Karamihan sa lungkot na nadama ko noon ay dahil sa wala akong kumpiyansa. Pero nang binago ko ang pokus ko mula sa pagpipilit na mapabilang at nagtuon sa kung sino talaga ako—isang anak ng Diyos—at sa pagbabahagi ng aking paniniwala, natagpuan ko ang kagalakan at pagiging kabilang sa lubos na pamumuhay ng ebanghelyo.

Ipinangako ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“May iba pang maibibigay ang Diyos. Isang mas mataas na uri at mas masidhing kagalakan—isang kagalakang higit pa sa anumang bagay na ibinibigay ng mundong ito. Ito ay isang kagalakang nagtitiis sa dalamhati, dumaraig sa kalungkutan, at pumapawi ng lumbay.

“Ang kaligayahang dulot ng mundo, sa kabilang dako, ay hindi nagtatagal. Hindi nito kayang magtagal. Likas sa lahat ng bagay sa mundo ang tumanda, mabulok, masira, o lumipas. Pero ang kagalakang mula sa Diyos ay walang hanggan, dahil ang Diyos ay walang hanggan.”

Hindi ko na nadarama na nakahiwalay ako bilang miyembro ng Simbahan. Ang pagpokus kay Jesucristo ang nag-alis ng pasanin sa aking mga balikat at muli akong naginhawahan! Kapag sinusunod ko Siya, natatanto ko na hindi talaga ako nag-iisa. Dahil sa pagpapala ng mga tipan, kaloob na Espiritu Santo, at lahat ng pangako ni Cristo, alam kong kasama ko Siya.

Ang pangmatagalang kagalakan na dulot ng katotohanang ito sa aking buhay ay mas nakahihigit kaysa sa anumang bagay na panandalian na hinanap ko nang wala Siya.