Mula sa Lingguhang YA
Kauuwi Mo pa Lang Mula sa Iyong Misyon. Ano na ang Gagawin Mo Ngayon?
Isang liham para sa nag-aalalang kauuwing missionary.
Mahal na kaibigan,
Binabati kita sa pagtatapos ng iyong misyon! Ipinagmamalaki kita at ang iyong paglilingkod sa Panginoon.
Ngayong nakauwi ka na, nag-iisip ka siguro, “Ano na ang gagawin ko ngayon?” Nagbago na ang mga bagay-bagay—mas tumanda na ang mga kapamilya mo, sumulong na ang pop culture, at higit sa lahat, isang bagong tao ka na dahil sa iyong misyon.
Nang makauwi ako mula sa aking misyon, nahirapan akong isipin kung ano na ang mangyayari sa akin. Pero pagkaraan ng halos limang taon mula nang umuwi ako, natuto ako ng ilang bagay tungkol sa pag-adjust sa buhay pagkatapos ng misyon na sana ay makatulong sa iyo.
Iwasang Bumalik sa mga Dating Gawi
Dapat akong mag-adjust sa maraming bagay, pero imumungkahi ko na iwasan mong bumalik sa dating mga makamundong gawi tulad ng sobrang paggamit ng social media. Pagkatapos mag-ayuno sa social media, kung minsa’y ginagantimpalaan ko ang sarili ko sa pamamagitan ng sobrang paggamit nito.
Maaari kang matuksong gawin din iyon sa iba pang media pagkauwi mo. Nauunawaan naman ito, pero itinuro sa iyo sa misyon ang kahalagahan ng pagiging maingat sa iyong oras at paggawa ng mga bagay na makakatulong sa iyo na manatiling malapit sa Diyos. Huwag hayaang mawala ang lahat ng iyan dahil lamang sa may access kang muli sa cell phone mo.
Ituloy ang natutuhan mong mga gawi na espirituwal na nagpapalakas, tulad ng pag-aaral ng iyong mga banal na kasulatan at pagdarasal nang madalas. Maaaring maiba ang oras ng iyong pag-aaral kaysa noong nasa misyon ka, pero maaari pa rin itong maging makapangyarihan at makabuluhan. Sabi ni Pangulong Steven J. Lund, Young Men General President, “Magkakaroon tayo ng espirituwal na kumpiyansa at kapayapaan habang nililinang natin ang mga banal na kaugalian at mabubuting gawain na makapagtataguyod at magpapaalab ng ating pananampalataya.”
Patuloy na Maglingkod
Katatapos mo pa lang maglaan ng isang panahon ng paglilingkod, at maaaring mahirap makahanap ng layunin kapag nakauwi ka na. Ipinaalala sa atin ni Pangulong M. Russell Ballard (1928-2023): “Kapag na-release na kayo mula sa inyong misyon, tandaan na hindi kayo ini-release sa pagiging aktibo sa Simbahan. Pagtibayin ang mabubuting gawing natutuhan ninyo sa misyon, patuloy na palakasin ang inyong patotoo, magsipag, magdasal, at maging masunurin sa Panginoon. Igalang ang mga tipan na inyong ginawa. Patuloy na pagpalain at paglingkuran ang iba.”
Kaya huwag hayaang mawala ang iyong momentum! Patuloy na maglingkod—humingi ng calling sa inyong bishop, isiping maglingkod bilang temple worker, o maghanap ng mga paraan para makapaglingkod sa inyong tahanan, ward, o komunidad. Tinulungan ka ng iyong misyon na maghanda para sa habambuhay na paglilingkod sa Panginoon.
Maghanap ng Mabubuting Kaibigan at Mentor
Pagkatapos, dapat mong tiyakin na maghanap ng mabubuting kaibigang tutulong sa iyo na mag-adjust sa buhay pagkatapos ng misyon habang nananatili kang tapat sa ebanghelyo. Maaaring nasa iba-ibang yugto ng buhay ang mga dati mong kaibigan, kaya maaari mong maramdaman na kailangan mong magsimula na makipagkaibigang muli. Pero maaari itong maging isang magandang oportunidad—ang pagpili mo ng mga kaibigan ay makakaapekto sa iyong buhay nang higit sa inaakala mo. Hanapin ang mga taong tutulong sa iyo na patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo.
Ang isang mentor—bishop, guro, o magulang—ay makakatulong din sa paggabay sa iyo. Maghanap ng isang taong mas maalam kaysa sa iyo at matuto mula sa kanya, sa ebanghelyo man, sa propesyong interesado ka, o sa isang libangang nagpapasaya sa iyo. Karamihan sa mga tao ay matutuwang ibahagi sa iyo ang kanilang kaalaman, at ang mga aral na itinuturo nila ay maaaring maging ilan sa pinakamahahalagang kasangkapan sa buhay. Mapagpapala ka sa kanilang pagtuturo, at mapagpapala sila sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman.
Manampalataya at Magkaroon ng Layunin
Panghuli, magkaroon ng layunin kung saan at kanino ka mananampalataya. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Lahat ng mabuti sa buhay—lahat ng pagpapala na maaaring matamo na may walang-hanggang kahalagahan—ay nagsisimula sa pananampalataya.”
Pinili kong manampalataya sa Diyos, na naghahandog sa akin ng walang-hanggang kagalakan. Nang gawin kong layunin na mas mapalapit sa Diyos, nadama ko ang Kanyang kapangyarihan sa mas malalaking paraan kaysa naranasan ko sa aking misyon.
Tandaan, may nagmamahal sa iyo at magagawa mo ito! Kapag sumampalataya ka sa Ama sa Langit, ipapakita Niya sa iyo ang kagalakang higit pa sa kaya mong unawain. Maaari mong isipin na nakita mo na ang lahat ng magagawa ng Diyos para sa iyo, pero ipinapangako ko sa iyo, mas marami ka pang makikita.
Nagmamahal,
Henry