Mula sa Lingguhang YA
Praktikal at Espirituwal na mga Pagpapala: Mga Pangako mula sa Ating mga Pinuno tungkol sa Pagkakaroon ng Kakayahang Umasa sa Sarili
Ang Ama sa Langit ay may nakalaang mga pagpapala para sa atin kapag tayo ay nagkaroon ng kakayahan at nakapagsarili.
Ang pariralang pag-asa sa sarili o self-reliance ay maaaring hindi natin palaging ikatuwa.
Maaari itong magpaisip sa inyo ng mga bagay na tulad ng pagbabadyet, pagbabayad ng mga bill, o paghahanap ng trabaho, na maaaring pawang nakapag-aalalang mga paksa. Pero ang pagsasakripisyo ngayon para mapaunlad ang pagkakaroon ng kakayahang umasa sa sarili ay isa sa pinakamaiinam na paraan para pangalagaan ang ating sarili. Matutulungan tayo nito sa lahat ng aspeto ng ating buhay—emosyonal, temporal, at espirituwal.
Narito ang ilang pahayag mula sa ating mga inspiradong pinuno tungkol sa mga pagpapala ng pag-asa sa sarili:
Emosyonal na mga Pagpapala
“Kailangan nating tandaan na kung gagawin natin ang madadaling bagay ngayon, kakailanganin nating gawin ang mahihirap na bagay sa hinaharap, pero kung magpapasiya tayo, sa kabilang dako, na gawin ang mahihirap na bagay ngayon, malamang na maging mas maliwanag at mas madali ang ating hinaharap.”
Elder Frederick Kamya, Area Seventy, “Becoming Self-Reliant,” Liahona, Set. 2023, Africa Central Local Pages, Gospel Library.
“Mabibiyayaan kayo ng mas malaking pag-asa, kapayapaan, at pag-unlad.”
Personal na Pera para Maging Self-Reliant (2016), Gospel Library.
“Ang alituntunin ng pag-asa sa sarili o self-reliance ay mahalaga sa maligayang buhay.”
Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), “Solving Emotional Problems in the Lord’s Own Way,” Ensign, Mayo 1978, 91.
Temporal na mga Pagpapala
“Kapag sinisikap nating maging handa sa temporal, makahaharap tayo sa mga pagsubok sa buhay nang may dagdag na tiwala sa sarili, kapayapaan sa ating puso, at tulad ni Jose sa Ehipto, masasabi natin, kahit sa mahihirap na mga kalagayan, ‘May pagkain’ [Genesis 41:54].”
Bishop W. Christopher Waddell, Unang Tagapayo sa Presiding Bishopric, “May Pagkain,” Liahona, Nob. 2020, 45.
“Kapag pinag-ibayo natin ang ating pag-asa sa sarili, nag-iibayo ang ating kakayahang tulungan at paglingkuran ang iba ayon sa paraan ng Tagapagligtas.”
Sister Silvia H. Allred, dating Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, “Ang Kahulugan ng Pagiging Disipulo,” Liahona, Mayo 2011, 85.
“[Ito] ang mga pagpapalang makakamit kapag sinunod natin ang payo ng mga propeta at namuhay ayon sa ating kinikita, umiwas sa pag-utang na hindi kailangan, at mag-imbak ng sapat na pangangailangan sa buhay upang matustusan ang sarili at pamilya kahit sa loob man lang ng isang taon. Maaaring hindi ito laging madali, pero gawin natin ang ‘pinakamainam’ na magagawa natin, at hindi kukulangin ang ating imbakan—magkakaroon ng ‘sapat at matitira’ [Doktrina at mga Tipan 104:17].”
Bishop Keith B. McMullin, dating Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric, “Maging Handa … Maging Malakas Magmula Ngayon,” Liahona, Nob. 2005, 12.
ESPIRITUWAL NA MGA PAGPAPALA
“Kapag mas nakakaasa tayo sa ating sarili—sa temporal, emosyonal, at espirituwal—mas handa tayo na mapaglabanan ang walang tigil na pag-atake ni Satanas.”
Pangulong Russell M. Nelson, “Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 75.
“Ang pagsisikap na umasa sa ating sariling kakayahan ay bahagi ng ating gawain sa landas ng tipan na aakay sa atin pabalik sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Palalakasin nito ang pananampalataya natin kay Jesucristo at masayang ibubuklod tayo sa Kanya sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan.”
Elder Hugo E. Martinez ng Pitumpu, “Pagtuturo ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan sa mga Bata at Kabataan,” Liahona, Mayo 2022, 95.
“Kung gagawin natin ang ating bahagi, tutulong Siya. Siya na nagpakababa-baba sa lahat ng bagay ay tutulong sa atin. Papanatagin at susuportahan Niya tayo. Palalakasin Niya tayo sa ating kahinaan at patatatagin tayo sa ating kapighatian. Gagawin Niya ang mahihinang bagay na maging malalakas. Ang kailangan lang nating gawin ay manalangin at pagkatapos ay gawin ang lahat ng ating makakaya, ang lahat ng ating makakaya bawat araw, at ipaubaya ang iba pa sa Kanyang sariling mga kamay.”
Elder Frederick Kamya, Area Seventy, “Becoming Self-Reliant,” Liahona, Set. 2023, Africa Central Local Pages, Gospel Library.
Umasa kay Cristo
Ang mga pagsisikap mong maging self-reliant ay maghahatid ng malalaking pagpapala sa iyo at tutulutan kang magalak kalaunan dahil sa mga paghahandang nagawa mo ngayon.
Habang sinisikap mong higit na maging self-reliant, alalahanin kung sino ang tiyak na maaasahan mo. Nagpatotoo si Elder Ricardo P. Giménez ng Pitumpu, “Alam ko na kung gagawin natin ang lahat ng makakaya natin at aasa [tayo] kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala bilang ating kanlungan, tayo ay pagpapalain ng kaginhawahan, kapanatagan, kalakasan, kahinahunan, at kapayapaan na hinahangad natin.’”
Higit sa lahat, piliing umasa sa Tagapagligtas. Hindi ka Niya kailanman bibiguin.