2025
Paano Ako Makasusumpong ng Kapayapaan Kapag Hindi Ako Makatulog sa Gabi Dahil sa Pag-aalala sa mga Problema sa Pera?
Agosto 2025


Lalo na para sa mga Bagong Kasal

Paano Ako Makasusumpong ng Kapayapaan Kapag Hindi Ako Makatulog sa Gabi Dahil sa Pag-aalala sa mga Problema sa Pera?

Sa tuwing maririnig ko ang salitang badyet, gusto kong himatayin. Mabuti na lang, maaaring tumulong ang Diyos.

isang isinalarawang hugis ng tao na nakaupo sa baitang ng hagdan at nanlulumong nakatingin sa isang tambak na pera na hindi niya maabot

Bilang asawa at bagong ama, masasabi ko na may isang bagay akong kinatatakutan nang higit pa kaysa anumang gagamba, mataas na lugar, o madilim na hugis sa gabi.

Ito’y ang pera.

Isipin mo na nasa isang sulok ako, takot na nakayukyok habang nakaamba sa akin ang isang bank statement, at medyo magiging tumpak ang paglalarawan mo sa nadarama ko.

Dahil umaasa sa akin ang aking asawa at bagong panganak na sanggol, madalas kong makita ang sarili ko na natatakot, iniisip kung paano ko matutustusan ang mga pangangailangan ng pamilya ko. Bukod sa regular na mga buwanang gastusing dumarating sa akin, nagsisimula pa lang ako sa aking propesyon. Hindi ako sigurado kung o kailan ako magkakaroon ng matatag at pangmatagalang trabaho.

Madali para sa akin ang magkaroon ng hindi maganda at negatibong pananaw tungkol sa pera. Gayunman, sinisikap kong matutuhan na bagama’t hindi ako laging may malinaw na pananaw sa susunod na mangyayari, gagabayan ako ng Diyos.

Naglalaho ang Takot Habang Lumalakas ang Pananampalataya

Habang natututo akong magtiwala sa Diyos, may natanto akong isang bagay tungkol sa aking sarili. Madalas akong manalangin at humingi ng mga pagpapala, tulad ng tulong na makahanap ng trabaho o pambayad sa di-inaasahang bayarin sa pagpapagamot, pero kung minsa’y takot-na-takot akong mabigo kaya talagang inaasahan ko na hindi ibibigay ng Diyos ang mga pagpapalang hinihiling ko.

Itinatanong sa Moroni 7:40, “Paanong kayo ay makaaabot sa pananampalataya, maliban kung kayo ay [magkaroon] ng pag-asa?” Ang mawalan ng pag-asa bago pa man ako humiling ng pagpapala ay parang pagbebenda sa isang sugat na wala naman talaga. Ano ang dahilan?

Ang pagkatantong ito ang nagtulak sa akin na naising magbago. Sinisikap kong makagawian na kilalanin na may kapangyarihan ang Diyos na bigyan ako ng mga pagpapala, habang nauunawaan ko pa rin na bibigyan ako ng Diyos ng mga pagpapalang pinakamainam para sa akin, hindi ng mga inaakala kong kailangan ko. Kahit kinakabahan pa rin ako tungkol sa pera, ang nakagawiang ito ay nakatulong sa akin na hindi gaanong matakot.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at laging nauuwi sa mabuting pagkilos.” Ang paghingi ng tulong ukol sa pera ay likas na hahantong sa pagkilos kung ito ay ginagawa nang may pananampalataya. Ang pagkilos na iyan ay maaaring makita sa maraming paraan, tulad ng pagbabadyet, pag-aplay sa mas magagandang trabaho, o pagkakaroon ng mga bagong kasanayan.

Magbayad ng Ikapu (Hindi, Talaga, Makinig Ka sa Akin)

Sa pamumuhay na ubos ang lahat ng kita kada suweldo, maaaring parang napakalaki ng 10 porsiyento para ibigay, pero mahalagang paraan ito sa pagsisikap kong gumawa nang matwid.

Hindi nagtagal matapos kaming ikasal, naaksidente kaming mag-asawa sa sasakyan. Napinsala ang aking maybahay at kinailangan niyang magbitiw sa trabaho. Hindi sumapat ang suweldo ko para mabayaran ang lahat ng gastusin, at mahirap magbayad ng ikapu, sa madaling salita.

Pero nagpasiya pa rin kaming gawin iyon.

Makalipas ang isa o dalawang linggo, may nakita kaming sobre sa mailbox namin. Nakasulat doon ang aming mga pangalan pero walang address ng pinanggalingan, at nasa loob ng sobre ang halos 10 beses na laki ng halaga kaysa sa naibayad namin sa ikapu. Hanggang ngayon ay wala akong ideya kung sino ang nagpadala niyon o kung paano nila nalaman na kailangan namin ng pera. Pero ang alam ko ay nagbayad kami ng aming ikapu at batid ng Diyos na kailangan namin ng tulong.

Bagama’t hindi lahat ng himala ng ikapu ay kagila-gilalas katulad niyon, marami pa kaming ibang nakita, kapwa espirituwal at temporal. Tulad ng natutuhan natin sa Malakias 3:10: “Subukin ninyo ako ngayon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Tingnan ninyo kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan.”

Kapag natatakot ako na hindi namin kayang bayaran ang upa o pagkain o anumang kailangan namin, bumabaling ako sa mga pangako ng Panginoon sa pagbabayad ng ikapu bilang pinagmumulan ng kapayapaan. Kung minsa’y ito lamang ang kapanatagang kaya naming bayaran, pero lagi naming kayang bayaran ito.

Patuloy na Sumulong

Ang isang bagay na nais kong linawin ay na hindi ko alam ang lahat ng sagot tungkol sa pananalapi o pera. Pero isang dahilan iyon, hindi ba?

Ang mga panahon na gipit ako sa pera ay nakatulong sa akin na bumaling sa Panginoon at matuto tungkol sa pagsampalataya dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin. Ang landas na pipiliin ko sana para sa aking sarili ay ang mas kakaunti ang paakyat, pero hindi ko sana napansin ang maringal at walang-katumbas na tanawin ng kinalalagyan ko ngayon.

Nagpapasalamat ako para diyan, at bagama’t hindi ko masasabi na gugustuhin kong magkaroon ng iba pang kawalan ng katiyakan sa pera sa aking hinaharap, inaasam ko pa rin ang paglalakbay—dahil alam kong maaari akong magtiwala na tutulungan ako ni Cristo na makayanan ito. Talagang ito ang pinakadakilang pinagmumulan ng kapayapaan na aking natagpuan.

Sa mga taong nasa gayon ding paglalakbay, patuloy na sumulong. Humingi ng tulong sa Diyos, magbayad ng iyong ikapu, at manampalataya sa Kanyang Anak, na ating Tagapagligtas at Manunubos. Isipin kung anong matwid na pagkilos ang maaaring magbigay-inspirasyon sa iyo dahil sa iyong pananampalataya.

Alam ko na sasagutin ng Diyos ang iyong mga panalangin, at kahit hindi kasama sa sagot ang kayamanan, “malaki ang iyong pagpapala—oo, maging mas higit pa sa kung iyong matatamo ang mga kayamanan ng mundo at kabulukan na katumbas ng mga ito” (Doktrina at mga Tipan 19:38).