2025
Ang Aking Patriarchal Blessing: Ang Paggabay ng Diyos sa Pagbuo ng Buhay na Inasam Ko
Agosto 2025


“Ang Aking Patriarchal Blessing: Ang Paggabay ng Diyos sa Pagbuo ng Buhay na Inasam Ko,” Liahona, Ago. 2025.

Mula sa Lingguhang YA

Ang Aking Patriarchal Blessing: Ang Paggabay ng Diyos sa Pagbuo ng Buhay na Inasam Ko

Bawat hakbang na ginagawa ko ay ginagabayan ng aking pananampalataya sa mga pangakong natanggap ko.

parola

Habang lumalaki ako sa Ghana, puno ng mga balakid ang buhay ko noong high school ako.

Karamihan sa mga high school noong panahong iyon ay may matrikula, at hirap sa pera ang pamilya ko. Magiliw na nag-alok ang tito ko na suportahan ang pag-aaral ko, at pinayagan akong makitira sa kanya at magpatuloy sa pag-aaral. Gayunman, karaniwan ang mga problema sa pera, at hindi laging nakakayanan ng tito ko na bayaran ang matrikula ko. Kapag hindi siya makabayad, pinapauwi niya ako, at sa kasamaang-palad ay maraming beses itong nangyari, na may kasamang iba pang mga parusa.

Habang naghihirap ako, madalas akong malungkot habang nakamasid sa iba pang mga batang may mas magagandang oportunidad. Subalit ang mga hamong ito ang naging dahilan para magbago ang karanasan ko sa buhay.

Habang nakikitira sa tito ko at kanyang pamilya, isinama nila ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naglaan sila ng oras bawat linggo sa home evening, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at araw-araw na panalangin. Pagkaraan ng isang taon ng pagsisimba at pagdalo sa seminary na kasama nila, sa edad na 17, gumawa ako ng sagradong desisyon na magpabinyag.

Ginabayan ng Aking Patriarchal Blessing

Pagkaraan ng ilang taon, habang nasa Sunday School ako, natutuhan ko ang tungkol sa mga patriarchal blessing at nadama ko ang agarang pangangailangang tumanggap nito. Ang patriarch na si Joseph William “Billy” Johnson ay respetadong disipulo sa komunidad ng Simbahan at kabilang sa mga unang convert sa Ghana. Naglakbay ako nang dalawang oras para hilingin ang blessing ko at nagbalik ako pagkaraan ng isang buwan na bukas ang puso na tanggapin ito.

Sa blessing o basbas, labis akong nabigla nang magsalita ang patriarch ng mga personal na kabatiran na umantig nang husto sa aking kalooban, na naghahayag ng koneksyon sa buhay ko na tanging Diyos lamang ang maaaring makaalam. Nadama ko ang Kanyang pagmamahal at pagtiyak na ako ay may layunin. Bawat sumunod na pagbabasa ng blessing ko ay nagbigay-diin sa detalyadong kaalaman ng Diyos tungkol sa akin at sa banal na gawaing kailangan kong isakatuparan.

Natanto ko na lubhang interesado ang Diyos sa ating buhay, na tayo ay Kanyang mga anak (tingnan sa Roma 8:16) at may banal na layunin. Ang pagkatantong ito ay nagbigay-inspirasyon sa akin na pakatandaan ang nakasulat sa aking patriarchal blessing, na ipinapaalala sa akin ang mga kautusan at pangakong kaugnay nito. Ang aking patriarchal blessing ang naghikayat sa desisyon kong magmisyon. Ang karanasang ito ay lubos na nagpabago sa buhay ko, at nasaksihan kong magkatotoo ang mga pagpapalang binigkas sa akin ng patriarch sa buong paglilingkod ko.

Huwag Sumuko

Pagbalik ko mula sa misyon, determinado akong sundin ang landas na nakalatag sa aking patriarchal blessing. Bawat hakbang na ginawa ko ay ginabayan ng pagsampalataya ko sa mga pangakong natanggap ko at ng pagnanais kong makitang matupad ang mga ito. Alam ko na kung susundin ko ang Diyos at sisikapin kong mamuhay ayon sa gusto Niya, gagabayan Niya ako. Sa kabila ng mga paghihirap sa kolehiyo, nadama ko na pinalakas ako ng Ama sa Langit at inakay Niya ako.

Sa mga nahihirapan sa pag-aaral o dumaranas ng hirap (lalo na sa Africa), nakikiramay ako sa inyo. Napagdaanan ko na ang mga karanasang iyon. Nauunawaan ko ang bigat ng kawalang-katiyakan, pero nakikiusap ako sa inyo: Huwag sumuko. Ang Panginoon ay laging nariyan, handang tulungan kayo sa kabila ng mga pagsubok na maaaring nararanasan ninyo. Tulad ng sinabi ng Tagapagligtas, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan” (Mateo 11:28).

Ang tulong ay maaaring magmula sa di-inaasahang mga tao—pamilya man ito, mga kaibigan, o mga lider ng Simbahan—at pinatototohanan ko na binibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang iba na suportahan ang Kanyang mga anak. Mahalaga ito para mapanatili ang pananampalataya sa inyong sarili at ang potensyal na nasa inyong kalooban. Sa sipag at determinasyon, malalampasan ninyo ang inyong sitwasyon.

Ang aking patriarchal blessing, isang personal na Liahona para sa buhay ko, ay patuloy na nagpapaalala sa akin na asamin ang mas magagandang araw. Sa Alma 37, inilarawan ang Liahona sa napakagandang paraan: “[Naging epektibo] ito para sa [pamilya ni Lehi] alinsunod sa kanilang pananampalataya sa Diyos” (talata 40). Ipinapakita nito kung paano tayo maaaring gabayan ng ating mga patriarchal blessing kung mananatili tayong nananampalataya sa mga pangako ng Panginoon.

Bagama’t hindi lahat ng pagpapala ay maaaring matupad sa buhay na ito, maaari tayong umasang makita ang ilan, at ang tapat na paghahangad natin sa mga matwid na hangarin ay magdudulot ng kagalakan at kasiyahan.

bangkang may layag

Isang Patotoo ng Pananampalataya at Pagtitiis

Sa buong paglalakbay ko sa buhay, natutuhan ko na bagama’t maaaring hindi laging madali ang buhay, ang pagtitiwala sa plano ng Ama sa Langit ay humahantong sa mga personal na himala. Kapag nahaharap ako sa mga balakid, sumasandig ako sa katotohanang ito at tumitibay ang aking pananampalataya. Kapag kumilos tayo nang may pananampalataya at gumawa ng matatalinong pasiya, naghahanda ng landas ang Panginoon para sa atin. Sa tuwing labis akong nahihirapan o walang katiyakan, naaalala ko ang pangakong ito at naaalala ko na mahalaga ang pananampalataya (tingnan sa Mateo 17:20).

Sa mga sandali ng pag-aalinlangan, madalas kong pagnilayan ang pampalakas ng loob na matatagpuan sa pagbabasa ng aking patriarchal blessing. Nagbibigay ito ng inspirasyon sa akin na sumulong, batid na ang bawat pagsisikap na ginawa nang may pananampalataya ay mapapansin ng Panginoon.

Kapag nanatiling bukas ang ating puso sa inspirasyon, makikita natin na patuloy na nagbibigay ang Diyos ng mga oportunidad na lumago. Sa pagsasagawa natin ng Kanyang gawain at pagtatayo ng Kanyang kaharian, hindi tayo nag-iisa.

Habang patuloy kong tinatanggap ang patnubay na matatagpuan sa aking patriarchal blessing, nananatili akong matatag sa aking pangako na sundin ang Tagapagligtas. Habang magkakasama tayong sumusulong, hinihikayat ko kayo na mahigpit na kumapit sa inyong mga pagpapala at sa pag-asang kinakatawan ng mga ito. Ang ating mga patriarchal blessing ay nagsisilbing mga banal na paalala ng ating halaga at potensyal sa paningin ng Diyos.