2025
Paano Tayo Matutulungan ng Diyos na Piliin Kung Aling Landas ang Tatahakin
Agosto 2025


“Paano Tayo Matutulungan ng Diyos na Piliin Kung Aling Landas ang Tatahakin,” Liahona, Ago. 2025.

Mula sa Lingguhang YA

Paano Tayo Matutulungan ng Diyos na Piliin Kung Aling Landas ang Tatahakin

Noong hindi maayos ang buhay ko, bumaling ako sa Diyos.

paglalarawan sa lalaking naglalakad sa isang landas

Pagkatapos ng high school, parang walang maayos sa buhay ko.

May attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD) ako at palaging nahihirapan sa paaralan, kaya hindi ko alam kung ano ang susunod kong gagawin sa pag-aaral ko o sa trabaho. Lumayo rin ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nadama ko na hindi ako kabilang kahit saan.

Madalas kong maisip, “Bakit hindi ako sumusulong sa buhay? Ang iba naman ay tila alam na ang gagawin sa buhay nila.”

Ibang Landas

Sa pinakamalungkot na sandali sa buhay ko, bumaling ako kay Jesucristo. Nang mas makilala ko Siya at maranasan ang Kanyang pagmamahal, nagkaroon ako ng matinding hangaring sundin Siya. Sinimulan kong gawin ang mga bagay na nagpalapit sa akin sa Kanya, tulad ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon araw-araw, pagdarasal, at pagsisimba tuwing Linggo. Nagsikap akong mamuhay ayon sa mas matataas na pamantayan, kahit kinailangan kong palakasin nang husto ang aking loob para mamuhay nang naiiba kaysa mga kaibigan ko.

At nang nagpasiya akong unahin si Cristo, nagsimulang malagay sa tamang lugar ang lahat ng iba pa.

Halimbawa, kumuha ako ng isa sa mga self-reliance course ng Simbahan na nagturo sa akin ng mga alituntunin sa pamamahala ng negosyo at nagbigay ito sa akin ng lakas-ng-loob na magsimula ng sarili kong negosyo. Ang aking pananampalatayang muling nabigyang-buhay ay nagkaloob sa akin ng lakas na subukan ang isang bagong landas at daigin ang takot kong mabigo.

At ginabayan ako ng Ama sa Langit sa aking mga pakikipag-ugnayan sa iba. Nawalan ako ng ilang kaibigan, pero pinalad akong magkaroon ng mga bagong kaibigan sa Simbahan. Mas napalapit ako sa aking mga magulang at nakababatang mga kapatid, at nagkaroon din ako ng mas magagandang karanasan sa pakikipagdeyt. Naranasan ko ang katotohanan ng pangako ng Panginoon: “Maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 90:24).

Pagbabahagi ng Liwanag

Pakiramdam ko ay kuntento na ako sa buhay sa wakas. Maganda ang takbo ng negosyo ko. Nakahanap ako ng magandang apartment na matutuluyan. Naging maayos ang mga pakikipag-ugnayan ko sa iba.

Pero nang maisip ko kung gaano ako natulungan ng Diyos, hindi ko maiwaksi ang pakiramdam na gusto ko pang tumulong na ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa iba. Inisip kong magmisyon—pero paano kung mawala ang lahat ng pinaghirapan kong itayo?

Isang araw ng Linggo, nanalangin ako at nag-ayuno tungkol sa pagmimisyon. Tinulungan ako ng Diyos na malaman kung aling landas ang tatahakin ko sa buhay noon, at nagtiwala ako na matutulungan Niya akong muli.

Nagsimba kami ng pinsan ko sa isang ward na malayo sa tinitirhan ko. Nagulat ako nang makita ko ang isang sister missionary doon na naging kaibigan ko isang taon na ang nakararaan. Alam ko na hindi nagkataon lang na makaharap ko siya habang nag-aayuno ako.

Pagkatapos ng simba, ibinahagi ko sa kanya ang mga pangamba ko na baka mawala ang lahat ng bagay na maayos ang takbo sa buhay ko. Sabi ng kaibigan ko, “Ganyan din ang sitwasyon ko bago ako nagmisyon. Lahat ay parang napakaperpekto para iwanan. Pero alam kong gusto ng Panginoon na maglingkod ako.”

Pagkatapos naming mag-usap, lalong lumakas ang impresyon na maglingkod. Nadama ko na tinutulungan ako ng Ama sa Langit na muling malaman kung aling landas ang tatahakin—kailangan ko lang kumilos at magtiwala sa Kanya. Kaya, kinabukasan, sinimulan kong gawin ang mission application ko.

Magtiwala sa Landas na Patungo sa Kanya

Maaaring isipin ng ilang tao, “Bakit mo itinatapon ang lahat para makapagmisyon?” Pero nananalig ako na kung gagawin ko ang ipinagagawa Niya, tutulungan ako ng Ama sa Langit na lutasin ang lahat.

Kapag lubos akong nagtitiwala sa Diyos, tinutulungan Niya akong mahanap ang aking landas sa buhay. Nalaman ko na ako ay Kanyang natatanging anak at binibigyan Niya ako ng kakaibang mga pagkakataon na mas mapalapit sa Kanya. Dahil alam ko na ako ay anak Niya, hindi ko kailangang sundan ang landas ng mundo para sa akin—alam ko na may mas magandang landas ang Diyos.

Sabi ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pinamahalaan ng ating mapagmahal na Ama ang Paglikha sa mundong ito mismo para sa [malinaw na] layuning maglaan ng pagkakataon sa inyo at sa akin … [na] gamitin ang ating kalayaang moral na bigay ng Diyos na piliin Siya, matuto at lumago, magkamali, magsisi, mahalin ang Diyos at ang ating kapwa, at makabalik sa Kanya balang-araw.”

Namamangha ako kung paano nagabayan ng Diyos ang aking buhay. Nang gamitin ko ang aking kalayaan sa pagtahak sa bagong landas na ito at pagmimisyon, nadama ko na napawi ng liwanag at pagmamahal ni Jesucristo ang takot ko. Alam ko na kapag umuwi ako, mas marami akong magagawang desisyon nang may tiwala habang patuloy akong nagtitiwala sa Kanila.

Kapag sinisikap ninyong sundin ang Ama sa Langit, tutulungan Niya kayong magtiwala sa inyong kalayaan, anuman ang landas na inyong tahakin, basta’t inaakay kayo ng landas na iyon pabalik sa Kanya.