Pag-aangkop ng Doktrina at mga Tipan sa Inyong Buhay
3 Paraan para “Maghangad na Matuto” (Na Hindi sa Paaralan)
Narito ang ilang iba’t ibang paraan para maihanda ang inyong sarili para sa habambuhay na pagkatuto.
Kapag naiisip ninyo ang pagkatuto, ano ang pumapasok sa inyong isipan? Pag-upo sa isang silid-aralan buong araw, habang binibilang ang mga minuto hanggang sa tumunog ang huling bell? Pagpunta sa library para mag-browse sa mga salansan ng mga aklat?
Sa pagiging young adult, may bagong bagay na dapat matutuhan bawat araw. At hindi ito kailangang sa silid-aralan lamang—maaaring kabilang dito ang mga kasanayan sa propesyon, ang kakayahang makipag-usap at magkaroon ng masasayang relasyon, pagluluto ng pagkain para sa inyong sarili o sa mga mahal sa buhay, at iba pa.
At naisip ba ninyo na talagang inuutusan tayong matuto? Pinagbilinan tayong lahat ng Panginoon na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Inulit ni Pangulong Russell M. Nelson ang kautusang ito, na ipinapaalala sa atin na “ang pag-aaral ay isang banal na responsibilidad.”
Maraming paraan para mapagbuti ang ating pagkatuto. Kaya kung kaga-graduate pa lang ninyo, naghahandang mag-asawa, naghahanap ng mas magandang trabaho, o pakiramdam ninyo ay hindi kayo umuunlad sa espirituwal, may mga paraan para kayo ay “maghangad na matuto” sa bawat aspeto ng inyong buhay—kahit wala kayo sa paaralan sa ngayon.
Mga Kasanayan sa Buhay
Anong kasanayan sa buhay ang kailangan pa ninyong matutuhan? Narito ang ilang aspeto ng buhay kung saan maaari pa ninyong hasain ang inyong mga kasanayan:
-
Mga kasanayan sa bahay (pagluluto o paghahanda ng pagkain, pamimili ng grocery ayon sa badyet, pag-organisa at pag-aalis ng mga kalat, pag-aalaga ng mga halaman o hardin)
-
Mga kasanayan sa trabaho (networking at pagkonekta sa mga propesyonal, paggawa ng résumé, pagmamay-ari at pagpapatakbo ng isang negosyo, pagsulat ng mga email)
-
Mga kasanayan sa pananalapi (pagbabadyet, pag-iipon, at pamumuhunan ng pera; pagbabayad ng buwis; pagpaplano para sa pagreretiro)
-
Mga kasanayan sa komunikasyon (mga diskarte sa aktibong pakikinig, paglutas ng pagtatalo, katatagan ng damdamin, pagsasalita sa publiko)
-
Mga praktikal na kasanayan (pagmentena ng kotse, bisikleta, o bahay; paggamit ng mga kagamitan; pangunahing kaalaman sa pananahi; first aid)
-
Mga kasanayang panlibangan (paggantsilyo, pag-aaral ng isang instrumentong musikal, photography, painting)
Hilingin sa isang magulang, kaibigan, miyembro ng ward, o lider ng Simbahan na turuan kayo sa isang bagong kasanayan sa buhay. Isiping sumama sa isa sa mga kurso [ng Simbahan] sa pag-asa sa sarili o self-reliance.
Pag-aaral ng Ebanghelyo
Sa buong buhay natin, maaari tayong makaranas ng paglakas ng espirituwalidad gayundin ng paghina ng espirituwalidad. Pero saan man kayo naroon sa inyong paglalakbay, ang pagdaragdag sa inyong kaalaman sa ebanghelyo ay palaging mahalagang paraan para “maghangad na matuto” sa buong buhay ninyo.
Ang sabi sa pambungad sa manwal na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay: “Ang layunin ng lahat ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo ay para palalimin ang ating pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at tulungan tayong maging higit na katulad Nila. Dahil dito, kapag pinag-aaralan natin ang ebanghelyo, hindi lamang tayo naghahanap ng bagong impormasyon; nais nating maging ‘bagong nilalang’ (2 Corinto 5:17).”
Narito ang ilang paraan na mapapalalim ninyo ang inyong pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pag-aaral ng ebanghelyo:
-
Pag-aralan ang buhay at pagkatao ni Jesucristo
-
Dumalo sa institute
-
Dumalo sa templo kung kaya mo
-
Pag-aralan ang mga katotohanang itinuro sa endowment sa templo
-
Pag-aralan ang mga tipan sa templo na ginawa ninyo o nais ninyong gawin
-
Pagbutihin ang inyong pag-aaral ng banal na kasulatan sa pamamagitan ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin o sa Mga Paksa at mga Tanong sa Gospel Library
Pag-aaral para sa Inyong Kinabukasan
Ang pagpapahusay ng mga kasanayan sa buhay at pagpapabuti ng inyong pag-aaral ng ebanghelyo ay parehong mga paraan para makapaghanda kayo sa anumang mangyayari. Pero may iba pang aspeto ng pagiging adult na makakaharap natin balang-araw o inaasam nating maranasan na maaari nating paghandaan ngayon!
Narito ang ilang halimbawa:
-
Kasal (pag-aralan ang mga alituntunin ng walang-hanggang kasal, magtipon ng mga sipi sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa kasal, humingi ng payo sa mga mag-asawang hinahangaan ninyo, maghanda para sa seksuwal na intimasiya sa pamamagitan ng pag-aaral ninyo mismo tungkol dito sa mga inspiradong mapagkukunan batay sa pananampalataya o pinagkakatiwalaang mga lider)
-
Pagiging magulang (pag-aralan ang mga ina at ama sa mga banal na kasulatan, dumalo sa klase tungkol sa pagiging magulang, makipag-usap sa ibang mga magulang, magbasa ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pagiging magulang)
-
Pagtanda at kalusugan (matuto ng wastong nutrisyon, matuto ng mga bagong paraan ng pag-eehersisyo, matuto ng mga pangunahing pamamaraan sa first-aid)
Anuman ang inyong sitwasyon sa buhay, nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na palaguin ninyo ang inyong kaalaman at pananampalataya upang “kayo ay maging handa sa lahat ng bagay kapag kayo ay muli kong isusugo upang gawin ang tungkulin kung saan ko kayo tinawag, at ang misyon na aking iniatas sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 88:80).
Ang Ama sa Langit ay may layunin para sa inyo. Sa pagsisikap ninyong magtakda ng habambuhay na pagkatuto, sa loob o sa labas man ng silid-aralan, pagpapalain Niya ang inyong mga pagsisikap at aakayin kayo kung saan Niya kayo kailangang pumaroon.