2025
Pinanghihinaan Ka Ba ng Loob sa Paghahanap ng Trabaho? 3 Mahalagang Kasanayan para Matulungan Kang Magtagumpay
Agosto 2025


Mga Kasanayan sa Buhay

Pinanghihinaan Ka Ba ng Loob sa Paghahanap ng Trabaho? 3 Mahalagang Kasanayan para Matulungan Kang Magtagumpay

Mahirap maghanap ng trabaho. Narito ang mga paraan kung paano magtagumpay, ayon sa isang dating career mentor.

paglalarawan sa mga liham na lumilipad palabas ng isang computer papunta sa isang lalaki

“Salamat sa pag-apply. Ikinalulungkot naming ipaalam sa iyo na nagpasiya kaming hindi tanggapin ang iyong aplikasyon.”

Tulad ng maraming young adult, ang edad kong 20s ay puno ng pag-asa sa pag-apply sa trabaho at liham ng pagtanggi.

Paulit-ulit na tayong pinayuhan ng mga pinuno ng Simbahan na umasa sa sarili, maglaan para sa ating pamilya, at magbigay sa mga maralita hangga’t kaya natin. Pero kung napakahalaga ng trabaho, bakit napakahirap maghanap nito kung minsan?

Noong nasa kolehiyo ako, nagtrabaho ako bilang career mentor sa aming unibersidad. Kasama sa mga responsibilidad ko ang pagrebyu sa mga resume ng mga kaedad ko at pagsasagawa ng kunwa-kunwariang mga interbyu sa trabaho para matulungan silang magtagumpay sa paghahanap nila ng trabaho. Natuto ako ng mahahalagang hakbang sa paghahanap ng trabaho at pag-apply, na ang ilan ay noon ko lang narinig!

Itinuro ng Panginoon na “lahat ng bagay sa akin ay espirituwal” (Doktrina at mga Tipan 29:34). Narito ang ilang praktikal na tip na may espirituwal na pananaw na dapat tandaan sa paghahanap mo ng trabaho:

1. Magtiwala sa Sarili—Magbahagi ng mga Personal na Karanasan

Kapag nagtuturo ako sa mga estudyante, madalas nila akong tanungin, “Paano ako magkukuwento tungkol sa sarili ko nang hindi parang nagyayabang ako?”

Dahil gusto nating magpakumbaba, maaari nating madama na baka kailangan nating di-gaanong ipakita ang ating mga kalakasan. Pero maaari tayong manatiling mapagpakumbaba habang matapat tayo sa ating mga nagawa. Ang isang mungkahi ay sagutin ang mga tanong sa interbyu gamit ang mga kuwento. Halimbawa, kung itatanong ng isang employer kung ano ang pinakamalaki mong kalakasan, magbahagi ng kuwento na nagpapakita sa iyong mga kasanayan, tulad ng isang pagkakataon na inako mo ang mga karagdagang gawain para sa isang may sakit na katrabaho o nang kinailangan mong may matutuhang bago. Ang mga kuwento ay kawili-wili, kapani-paniwala, at madaling tandaan.

Ang tunay na pagpapakumbaba ay pagkilala sa Ama sa Langit sa lahat ng ginagawa mo (tingnan sa Alma 26:12). Kapag lagi kang nagdarasal nang may pasasalamat sa puso mo at maganda ang sinasabi mo tungkol sa iba habang iniinterbyu ka, hindi ka magmumukhang mayabang.

2. Dagdagan ang Iyong Kaalaman—Itugma ang Iyong mga Kasanayan sa Employer

Totoo ito—ang kaalaman ay kapangyarihan! Ibinahaging minsan ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang matutong maging mahilig sa pag-aaral ang pinakamahalaga sa ebanghelyo ni Jesucristo, mahalaga sa ating patuloy na espirituwal at personal na paglago, at lubos na kailangan sa mundo na ating tinitirhan at titirhan, paglilingkuran, at pagtatrabahuhan.”

Bago sumulat ng cover letter o magpainterbyu, magsaliksik tungkol sa kumpanya. Rebyuhin ang kanilang website para mahanap ang misyon at mga layunin ng kanilang kumpanya. Kontakin ang dati o kasalukuyang mga empleyado sa pamamagitan ng mga networking website o iba pang mga kaparaanan para alamin ang kultura ng kumpanya. Ang pag-alam sa kumpanyang papasukan mo ay tumutulong sa iyo na bigyang-diin ang partikular na mga kasanayan sa iyong aplikasyon na may kaugnayan sa trabaho.

Halimbawa, kung nabasa mo sa job description na ang employer ay naghahanap ng taong pamilyar sa isang partikular na software, tiyaking isama ang antas ng kahusayan mo para sa software na iyon sa iyong résumé. Kung pinahahalagahan ng kumpanya ang pakikibahagi sa komunidad, banggitin ang iyong mga personal na layuning tumanaw ng utang-na-loob. Mas gusto ng mga employer ang mga aplikante na ang mga mithiin ay nakaayon sa kanilang sariling mithiin.

3. Maging Masigasig—Sundin ang Estratehiyang 15-10-2

Kapag nagsimula kang makaramdam na napakahirap mag-apply sa trabaho, huwag sumuko. Sa Aklat ni Mormon, ipinaalala sa atin ni Ammon na noong pagod-na-pagod siya at pinanghihinaan-ng-loob, inaliw siya ng Panginoon, na sinasabing, “Batahin nang buong pagtitiyaga ang inyong mga paghihirap, at ipagkakaloob ko sa inyo ang tagumpay” (Alma 26:27).

Sa paghahanap mo ng trabaho, nadama mo na ba ang nadama ni Ammon—pagod, bigo, at handa nang sumuko? Nadama ko na iyan. At bagama’t ang mensahe ng Panginoon kay Ammon ay para sa kanya, maaari kang magtiwala na nais ng Ama sa Langit na magtagumpay ka rin. Ang paghahanap ng trabaho ay nangangailangan ng oras at pagsisikap, ngunit ang pagtitiyaga ay nagbubunga.

Ang isang paraan para mapanatili ang iyong mga pagsisikap ay sundin ang estratehiyang 15-10-2. Nangangahulugan ito ng pagtukoy sa 15 bagong resources, paggawa ng 10 contact, at pagkikipag-usap sa dalawa sa mga contact na iyon nang harapan bawat araw. Ipinangako ng Panginoon na kapag isinama natin Siya sa ating mga pagsisikap, ilalaan Niya ang ating pagganap (tingnan sa 2 Nephi 32:9).

Nang gawin ko ang mga hakbang na ito sa paghahanap ko ng trabaho, nakabuo ako ng mga makabuluhang koneksyon, napahusay ko ang mga kasanayan sa aking propesyon, at sa huli ay nakakuha ako ng ilang trabaho. Nasaan ka man ngayon sa paghahanap mo ng trabaho, hinihikayat kitang subukan ang mga tip na ito! Higit sa lahat, isama ang Panginoon sa iyong mga pagsisikap, at gagawin ka Niyang higit pa sa kaya mong gawing mag-isa.

Mga Tala

  1. David A. Bednar, “Learning to Love Learning” (mensahe sa Brigham Young University commencement, Abr. 24, 2008), 1, speeches.byu.edu.

  2. Tingnan sa Find a Better Job for Self-Reliance (2016), 154.