2025
Alam Ko na Hindi Ako Namumuhay sa Pinakamainam na Paraan—Ano ang Maaari Kong Baguhin?
Agosto 2025


Mula sa Lingguhang YA

Alam Ko na Hindi Ako Namumuhay sa Pinakamainam na Paraan—Ano ang Maaari Kong Baguhin?

Nakita ko sa ilang kaibigan ko ang tila kulang sa buhay ko.

isang lalaking mukhang malungkot habang naglalakad ang mga tao sa buong paligid niya

Halos buong buhay ko, itinuring ko ang sarili ko na isang ateista. Hindi ako sigurado kung ano ang gusto ko sa buhay o kung ano ang layunin nito, pero masaya naman ako.

Pero nang magsimula akong mag-aral sa kolehiyo, naharap ako sa ilang hamon at pagsubok. Hindi ko ginagawa ang pinakamaiinam na desisyon. Nalito ako. Makalipas ang ilang taon, muli kong kinausap ang ilang kaibigan kong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sabay-sabay kaming lumaki at lagi akong masaya kapag kasama ko sila, pero hindi ko kailanman nadama na angkop para sa akin ang pamumuhay nila.

Nang magkausap kami tungkol sa mga buhay namin, ang tanging nakita ko ay ang kagalakan sa mukha nila. Nag-asawa at nagkaanak na sila, umaasenso sa kanilang trabaho, at higit sa lahat, tila nababanaag sa kanila ang kabutihan.

Nang ikumpara ko ang buhay ko sa kanila, natanto ko na ibang-iba ang direksyon ng buhay ko. Mali ang landas na tinatahak ko sa buhay. Gusto kong magkaroon ng layunin sa buhay, at ayaw kong gawin ang mga bagay na hindi magpapaligaya sa akin kalaunan.

Sa unang pagkakataon, nadama ko na parang may kulang sa buhay ko.

At sigurado ako na nasa mga kaibigang ito ang kakulangan na iyon.

Ang Pagpiling Gumawa ng Kaibhan

Nang muli akong bumarkada sa mga kaibigang ito, natanto ko na hindi sila nagagalak at nagtatagumpay dahil lamang sa mga miyembro sila ng Simbahan. Pero ang nadaramang layunin sa buhay ng mga kaibigan ko at ang naggaganyak sa kanila na patuloy na sumulong ay kamangha-mangha. Sila ay mapagmahal at masigasig at walang katapusan ang kanilang sigla. Hindi ko naunawaan kung bakit ganito sila mamuhay.

Gayunman, kalaunan ay natanto ko na ang kasigasigan nila sa buhay ay nagmula sa pagsunod sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kaya nagsimula akong magtanong, at hinikayat ako ng mga kaibigan ko na alamin pa ang iba.

Habang natututo ako tungkol sa ebanghelyo, kakaiba iyon noong una. Wala akong anumang mga espirituwal na paniniwalang pagbabatayan, pero nagsimulang luminaw ang mga katotohanan ng ebanghelyo para sa akin. Sa wakas ay nadama ko na nagkaroon na ng layunin ang buhay ko.

Sinabi kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang desisyon kong sundin si Jesucristo ang pinakamahalagang desisyon na ginawa ko. … Ang pagpiling iyan ang nakagawa ng lahat ng kaibhan! Ang desisyong iyan ang nagpadali sa napakarami pang ibang desisyon. Ang desisyong iyan ang nagbigay sa akin ng layunin at direksyon. Nakatulong din ito sa akin na makayanan ang mga unos ng buhay.

Ganoon din ang nadama ko nang piliin kong sundan si Jesucristo at magpabinyag.

Ibigkis ang Ating Sarili sa Ama sa Langit

Mula nang sumapi ako sa Simbahan, malaki ang ipinagbago ng kalagayan ko. Marami pa rin akong dapat unawain, pero ang kabuuang damdamin ko tungkol sa buhay ay ganap na naiiba kaysa rati.

Ang matutuhan ang tungkol sa Tagapagligtas, malaman ang aking banal na pagkatao, at matanto na hindi tayo nag-iisa sa paglalakbay na ito sa buhay ay nakatulong sa akin na madama ang kapayapaan at kasigasigan ding iyon na palaging nadarama ng aking mga kaibigan.

Malaki ang tiwala ko sa ating Ama sa Langit, at naniniwala ako sa ideya na anuman ang mangyari, tutulungan Niya ako. Habang tinutupad ko ang aking mga tipan at sinisikap kong mas umayon sa aking banal na pagkatao, alam ko na sasamahan Niya ako sa buong paglalakbay ko sa buhay. At kung kasama ko Siya, wala akong dapat ikatakot.

Pinatotohanan din ni Pangulong Nelson: “Ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagbibigkis sa atin sa Kanya sa isang paraan na mas pinadadali ang lahat sa buhay. Huwag sana kayong magkamali ng pag-unawa sa akin: Hindi ko sinabi na pinadadali ng pakikipagtipan ang buhay. Sa katunayan, asahan ang kabaligtaran nito, dahil ayaw ng kaaway na matuklasan ninyo ang kapangyarihan ni Jesucristo. Ngunit ang paglapit ninyo sa Tagapagligtas ay nangangahulugan na nagagamit ninyo ang Kanyang lakas at nakatutubos na kapangyarihan.”

Sa palagay ko iyan ang layunin ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Hindi pinadadali ng ebanghelyo ang buhay, pero tinutulungan tayo nito na magkaroon ng masayang buhay sa lupa at ng buhay na walang hanggan na nais ng Diyos para sa atin.

Sa kabila ng mga tanong na hindi nasasagot, pangamba tungkol sa hinaharap, at mga problema, nakikita ko kung paano tayo binibigyan ng ebanghelyo ng mga patnubay na kailangan natin para mamuhay sa pinakamainam na paraan sa abot ng ating makakaya.