“Ang Pamilya Martins,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)
“Ang Pamilya Martins,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan
Abril 1972–Nobyembre 1978
Ang Pamilya Martins
Naghihintay sa mga pagpapala ng Panginoon
Nagmamaneho noon si Helvécio Martins pauwi mula sa trabaho sa Rio de Janeiro, Brazil. Punong-puno ng mga sasakyan ang kalsada kaya walang makausad. Pinag-isipan ni Helvécio ang kanyang buhay. May maganda siyang trabaho. Mahal niya ang kanyang asawang si Rudá at ang kanyang dalawang anak na sina Marcus at Marisa. Ngunit dama pa rin niya na parang may kulang.
Mga Banal, 4:277–78
Bumaba si Helvécio sa kotse at nagsimulang magdasal. “[Diyos] ko,” dalangin niya, “Alam ko pong nariyan kayo kung saan man, ngunit hindi ko po alam kung saan.” Sinabi niya sa Ama sa Langit na may hinahanap ang kanyang pamilya, at kailangan nila ang Kanyang tulong. Pagkatapos ay sumakay si Helvécio sa kanyang kotse at nagmaneho pauwi.
Mga Banal, 4:278
Kalaunan, nagpadala ang Panginoon ng mga missionary mula sa Estados Unidos. Binisita nila ang pamilya Martins. Napansin ni Helvécio na nagdala sila ng mapayapang diwa sa kanyang tahanan. Alam niya na, sa panahong iyon, ang mga taong may itim na balat ay madalas na hindi tinatrato nang mabuti sa Estados Unidos. Nagtanong siya, “Paano pinakikitunguhan ng inyong relihiyon ang mga Itim?”
Mga Banal, 4:278–79
Ipinaliwanag ng mga missionary na lahat ng anak ng Diyos ay maaaring mabinyagan. Ngunit noong panahong iyon, ang mga Itim na tao na may mga ninuno mula sa Africa ay hindi maaaring humawak ng priesthood o tumanggap ng karamihan sa mga pagpapala sa templo. Marami pang katanungan sina Helvécio at Rudá. Sinikap ng mga missionary na sagutin ang mga ito.
Mga Banal, 4:279–80
Sa loob ng maraming taon, nagdasal ang mga propeta upang malaman kung kailan maibibigay ang mga pagpapala ng priesthood at templo sa lahat ng tao.
Mga Banal, 4:87
Nagpasiya sina Helvécio at Rudá na subukang magsimba. Ang mga Banal doon ay napakagiliw at napakabait. Nagustuhan ng pamilya Martins ang natututuhan nila sa simbahan.
Mga Banal, 4:280
Isang araw, habang pauwi mula sa simbahan, sinabi ni Marcus sa kanyang pamilya na napansin niyang tila mas masaya sila. “Alam ko po ang sanhi nito,” sabi ni Marcus. “Ang ebanghelyo ni Jesucristo.” Alam ng kanilang pamilya na tama si Marcus. Nagpasiya silang magpabinyag at makumpirma.
Mga Banal, 4:280–81
Lumipas ang mga taon, naging abala ang mga Banal sa Brazil sa pagtatayo ng isang templo. Natuwa ang pamilya Martins, pero nalungkot din sila. Hindi sila makakapasok sa templo matapos itong ilaan. “Huwag kang mag-alala,” sabi ni Helvécio kay Rudá. “Alam lahat ng Panginoon.”
Mga Banal, 4:354–55
Hindi madali ang manatiling tapat. Pinagtatawanan ng mga tao ang pamilya Martins. Maging ang kanilang mga kaibigan ay hindi maintindihan kung bakit sila nanatili sa Simbahan. Ngunit alam ni Helvécio at ng kanyang pamilya na ito ang Simbahan ni Jesucristo.
Mga Banal, 4:303–04
Isang araw, nang nakauwi na si Helvécio mula sa trabaho, sinabi ni Rudá, “May balita ako, napakagandang balita!” Matapos ang maraming pag-aayuno at panalangin, ang propeta, si Pangulong Spencer W. Kimball ay tumanggap ng paghahayag. Sinabi sa kanya ng Diyos na kahit sino, anuman ang kulay ng kanilang balat, ay maaari nang makamit ang lahat ng pagpapala ng priesthood at ng templo.
Opisyal na Pahayag 2; Mga Banal, 4:385–86
Matagal na naghintay ang pamilya Martins at ang marami pang iba. Tapos na ngayon ang paghihintay! Natanggap nina Helvécio at Marcus ang priesthood. Sina Helvécio, Rudá, at ang kanilang mga anak ay nabuklod bilang isang pamilya sa templo. Maaari na nilang matanggap ngayon ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo.
Mga Banal, 4:386–87