“Ang Pamilya Jackson,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)
“Ang Pamilya Jackson,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan
Mayo–Nobyembre 1856
Ang Pamilya Jackson
Isang paglalakbay na puno ng pananampalataya at isang pagsagip
Matapos umalis ang unang grupo ng mga Banal papuntang Salt Lake Valley, libu-libo pang mga Banal ang nagsipunta rin doon. Malayo ang kanilang nilakbay, at tinulungan sila ng Panginoon. Isa sa pamilyang naglakbay ang pamilya Jackson. Iniwan nila ang kanilang tahanan sa England at nasasabik silang tumulong sa mga Banal na itayo ang Sion.
Doktrina at mga Tipan 136:1–11; Mga Banal, 2:272–74
Tinawid ng mga Jackson ang karagatan sakay ng isang barko. Pagkatapos ay sumakay sila ng tren sa kalahati ng paglalakbay patungong Salt Lake Valley. At kailangan nilang maglakad sa natitirang bahagi ng kanilang paglalakbay.
Mga Banal, 2:272–74
Gumawa sila ng isang maliit na kariton na pagkakargahan ng kanilang pagkain, damit, at iba pang bagay na gusto nilang dalhin. Maraming Banal ang ligtas na nakarating sa lambak sa ganitong paraan.
Mga Banal, 2:273–77
Hinila nina Elizabeth at Aaron Jackson ang kanilang mabigat na kariton. Ang kanilang mga anak na sina Martha, Mary, at Aaron Jr., ay naglakad. Mahirap itong gawin. Umasa sila na makararating sila sa lambak bago sumapit ang taglamig. Ngunit nang dumating ang taglagas, malayo pa ang kanilang lalakbayin. Nagsisimula nang lumamig, at papaubos na ang pagkain nila.
Mga Banal, 2:273–77, 281, 283–85
Sa Salt Lake City, nalaman ni Brigham Young ang tungkol sa mga Banal na papunta sa lambak. Nag-alala siya sa kanila. Kinabukasan sa simbahan, sinabi niya sa lahat na ang mga Banal na ito ay nahihirapan. Hiniling niya sa kanila na punuin ang mga bagon ng mga bagay na kakailanganin ng mga Banal. “Humayo kayo at dalhin dito ang mga taong iyon,” sabi niya.
Mga Banal, 2:281–82
Hinubad ng mga kababaihan na nasa miting ang kanilang makakapal na medyas at inilagay ito sa mga bagon. Ang iba naman ay nagbigay ng kanilang pagkain, kumot, sapatos, at damit. Pagkaraan ng dalawang araw, mahigit 50 kalalakihan at 20 bagon ang umalis sa lambak para tumulong.
Mga Banal, 2:282
Habang patuloy na naglalakad ang pamilya Jackson, nagsimulang bumagsak ang niyebe. Nagkasakit si Aaron nang malubha. Mahirap para sa kanya ang maglakad. Kinailangan ng mga Banal na tumawid sa nagyeyelong ilog, at lalo pang nanghina si Aaron. Nang gabing iyon, namatay si Aaron. Ang nakalulungkot, kailangang magpatuloy ang pamilya niya nang wala siya.
Mga Banal, 2:284–87
Kinaumagahan, mas lalong kumapal ang niyebe sa lupa. Tinulak at hinila ng mga Jackson at ng iba pang mga Banal ang kanilang mga kariton sa niyebe. Araw-araw silang nagdasal na nawa’y tulungan sila ng Diyos.
Doktrina at mga Tipan 136:29; Mga Banal, 2:286–89
Isang gabi, nag-aalala si Elizabeth para sa kanyang mga anak. Sila ay gutom at giniginaw. Makakarating ba sila sa Salt Lake Valley? Siya ay nakatulog at nanaginip na nakita niya si Aaron. Sabi nito, “Magsaya ka, Elizabeth.” Sinabi niya sa kanya na paparating na ang tulong.
Mga Banal, 2:288–89
Tama si Aaron. Hindi nagtagal, dumating ang mga kalalakihan mula sa Salt Lake dala ang kanilang mga bagon. Binigyan nila ang mga Banal ng pagkain at damit. Ang mga Banal ay nagbunyi at nagtawanan at niyakap ang mga kalalakihan. Umawit sila ng himno at nagpasalamat sa Ama sa Langit sa pagsagot sa kanilang mga panalangin.
Doktrina at mga Tipan 136:28; Mga Banal, 2:290
Linggo noon nang makarating sila sa lambak. Sinabi ni Brigham Young sa mga miyembro ng Simbahan sa Salt Lake City na sa halip na magsimba, dapat nilang salubungin ang mga Banal na dumating. Sinalubong nila ang giniginaw at pagod na mga Banal at inanyayahan sila na manatili sa mga tahanan nila.
Mga Banal, 2:293–95