Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Ang mga Apostol ay Nagmisyon sa Great Britain


“Ang mga Apostol ay Nagmisyon sa Great Britain,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)

“Ang mga Apostol ay Nagmisyon sa Great Britain,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan

Hulyo 1838–Hulyo 1841

2:59

Ang mga Apostol ay Nagmisyon sa Great Britain

Pagtitiwala sa mga pangako ng Panginoon

Tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na tawagin ang mga Apostol ng Simbahan na magmisyon sa Great Britain.

Sa isang paghahayag kay Joseph Smith, tinawag ng Panginoon ang mga Apostol na magmisyon sa kabilang dako ng karagatan patungong Great Britain. Bagama’t mahirap para kay Joseph na ipadala ang mga Apostol sa napakalayong lugar, nagtiwala siya sa Panginoon. Mahirap din para sa mga apostol na iwanan ang kanilang mga pamilya. Pero nangako ang Panginoon na pagpapalain sila.

Doktrina at mga Tipan 118

Si Heber Kimball at ang kanyang pamilya.

Si Heber C. Kimball at ang kanyang asawang si Vilate ay nagsisimula pa lang sa kanilang buhay may pamilya. May anak sila na isang buwang gulang pa lamang. Marami sa kanilang kapamilya ang nagkasakit nang malubha.

Mga Banal, 1:461

Naghahanda si Brigham Young na umalis papunta sa kanyang misyon.

May sakit din si Brigham Young, at mahirap ang kanyang pamilya. Pero sinabi kay Brigham ng asawa niyang si Mary Ann, “Humayo ka at isakatuparan ang iyong misyon, at pagpapalain ka ng Panginoon.”

Mga Banal, 1:461–62

Si Brigham Young na naninirahan kasama si Heber C. Kimball.

Sinimulan na ni Brigham ang pag-alis, pero nang makarating siya sa bahay ni Heber, nanghihina na siya kaya hindi na siya makalakad. Namalagi siya sa pamilya ni Heber nang ilang araw.

Mga Banal, 1:462

Si Mary Ann Young na nag-aalaga kina Brigham at Heber.

Dumating si Mary Ann para alagaan si Brigham hanggang sa sapat na ang lakas nila ni Heber para umalis. Pareho pa silang mahina, pero nais nilang ipangaral ang ebanghelyo.

Mga Banal, 1:462

Sina Brigham at Heber na umaalis para sa kanilang misyon.

Nagpaalam sina Heber at Brigham sa kanilang mga asawa at sumakay sa likuran ng isang bagon. Mabigat ang loob nila na lisanin ang kanilang mga pamilya na may malubhang sakit at kapos sa pera. Habang paalis na ang bagon, sinabi ni Heber kay Brigham, “Napakahirap nito.” Nais niyang tulungan ang kanilang mga pamilya na maging matapang. Pinatigil ni Heber ang nagpapatakbo ng bagon.

Mga Banal, 1:462–63

Tumigil sina Brigham at Heber para magpaalam.

Mula sa loob ng bahay ay nakarinig ng ingay si Vilate. Pumunta siya sa pintuan kung saan nakatayo si Mary Ann. Nakita nila sina Heber at Brigham na nakatayo sa likuran ng bagon, iwinawagayway ang kanilang mga sumbrero at sumisigaw ng, “Mabuhay! Mabuhay! Mabuhay ang Israel!” Sumagot ang mga babae, “Paalam! Pagpalain kayo ng Diyos!”

Mga Banal, 1:463

Sina Brigham at Heber na nangangaral sa Great Britain.

Matapos ang mahabang paglalakbay patawid sa karagatan, dumating sina Heber at Brigham sa Great Britain. Kasama ang iba pang mga Apostol, tinuruan nila ang maraming tao tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Napakaraming tao ang nabinyagan at sumapi sa Simbahan ng Tagapagligtas.

Mga Banal, 1:466–69

Mga Banal na naglalakbay upang manirahan sa Nauvoo.

Marami sa mga taong nabinyagan sa Great Britain ang lumipat sa Nauvoo para tumulong sa pagtatayo ng lungsod at templo. Tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako na pangangalagaan ang pamilya nina Heber at Brigham habang naglilingkod sila sa Kanya bilang mga missionary.

Mga Banal, 1:500–503