“Nilinis ng Liwanag,” Liahona, Abr. 2026.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Nilinis ng Liwanag
Paano naging personal na talinghaga ng pulang lapis ang isang aksidente sa laundry, na nagpapaalala sa akin tungkol sa nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo.
Paglalarawan ni Elia Sampò, hindi maaaring kopyahin
Kapag nagsasagawa ng mga ordenansa sa templo, inirerekord ng mga temple worker ang bawat isa at gumagawa ng check mark na may pulang lapis sa name card. Isang araw, matapos isagawa ang isang ordenansa, inilagay ko ang lapis sa loob ng bulsa ng aking puting suit jacket. Pagbalik ko sa opisina, itinabi ko ang lapis.
Kalaunan, nang hugasan ko ang jacket, namantsahan ito ng pula! Natuklasan ko na ang dulo ng pulang lapis ay nabali sa bulsa ng jacket. Hindi ako makapaniwala na ang isang maliit na piraso ng lead ay maaaring magdulot ng gayong pinsala.
Sinabi sa akin ng asawa ko na nasira ang jacket, pero nagpasiya akong subukang lagyan ng bleach ang pulang mantsa. Gayunman, nang alisin ko ang jacket sa bleach solution, naging kulay dilaw ito.
Nagdasal ako, “Ama sa Langit, ano po ang dapat kong gawin ngayon?” Sa isip ko, nakita ko ang kupas na pulang traktora ng tiyo ko, na nabilad sa arawan sa buong buhay nito. Naalala ko na halos lahat ng kulay ay pinakukupas ng araw. Kaya, ibinilad ko ang jacket ko sa matinding sikat ng araw, na maingat na inilantad sa liwanag ang madilaw na bahagi. Nakakagulat na pagkaraan ng maraming araw, muli itong naging puti.
Ang araw, na tumatanglaw sa kadiliman, ay muling nagpaputi sa suit jacket ko. Ang Anak, na ilaw ng sanlibutan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:6–13; Juan 8:12), ay maaari tayong gawing malinis muli. Gaya ng sabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Isaias, “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula, ang mga ito’y magiging mapuputi na parang niyebe; bagaman ito’y mapulang-mapula, ang mga ito’y magiging parang balahibo ng tupa” (Isaias 1:18).
Ipinaliwanag ni Alma ang alituntuning ito: “Walang sino mang tao ang maliligtas maliban kung ang kanyang mga kasuotan ay nahugasang maputi; oo, ang kanyang mga kasuotan ay kailangang dalisayin hanggang sa ito ay maging malinis sa lahat ng dumi, sa pamamagitan ng dugo niya na siyang sinasabi ng ating mga ama, na paparito upang tubusin ang kanyang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan” (Alma 5:21).
May banal na pribilehiyo tayong magsisi at maging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kapag nagsisi tayo, inaalis Niya ang ating mantsa ng kasalanan o anumang bagay na humahadlang sa ating espirituwal na pag-unlad.
Ang Pasko ng Pagkabuhay ay isang espesyal na pagkakataon para alalahanin ang nakalilinis na kapangyarihan ni Cristo sa ating buhay. Tulad ng araw na muling ginawang puti ang suit jacket ko, ipinagdiriwang natin ang katotohanan na ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Anak ng Diyos ay gagawing mapuputi ang ating mga kasalanan na parang balahibo ng lana.