Liahona
Pedro: Pagtatakda ng Landas para sa mga Makabagong Propeta
Abril 2026 Liahona


“Pedro: Pagtatakda ng Landas para sa mga Makabagong Propeta,” Liahona, Abr. 2026.

Kilala Nila ang Tagapagligtas

Pedro: Pagtatakda ng Landas para sa mga Makabagong Propeta

Ang mga Pangulo at mga Apostol ng Simbahan ay sumusulong sa pamamagitan ng pananampalataya, paghahayag, at pagkilos.

paglalarawan kay Apostol Pedro

Paglalarawan ni Laura Serra, hindi maaaring kopyahin

Kasunod ng Pagkabuhay na Muli ng Panginoon, si Pedro ang naging punong Apostol na namuno sa mga gawain ng Simbahan ni Cristo. Pinalawak niya ang naabot ng ebanghelyo at nagtakda ng landas ng pananampalataya at pagkilos na nauukol sa paghahayag. Tinatahak ng mga propeta sa dispensasyong ito ang landas na ito.

Sa kabila ng mga kahinaan ng tao, ang unang tendensiya ni Pedro ay kumilos nang may pananampalataya. Halimbawa, nang matanggap niya ang kanyang tawag mula sa Panginoon, agad niyang iniwan ang kanyang pangingisda para maging mamamalakaya ng mga tao (tingnan sa Mateo 4:19–20; Lucas 5:11). At bago siya nagsimulang lumubog sa tubig ng Dagat ng Galilea, humakbang siya mula sa bangka nang may pananampalataya at lumakad sa ibabaw ng tubig (tingnan sa Mateo 14:28–29). Bukod pa rito, bago pa man niya itatwa na kilala niya ang Tagapagligtas, si Pedro, sa pamamagitan ng banal na paghahayag, ay buong tapang na nagsabing si Jesus ang Cristo (tingnan sa Mateo 16:13–17).

Sa parehong paraan, sinasagot ng mga makabagong propeta nang may pananampalataya ang mga tawag ng Panginoon at kumikilos para isulong ang ebanghelyo. Tulad ni Pedro, tumatanggap sila ng mga paghahayag na gagabay sa pag-unlad ng Simbahan at nagpapatotoo na si Jesus ang Cristo. Nagsisikap silang tipunin ang lahat ng mga anak ng Diyos at itatag ang Kanyang kaharian sa magkabilang panig ng tabing.

Isang Buhay na Pag-asa

Bilang saksi ng Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo, hinangad ni Pedro na magbigay ng pag-asa sa iba nang magpatotoo siya tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at sa tagumpay laban sa kamatayan. Itinuro niya na ang Diyos Ama ay “muli tayong ipinanganak sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo” (1 Pedro 1:3).

Gayundin, sa ating panahon, pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025) ang pag-asang nagmumula kay Jesucristo at na kailangang ibahagi sa iba ang mensaheng iyon: “Bawat isa sa mga anak ng Diyos ay nararapat na marinig at matanggap ang nakapagpapagaling at nakatutubos na mensahe ni Jesucristo. Wala nang iba pang mensahe ang mas mahalaga para sa ating kaligayahan—ngayon at magpakailanman. Wala nang iba pang mensahe ang mas puno ng pag-asa.”

Sa Buong Mundo

Kaugnay ng pagbabahagi ng mensahe ni Jesucristo sa iba, isipin ang pangitain ni Pedro tungkol sa isang kumot na nakabuhol sa apat na sulok, puno ng mga hayop, mga bagay na gumagapang, at mga ibon. Sa pangitaing ito, inutusan si Pedro na patayin at kainin ang mga hayop. Gayunman, ang pagkain sa mga ito ay karumal-dumal sa ilalim ng batas ni Moises (tingnan sa Levitico 11). Sinabi ni Pedro na hindi niya kakainin ang mga hayop, na tinatawag na “pangkaraniwan” at “marumi” ang mga ito (Mga Gawa 10:14). Pero itinama siya ng Panginoon, “Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi” (Mga Gawa 10:15).

Habang pinagninilayan ni Pedro ang kahulugan ng pangitain, tatlong lalaki ang dumating sa kanyang kinaroroonan. Sila ay isinugo ni Cornelio, isang debotong Gentil, na sinabihan ng isang anghel na ipatawag si Pedro (tingnan sa Mga Gawa 10:3–7). Gayundin, sinabi ng Espiritu kay Pedro na sumama sa mga lalaki at huwag magduda (tingnan sa Mga Gawa 10:19–20).

Gayunman, sa pamamagitan ng pagpasok sa bahay ng isang Gentil, nadungisan ni Pedro ang kanyang sarili ayon sa batas ng mga Judio (tingnan sa Mga Gawa 10:28). Pero ito ay pagsunod sa kanyang pangitain at sa Espiritu. Ipinahiwatig nito na ang batas ni Moises ay natupad sa pamamagitan ni Cristo at na ang pagtubos ay para sa lahat, hindi lamang sa mga Israelita.

“Sa karanasang ito at paghahayag kay Pedro, binago ng Panginoon ang kaugalian sa Simbahan at higit na ipinaunawa ang doktrina sa Kanyang mga disipulo sa pamamagitan ng paghahayag,” pagtuturo ni Pangulong D. Todd Christofferson, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Kaya nga ang pangangaral ng ebanghelyo ay lumaganap sa buong sangkatauhan.”

Gayundin, pinasimulan ng mga propeta sa mga huling araw ang mga pagbabagong binigyang-inspirasyon at ipinahayag para ihatid ang ebanghelyo sa buong mundo (tingnan sa Mateo 24:14; Doktrina at mga Tipan 112:28). Kabilang dito si Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) na nagpabilis sa gawain noong 2012 sa pamamagitan ng pagpapababa ng edad ng paglilingkod ng mga missionary. At noong 2023, ibinalita ni Pangulong Nelson ang bago at mas pinagandang bersiyon ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo para mas magabayan ang gawaing misyonero.

Kabilang sa iba pang mga inspiradong pagsulong ang nagsimula noong 2019, kung saan pinayagan ang mga missionary na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa lingguhang preparation day nila, at noong 2020, pinayagan ni Pangulong Nelson ang bawat missionary sa Simbahan na magkaroon ng access sa smartphone, na tumutulong sa pagpapalawak ng digital proselyting habang lumalaganap sa mundo ang pandemyang COVID-19.

Integridad sa Diyos

Ang mga ginawa ni Pedro para isakatuparan ang inihayag sa kanyang pangitain ay nagkaroon ng oposisyon. Nang marinig ng mga kapatid sa Simbahan na sumusunod sa batas ng pagtutuli na pumasok si Pedro sa bahay ni Cornelio, nakipagtalo sila sa kanya. Pero ikinuwento sa kanila ni Pedro ang pangitain at na ang Espiritu Santo ay napasa mga Gentil maging tulad ng nangyari sa mga Judio na tumanggap kay Cristo. (Tingnan sa Mga Gawa 11:2–16.)

“Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang gayunding kaloob na gaya naman ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo’y nanampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ba ako na makakahadlang sa Diyos?” sabi niya (Mga Gawa 11:17).

Katulad ng pagpapanatili ni Pedro ng kanyang integridad sa Diyos, gayon din ang ginawa ni Propetang Joseph Smith nang harapin niya ang oposisyon sa labas matapos sabihin sa iba ang tungkol sa Unang Pangitain. “Nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito; at nalalaman ko na kung ito’y aking gagawin ay magkakasala ako sa Diyos, at mapapasailalim sa sumpa” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).

Impluwensiya na Loob ng Maraming Siglo

Kasama ang mga Apostol na sina Santiago at Juan, ipinanumbalik ni Pedro sa dispensasyong ito ang Melchizedek Priesthood sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:12; 128:20). Ang priesthood ding ito alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos ay ipinagkakaloob ngayon sa karapat-dapat na mga lalaking miyembro, na bawat isa ay tuwirang natutunton ang kanilang linya ng priesthood kay Pedro at sa huli ay kay Jesucristo.

Bukod pa rito, ang mga salita ni Pedro ay nakaimpluwensiya sa paghahayag sa mga huling araw tungkol sa daigdig ng mga espiritu. Noong 1918, habang pinag-aaralan ang 1 Pedro, mga kabanata 3 at 4, natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) ang isang pangitain. Inisip niya ang nakasulat na mga salita ni Pedro tungkol sa kung paano “nangaral ang Anak ng Diyos sa mga espiritung nasa bilangguan” (Doktrina at mga Tipan 138:28). At nabuksan ang kanyang mga mata at napabilis ang kanyang pang-unawa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:29).

Inihayag ng langit kay Pangulong Smith na si Cristo sa loob ng tatlong araw na ang Kanyang katawan ay nasa libingan ay bumisita sa daigdig ng mga espiritu. Doon, inorganisa ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa kalipunan ng mabubuting patay. At patuloy silang nagturo sa iba pa sa daigdig ng mga espiritu. Kaya nga, ang ebanghelyo ay ipinangangaral sa mga patay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:30), na ibinibigay sa kanila ang potensiyal na tanggapin ang kaligtasan at kadakilaan na inihandog sa pamamagitan ni Cristo. Ito ay ginagawa ngayon ng mga miyembro na tumatanggap ng mga ordenansa para sa mga patay sa loob ng mga templo sa mga huling araw.

Kaganapan ng mga Panahon

Ipinaalala sa atin ni Pedro kung bakit ang dakilang gawaing ito ay para sa lahat: “Walang kinikilingan ang Diyos” (Mga Gawa 10:34). Inihayag din Niya kung bakit kailangang ipangaral ang ebanghelyo sa mga patay: “upang bagaman sila’y nahatulan sa laman na gaya ng mga tao, ay mabubuhay sila sa espiritu tulad ng Diyos” (1 Pedro 4:6).

Itinuturo din ng mga propeta sa mga huling araw ang pagtubos sa mga patay at ang ating papel sa mga huling araw sa gawaing ito. “Ang mga susi ng priesthood ay nagbibigay sa atin ng awtoridad na ipaabot ang lahat ng pagpapalang ipinangako kay Abraham sa bawat lalaki at babae na tumutupad sa tipan,” sabi ni Pangulong Nelson. “Dahil sa gawain sa templo, ang mga natatanging pagpapalang ito ay nagiging available sa lahat ng mga anak ng Diyos, hindi alintana kung saan o kailan sila nabuhay o nabubuhay ngayon.”

Isang Buhay na Simbahan

Tulad ni Pedro, ang mga propeta sa ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo ay patuloy na nagsasagawa ng pagbabago ayon sa utos ng Panginoon. Kabilang dito ang pagpapalawak ng mga patakaran ni Pangulong Nelson upang matulutan ang mga kabataang babae at kabataang lalaki na maglingkod bilang mga saksi sa mga bautismuhan sa templo, at tulutan ang kababaihan at kalalakihan na maglingkod bilang mga saksi sa mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo.

Kabilang dito ang sinabi ni Pangulong Nelson noong 2018 na muling binibigyang-diin ang pangalan ng Panginoon para sa Kanyang Simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kabilang dito ang kanyang pahayag na itigil ang mga ward Young Men presidency simula sa 2020, na nagbibigay-kakayahan sa mga bishop—isang katungkulan sa Aaronic Priesthood—na makipagtulungang mabuti sa mga kabataang lalaki na mayhawak at nangangasiwa sa mga katungkulan sa Aaronic Priesthood.

Bukod pa rito, pinabilis ng mga pagsisikap ng propeta ang gawaing magtayo ng mas maraming templo, upang ang mga tao ng Diyos ay matipon sa magkabilang panig ng tabing. Daan-daang mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo ang ginagamit, kasalukuyang itinatayo, o nakaplanong itayo.

Sa iba’t ibang dispensasyon, mula kay Pedro hanggang kay Joseph Smith hanggang kay Pangulong Dallin H. Oaks, ang mga propeta ng Diyos ay kumilos nang may pananampalataya upang itayo ang Kanyang kaharian, upang patotohanan na si Jesus ang Cristo, at tipunin ang lahat ng mga anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing. Tulad ng ginawa ni Pedro noong unang panahon, patuloy na sinusunod ng mga propeta at apostol ngayon si Jesucristo at pinamumunuan ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag.