Liahona
Ang Aklat ni Mormon at ang Himala ng Pasko ng Pagkabuhay
Abril 2026 Liahona


“Ang Aklat ni Mormon at ang Himala ng Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Abr. 2026.

Ang Aklat ni Mormon at ang Himala ng Pasko ng Pagkabuhay

Ang kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay sa Aklat ni Mormon ay nagtutuon sa atin hindi lamang sa mga pagbabago ng buhay kundi pati na sa mga pagbabago ng kalooban na inaalok ng Tagapagligtas.

si Jesucristo nang magpakita sa mga lupain ng Amerika

Si Cristo nang Magpakita sa Kanlurang Bahagi ng Mundo, ni Arnold Friberg

Ano kaya ang pakiramdam ng gumising, tumanaw sa bintana, at makita na lubos na nagbago ang tanawin?

Pagkamatay ni Jesucristo, nakita ng mga tao sa mga lupain ng Amerika na nagbabago ang kanilang pisikal na tanawin. Kabilang sa mga kaguluhan ang mga lindol, bagyo, sunog, at buhawi. Nawasak ang maraming lungsod, at “ang ibabaw ng buong lupain ay nabago” (3 Nephi 8:12). Natakpan ng kadiliman ang lupain sa loob ng tatlong araw, at sa kadiliman ay narinig ng mga tao ang tinig ng Tagapagligtas: “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at mag[ba]balik-loob, upang mapagaling ko kayo?” (3 Nephi 9:13).

Kalaunan, nagtipon ang mga tao sa templo na “nanggigilalas at namamangha sa isa’t isa, at [ipinapakita] sa isa’t isa ang malaki at kagila-gilalas na pagbabagong nangyari” (3 Nephi 11:1). Halos buong buhay ko, inakala ko na ang tinutukoy nila ay ang mga pagbabago sa tanawin. Nakikinita ko ang mga tao na nagsasabing, “Grabe! Biglang nagkaroon ng bundok sa bakuran ko!” o “Wala naman akong ari-arian sa harap ng dalampasigan dati, at ngayo’y mayroon na!”

Pero marahil ay namamangha ang mga tao tungkol sa mas makabuluhang pagbabagong nangyari—na mas “malaki at kagila-gilalas” kaysa sa mga pagbabagong nakikita sa tanawin. Habang sila ay “nangag-uusap tungkol sa Jesucristong ito” (3 Nephi 11:2), maaaring naalala nila ang paanyaya na espirituwal na magbago sa Kanyang utos na “magsisi, at lumapit sa akin” (tingnan sa 3 Nephi 9:22).

Dahil sa Pagkabuhay na Muli ng Tagapagligtas, ang lahat ng mga anak ng Diyos na pumarito sa lupa ay tatanggap ng nabuhay na muling katawan. Gayunman, hindi sapat ang tumanggap ng imortalidad sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Muli ni Cristo; nais din nating maging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang ating kalooban. Nagtuturo ang Aklat ni Mormon tungkol sa pagbabago ng kalooban na ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Pagkilala sa Kanyang Kabanalan

Sa 3 Nephi 11, mababasa natin na may narinig ang mga tao na isang tinig mula sa langit. Noong una ay hindi nila iyon naunawaan, pero matapos nila itong pakinggan nang mabuti, sa huli ay nakilala nila ang tinig ng Diyos na nagpapahayag na, “Masdan, ang Minamahal kong Anak” (talata 7). Hindi lamang ipinapakilala noon ng Ama sa Langit si Jesucristo; Siya ay nagpapatotoo, na Siya lamang ang makakagawa, tungkol sa kabanalan ni Cristo.

Ang Tagapagligtas ang Panganay na Anak ng Diyos sa espiritu at Bugtong na Anak sa laman (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:21; Juan 3:16). Isa ito sa mahahalagang dahilan kaya Niya nakayang gawin ang Pagbabayad-sala na ginagawang posible ang pagbabago ng ating kalooban. Kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, awtomatiko tayong hahatulan ayon sa ating mga pagkakamali at kasalanan. Sa Kanyang Pagbabayad-sala, hindi lamang tayo malilinis mula sa mga ito kundi matututo rin sa mga ito. Dahil si Cristo ay banal, maaari Niya tayong alukin ng biyaya—banal na tulong at pagtuturo—na makakatulong sa atin na maabot ang ating walang-hanggang potensyal.

Pagtanggap ng Personal na Patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Priesthood

Ang pagbabago ng kalooban ay nagsisimula kapag nagpakita tayo ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga awtorisadong lingkod. Ang isa sa mga unang ginawa ni Cristo nang magpakita Siya sa sinaunang Amerika ay inanyayahan Niya ang mga tao, nang isa-isa, na maging mga saksi ng Kanyang Pagkabuhay na Muli. Nakita at nadama ng bawat isa sa kanila ang mga tanda ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. (Tingnan sa 3 Nephi 11:14–15.) At pagkatapos ay masaya silang humiyaw ng, “Hosana!” (talata 17). Ang isang pagsasalin ng salitang ito ay “Nawa’y iligtas ninyo kami.”

Tumugon ang Tagapagligtas sa kanilang pagsamo para sa kaligtasan sa pagtawag kay Nephi at pagbibigay sa kanya ng kapangyarihan at awtoridad na magbinyag (tingnan sa talata 21). Sa ganitong paraan, itinuro Niya na ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan ng mga ordenansang isinasagawa ng wastong awtoridad ng priesthood.

Maaari mong itanong, “Pero hindi ba may priesthood na ang mga tao sa mga lupain ng Amerika? Hindi ba nagsasagawa na sila ng mga awtorisadong pagbibinyag?” (Tingnan sa Mosias 18:8–17.) Oo, pero tila may mahalagang layunin si Jesus sa pagbibigay ng awtoridad na iyon kay Nephi at sa iba pang mga disipulo sa harap ng publiko. Marahil ay nais Niyang linawin sa harap ng lahat na ang mga taong ito ay may awtoridad na kumatawan sa Kanya at pangasiwaan ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan kapag wala na Siya. Napakahalaga siguro nito dahil nagkaroon ng kaunting pagtatalo tungkol sa tamang paraan ng pagbibinyag (tingnan sa 3 Nephi 11:28).

Sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan ng priesthood, ginagawang posible ng Ama sa Langit na matanggap ng lahat ng Kanyang mga anak ang mga pagpapala. Ang mga ordenansang ito ay tumutulong sa mga tao hindi lamang na madaig ang mundo kundi maging lalong katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Pagtatamo ng Kanyang Kapangyarihan sa Pamamagitan ng Kanyang Doktrina

Pagkatapos, ang pagbabago ng kalooban ay depende sa kakayahan nating magkamit ng higit na kasaganaan ng kapangyarihan ni Cristo. Sa mga lupain ng Amerika, itinuro ng Tagapagligtas sa mga tao ang Kanyang doktrina, lalo na ang doktrinang ibinigay sa Kanya ng Ama sa Langit (tingnan sa 3 Nephi 11:31–32). Kabilang dito ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, binyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo (tingnan sa mga talata 32–35). Kung magtatayo tayo sa pundasyong ito, makakakaya nating magtiis hanggang wakas, “at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa [atin]” (talata 39).

Sa pamamagitan ng doktrina ni Cristo, makakamtan natin ang Kanyang kapangyarihan, at mababago Niya ang likas na pagkatao natin mismo. Kung wala ang pananampalataya at pagsisisi, kaunti lamang ang maghahangad ng pagbabago. Kung wala ang binyag at kaloob na Espiritu Santo, limitado ang kapangyarihang magbago. Kung wala ang alituntunin ng pagtitiis hanggang wakas, mababaw at pansamantala ang pagbabago ng ating kalooban kailanman, at walang panahon upang itanim ito nang malalim sa ating mga puso at maging bahagi ng ating pagkatao.

Pakikipag-ugnayan sa Kanya

Kahit mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at nais tayong pagpalain at tulungan, hindi Nila tayo pipiliting magbago. Ang pamumuhay ng doktrina ni Cristo ay kung paano natin ginagamit ang ating kalayaang moral na anyayahan Silang makipag-ugnayan sa atin sa pagtataglay ng Kanilang mga banal na katangian.

Nang dalawin ni Jesucristo ang mga tao sa sinaunang Amerika, nagbigay Siya ng mensahe na tulad ng Sermon sa Bundok na nakatala sa Biblia pero may ilang mahahalagang pagkakaiba. Halimbawa, kabilang sa Aklat ni Mormon ang mga karagdagang turo ng Tagapagligtas na wala sa ating kasalukuyang Biblia. Ang mga turong ito ay nakatuon sa mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo: pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo. (Tingnan sa 3 Nephi 12:1–2.) Tumutulong ito na magbigay ng konteksto upang makita ang mga lubos na pagpapala na kasunod nito bilang isang bagay na higit pa sa isang koleksyon ng mabuting payo.

Tinawag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang Sermon sa Bundok, na nagsisimula sa Mga Lubos na Pagpapala, na “isang paghahayag ng sariling pagkatao [ni Cristo] … o ang masasabing ‘isang sariling talambuhay.’” Ang mga ito ay paanyaya mula kay Cristo na makipag-ugnayan sa Kanya sa proseso ng pagtanggap ng Kanyang mga banal na katangian. Sa wikang Griyego, ang ibig sabihin ng salitang pinagpala ay “mapalad” o “masaya.” Gayunman, kapag isinasaalang-alang ang koneksyon ng Mga Lubos na Pagpapala sa Mga Awit, ang salita ay maaari ring magpahiwatig ng “banal” o “dinakila.”

Matapos piliing manampalataya kay Jesucristo at gumawa ng mga tipan, “mapapalad ang mga aba sa espiritu na lumalapit [kay Cristo]” (3 Nephi 12:3). Kapag tayo ay aba sa espiritu, nauunawaan natin na matagal pa bago tayo maging katulad ng Diyos, at pinipili natin si Jesucristo bilang ating Huwaran at Perpektong Guro upang tulungan tayong makarating doon. Kapag nagkulang tayo, nagdadalamhati tayo dahil sa ating mga kasalanan at pinipili nating magsisi (tingnan sa talata 4). Nagpapakita tayo ng kaamuan kapag madalas tayong nagtitipon upang lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento. Tinutulungan tayo ng sakramento na palakasin ang ating kaugnayan sa tipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, na patuloy na malugod na tinatanggap ang Kanilang lakas at impluwensya sa ating mga buhay. (Tingnan sa talata 5.)

Kasunod nito, itinuro ng Tagapagligtas, “Mapapalad silang lahat na nagugutom at nauuhaw sa kabutihan, sapagkat sila’y mapupuspos ng Espiritu Santo” (talata 6). Ang Espiritu Santo ang nagpapabanal, “ang naghahatid ng biyaya kung kaya’t sa pamamagitan ng dugo ni Cristo ay napapatawad ang ating mga kasalanan at napapabanal tayo (tingnan sa 2 Nephi 31:17).” Sa kanyang palagiang patnubay, tayo ay nagiging maawain at dalisay sa puso na katulad ni Cristo. Tutulungan tayo ng Espiritu Santo na maging mga tagapamayapa na kayang pagtiisan ang pang-uusig na tulad ni Cristo. (Tingnan sa 3 Nephi 12:7–11.)

Matutulungan tayo ng Espiritu Santo na baguhin ang ating pag-uugali at taasan pa ang ating mga hangarin at motibasyon. Sabi sa mas mababang batas, isang panimulang batas, “Huwag kayong papatay” (3 Nephi 12:21). Sinabi ng Tagapagligtas na hindi nga tayo dapat magalit sa ating kapatid (tingnan sa talata 22). Sabi sa mas mabang batas, “Huwag kayong makikiapid” (talata 27). Sinabi ng Panginoon na hindi pa nga natin dapat tulutang pumasok ang pagnanasa sa ating mga puso (tingnan sa mga talata 28–29). “Ang mga lumang bagay ay lumipas na, at lahat ng bagay ay naging bago,” sabi ng Tagapagligtas. “Anupa’t nais ko na kayo ay maging ganap na katulad ko, o ng inyong Ama na nasa langit ay ganap” (mga talata 47–48).

Pagpapahalaga sa Kanyang Kaloob na Panahon

Ang pagiging perpekto ay ang pagbabago ng kalooban na hangad natin, pero tila imposible ito hanggang sa maalala natin na ang salitang perpekto sa Griyego ay teleios, na nangangahulugang “kumpleto,” “buo,” o “ganap na maunlad.” Ang ibig sabihin ng unlaping tele ay “sa malayo.” Nakikita natin ito sa mga salitang tulad ng telepono, telebisyon, at teleskopyo—komunikasyon at pananaw sa malayo. Nakikita natin na sa Aklat ni Mormon, hindi tinawag ni Jesus ang Kanyang sarili na perpekto hanggang pagkaraan ng Kanyang Pagkabuhay na Muli. Sa Kanyang awa, binibigyan din Niya tayo ng kaloob na panahong matuto at lumago upang maging buo at ganap na maunlad.

Sa Aklat ni Mormon, makikita natin ang himalang iyon sa mga buhay ng mga tao pagkaraan ng pagdalaw ng Tagapagligtas. Sila ay “nagbalik-loob na lahat sa Panginoon, sa ibabaw ng buong lupain, … at hindi nagkaroon ng mga alitan at pagtatalu-talo sa kanila, at bawat tao ay nakitungo nang makatarungan ang pakikitungo sa isa’t isa” (4 Nephi 1:2). “[Ang pag-ibig sa Diyos ay] nananahan sa mga puso ng tao. … At tunay na wala nang mas maliligayang tao” (mga talata 15–16). Ipinamuhay ng mga alagad na ito ni Jesucristo ang Kanyang naituro, at—sa paglipas ng panahon—sila ay nagbago sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. Ang lipunan ng Sion kung saan sila nanirahan sa loob ng halos 200 taon ay nagpapakita sa atin na sa pamamagitan ni Cristo, posible ang magagandang pagbabago.

Sa Pasko ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang natin ang Pagkabuhay na Muli ni Cristo at ang pangakong alok nito na tayo man ay mabubuhay na muli nang may perpekto at niluwalhating katawan. Ang kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay sa Aklat ni Mormon ay nagtutuon sa atin hindi lamang sa mga pagbabago ng buhay kundi pati na sa mga pagbabago ng kalooban na inaalok ng Tagapagligtas. Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo at ng ating walang-hanggang mga posibilidad at potensyal dahil sa Kanya.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Clifford P. Jones, “The Great and Marvelous Change: An Alternate Interpretation,” Journal of the Book of Mormon and Other Restoration Scripture, tomo 19, blg. 2 (2010), 50–63.

  2. Tingnan sa Bruce C. Hafen, “Ang Pagbabayad-sala: Lahat para sa Lahat,” Liahona, Mayo 2004, 97.

  3. Biblehub.com/greek/5614.htm, “hósanna”; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hosana,” Gospel Library.

  4. Tingnan din sa Alma 15:12; 19:35; Helaman 5:19; 16:1–5; 3 Nephi 7:24–25.

  5. Harold B. Lee, Decisions for Successful Living (1973), 56.

  6. Biblehub.com/greek/3107.htm, “makarios.”

  7. Tingnan sa Andrew C. Skinner, “Israel’s Ancient Psalms: Cornerstone of the Beatitudes,” sa Gaye Strathearn, Thomas A. Wayment, at Daniel L. Belnap, mga pat., The Sermon on the Mount in Latter-day Scripture (2010), 66–67.

  8. D. Todd Christofferson, “Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” Liahona, Mayo 2009, 22.

  9. Tingnan sa Brad Wilcox at Roger Wilcox, Blessed Are Ye: Using the Beatitudes to Understand Christ’s Atonement and Grace (2023), 135–36.

  10. Tingnan sa Genesis 6:9, footnote c; Matthew 5:48, footnote b; Biblehub.com/greek/5046.htm, “teleios.”

  11. Tingnan sa Etymonline.com, “tele-.”

  12. Ikumpara ang Mateo 5:48 sa 3 Nephi 12:48.

  13. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 86–87; Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Liahona, Nob. 2017, 40–42.