“Ang Mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay sa Lumang Tipan,” Liahona, Abr. 2026.
Ang Mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay sa Lumang Tipan
Ang buhay, pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Muli ni Jesus ang mismong mensahe ng Lumang Tipan.
Siya ay Nagbangon, ni Del Parson, maaaring kopyahin para sa paggamit lamang ng Simbahan
Sa anong mga paraan maaaring ituring ang mga pangyayari sa Pasko ng Pagkabuhay—ang Linggo ng Palaspas, pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani, Kanyang Pagkabuhay na Muli, at iba pa—bilang mga pangyayari sa Lumang Tipan, kahit nakatala ang mga ito sa Bagong Tipan?
Ang sagot sa tanong na iyon ay batay sa katotohanan na si Jesucristo ay si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan (tingnan sa 3 Nephi 15:4–5), at na ang “lahat ng bagay na ibinigay ng Diyos mula pa sa simula ng daigdig, sa tao, ay pagsasagisag sa kanya” (2 Nephi 11:4).
Getsemani
Tingnan natin ang isang mahalagang pangyayari mula sa kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay. Sina Mateo, Marcos, at Lucas ay pawang nagsalaysay tungkol sa karanasan ni Jesus sa Halamanan ng Getsemani. Ikinuwento ni Marcos ang mga pangyayari sa pinakasimpleng anyo nito:
“[At] nagpunta sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani at sinabi niya sa kanyang mga alagad, Maupo kayo rito habang ako’y nananalangin.
“Kanyang isinama sina Pedro, Santiago at Juan, at nagsimula siyang malungkot at mabagabag.
“[At] sinabi niya sa kanila, Ako’y lubhang nalulungkot, hanggang sa kamatayan; manatili kayo rito at manatiling gising.
“Paglakad niya sa malayu-layo, siya’y nagpatirapa sa lupa at idinalangin na kung maaari ay makalampas sa kanya ang oras.
“At kanyang sinabi, Abba, Ama, para sa iyo ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari. Ilayo mo sa akin ang kopang ito, gayunma’y hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo” (Marcos 14:32–36).
Ito ba ay isang pangyayaring binanggit sa Lumang Tipan? Tila iyon ang iniisip ng mga manunulat ng Ebanghelyo. Ang bawat salaysay ay may kasamang mga reperensya sa mga pangyayari sa gabing iyon na tumutupad sa propesiya sa Lumang Tipan. Itinala nina Mateo at Marcos na binanggit ni Jesus ang isang sipi upang sabihin na iiwanan Siya ng mga disipulo at tatakas sila (tingnan sa Zacarias 13:7; Mateo 26:31; Marcos 14:27). Sa Lucas, sinabi ni Jesus, “Sapagkat sinasabi ko sa inyo na ang kasulatang ito ay kailangang matupad sa akin” (Lucas 22:37), na binabanggit ang nakasaad sa Isaias 53:12. Mas malinaw ang sinabi ni Mateo na ang mga pangyayari sa gabing iyon ay katuparan ng propesiya. Kung hindi nangyari ang mga bagay-bagay ayon sa propesiya, “paanong matutupad ang mga kasulatan?” (Mateo 26:54). Sa huli, “nangyari ang lahat ng ito, upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta” (Mateo 26:56).
Si Jesucristo ang Mensahe ng Lumang Tipan
Sa kanilang mga salaysay at liham, kung minsa’y iniuugnay at ikinukumpara noon ng mga manunulat ang Bagong Tipan sa Lumang Tipan na para sa mga mambabasa ngayon ay tila higit pa sa mga salita ng orihinal na mga awtor. Ngunit ang paggawa nila nito, na pag-aangkop ng mga talata sa Lumang Tipan sa ministeryo ni Jesus, ay nagpapakita na naunawaan nila nang husto ang isang pangunahing alituntunin ng Biblia: ang buhay, pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Muli ni Jesus ang mismong mensahe ng Lumang Tipan. Paano pa ito maiiba? Sapagkat ang buhay, pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Muli ni Jesus ay nasa sentro ng buong katotohanan.
Ang Lingkod na Nagdurusa
Ang mga mananampalataya sa mga panahon ng Bagong Tipan ay may teksto sa Lumang Tipan na kapareho ng sa atin ngayon. Sa pamamagitan ng mga larawan, uri, at pagkukumpara, ito ay nagtuturo sa atin ng napakahalagang katotohanan at nagtutuon sa atin sa Tagapagligtas. Halimbawa, napakahirap na ipaliwanag ang propesiya ni Isaias tungkol sa Lingkod na Nagdurusa (tingnan sa Isaias 53) bilang isang bagay maliban sa isang propesiya tungkol kay Jesus. Nang makaharap ng disipulong si Felipe ang isang lalaking taga-Ethiopia na nagbabasa mula sa tekstong iyon, itinanong ni Felipe:
“Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?
“Sumagot naman ito, Paano nga ba, malibang may tumulong sa akin? …
“Ang bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito: Tulad ng tupa na dinala sa katayan; at sa isang kordero na hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit, gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig.”
Itinanong ng taga-Ethiopia:
“Tungkol kanino sinasabi ito ng propeta? sa kanya bang sarili, o sa iba?
“Nagpasimulang magsalita si Felipe, at simula sa kasulatang ito ay ipinangaral niya sa kanya ang magandang balita ni Jesus” (Mga Gawa 8:30–32, 34–35).
Binasa ni Abinadi ang teksto ring iyon sa Isaias sa mga galit na nakikinig na hindi makita si Jesus sa Lumang Tipan. Matapos itong basahin, nagtapos siya, “Ang Diyos din ay bababa sa mga anak ng tao, at tutubusin ang kanyang mga tao” (Mosias 15:1).
Pananampalataya at Pagsisisi
Talaga ngang naroon ang mensahe ni Cristo sa Lumang Tipan. Sa dakilang aklat na ito ng banal na kasulatan, ang pananampalataya at pagsisisi ay mahalaga sa katauhan at pagkatao ng Diyos ng Israel. Ang kakayahan Niyang magligtas ay isa sa mga palatandaan ng Kanyang kabanalan, at ang pananampalataya sa kakayahan Niyang iligtas ang Kanyang mga tao mula sa bawat kaaway ay nagtuturo ng pagsampalataya sa kakayahan Niyang magligtas mula sa pinakamatitinding kaaway—kasalanan at kamatayan. Ang mahabang pagtitiis at kahandaan ni Jehova na tanggapin ang mga makasalanang nagsisisi ay naglalarawan sa Kanyang likas na katangian. Posible ang pagsisisi dahil laging nakaunat ang bisig ng Kanyang awa sa mga taong tumalikod sa kanilang mga kasalanan at lumapit sa Kanya. Kaya nauunawaan ng matatapat na Israelitang sumasamba na walang alam tungkol kay Jesucristo kapwa ang pananampalataya at pagsisisi at itinuring ang mga ito na mga pundasyon ng kanilang kaugnayan sa isang maawaing Diyos—kahit hindi nila alam ang buong detalye ng kanilang kaligtasan.
Pagsamba at mga Sakripisyo sa Templo
Itinuro ng pagsamba ng Israel sa templo ang ebanghelyo ng mga Kristiyano, dahil ang pagbabayad-sala para sa iba at sumunod na pagpapatawad ay nasa sentro mismo ng mga sakripisyo sa templo. Batid ng matatapat na Israelita noong araw na hindi nila maililigtas ang kanilang sarili mula sa kasalanan kundi kailangan nilang umasa sa pamamagitan ng Diyos upang espirituwal silang iligtas. Inihayag ni Jesus, ng Kanyang mga propeta sa Aklat ni Mormon, at ng mga manunulat ng Bagong Tipan na si Cristo mismo ang korderong ihahandog ng Diyos, ngunit naipaalam na ang mga pangunahing alituntunin sa batas ni Moises. At ang Mesiyas ng Israel ay si Jehova mismo, isang bagay na hindi palaging malinaw sa Lumang Tipan pero naunawaan ng mga alagad ni Jesus sa Aklat ni Mormon at sa Bagong Tipan. Ang mararangal na taong umasam sa isang nakapagliligtas na Mesiyas ay inaasam ang pagparito ni Jesus, at maraming nakakilala sa Kanya nang pumarito Siya.
Nagpatotoo ang mga Propeta sa Lumang Tipan tungkol kay Jesucristo
Sa pagtuturo ng pagmamahal at awa ni Jehova at pagpapatotoo tungkol sa Kanya, nagpapatotoo ang lahat ng propeta sa Lumang Tipan kay Cristo, tulad ng sinasabi sa Aklat ni Mormon na ginawa nila (tingnan sa Jacob 4:4–5; 7:11). Yaong mga nakakakita nang may mga mata ng pananampalataya ay nakita si Jehova bilang sentro ng lahat ng kanilang mabubuting hangarin at debosyon. Yaong mga tinuruan, tulad ng lalaking taga-Ethiopia, o namulat ang mga mata, tulad ng mga disipulo sa daan papuntang Emaus, ay nagawang mahiwatigan nang tama na si Jesus ng Nazaret ang kanilang Mesiyas at ang walang bahid-dungis na handog ng Diyos para sa kanila. Nagawang patotohanan ng isang gayong disipulo, si Juan Bautista nang makita niya si Jesus, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan” (Juan 1:29).
Ang Pagtatapos ng Lumang Tipan
Ang mga Kristiyanong manunulat mula kay Pablo hanggang sa kasalukuyan ay nakita sa mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay ang layunin at katuparan ng Batas at ng mga Propeta. Ang nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Muli ng Tagapagligtas—ang sentro ng mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay—ang pagtatapos ng Lumang Tipan, ang dahilan ng tipan nito, ang mensahe ng batas ni Moises, ang layunin ng templo nito, at ang katuparan ng lahat ng pag-asa at hangarin ng mga sumasamba rito. Ang pinakamithiin ng templo, papuri, at pagsamba ng Israel ay nasa nakapagliligtas na misyon ng ipinropesiyang Mesiyas sa Lumang Tipan na si Jesucristo.