Liahona
Puno ng Pag-asa at Kapayapaan
Abril 2026 Liahona


“Puno ng Pag-asa at Kapayapaan,” Liahona, Abril 2026.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Puno ng Pag-asa at Kapayapaan

Anuman ang mga pagsubok na kinakaharap natin, maaari tayong magkaroon ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo.

paglalarawan ng Tabernacle Choir na may mga pipa ng organo sa background

Paglalarawan ni Elia Sampò, hindi maaaring kopyahin

Habang nakikinig ako sa pag-awit ng The Tabernacle Choir at Temple Square ng “It Is Well with My Soul” sa pangkalahatang kumperensiya noong Abril 2025, napuspos ng Espiritu ang puso ko. Hindi lang iyon dahil sa musika—iyon ay dahil sa matinding pagpipitagan at katapatan sa pagkanta na nagpadama sa akin na para bang nakatayo ako sa presensiya ng Tagapagligtas. Napaluha ako dahil sa kagandahan ng musika, na nagpaalala sa akin na sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, maaari akong magkaroon ng kapayapaan sa kabila ng aking mga paghihirap.

Habang tumutugtog ako ng mga himno para sa sacrament meeting, madalas kong madama na ang musika ay isang uri ng panalangin, isang paraan para maanyayahan ang Espiritu at makipag-ugnayan sa Diyos. Pero nang marinig ko ang himnong ito na napakaganda ng pagkanta ng koro, nakadama ako ng mas malalim na kaugnayan sa katotohanang iyon. Para bang ang musika, kasama ang Espiritu, ay nagpasigla sa aking kaluluwa at ipinaalala sa akin ang kapangyarihan ng biyaya ng Tagapagligtas sa aking buhay.

“Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo” (Doktrina at mga Tipan 25:12).

Nadama kong tunay ang pangakong ito sa akin. Sa pamamagitan ng musika, iniaalay natin ang ating puso sa Panginoon. Bilang kapalit, pinupuspos Niya ng pag-asa at kapayapaan ang ating kaluluwa. Habang pinakikinggan ko ang himno, naalala ko na anuman ang mga pagsubok na kinakaharap natin—sa ating personal na buhay, sa ating mga pakikipag-ugnayan, o mga paghihirap natin sa pananampalataya—maaari tayong magkaroon ng kapayapaan sa pamamagitan ni Cristo. Sa mga sandaling iyon, tunay na mabuti ito sa ating kaluluwa.

Ang karanasang ito ay nagpalalim sa aking pagmamahal sa mga himno at sa papel na ginagampanan nito sa ating espirituwal na buhay. Ang mga ito ay hindi lamang mga awitin. Ang mga ito ay mga panalangin, mensahe ng pag-asa, at mga paraan para maanyayahan ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa ating puso. Nagpapasalamat ako na mapasisigla at mapalalakas tayo ng kapangyarihan ng musika, lalo na kapag kailangang-kailangan natin ito.