Liahona
Pinipigilan Ka ba ng Kapalaluan na Maging Mapagmahal na Asawa?
Abril 2026 Liahona


Lalo na para sa mga Bagong Kasal

Pinipigilan Ka ba ng Kapalaluan na Maging Mapagmahal na Asawa?

Ang kapalaluan ay maaaring lumitaw sa mga palihim na paraan sa inyong pagsasama, pero may mga simpleng bagay na maaari mong gawin upang maiwasan itong makasira sa inyong relasyon.

mga kamay na magkahawak

“Ako ay isang natatanging asawa na nagmamahal nang walang kondisyon.”

Halos araw-araw kong isinusulat ang pangungusap na ito. Ito ay isang bagay na gusto kong maging ako.

Kaya nang magpatotoo ang aking asawa noong Linggo ng ayuno pagkatapos ng aming unang anibersaryo at buong pagmamahal na sinabing, “Mahirap ang buhay may-asawa,” nahiya ako.

Makatuwiran naman na hindi sa lahat ng oras ay madali ang pag-aasawa. Ito ay tungkol sa dalawang di-perpektong tao na pinag-isa sa isang maganda at walang hanggang pagsasama at biglang nagharap sa kani-kanilang natatanging pag-uugali at gawi.

Hindi pa kami matagal na kasal ng asawa ko, pero sa mga unang panahong ito ng pag-iisip kung paano mabubuhay nang magkasama, madalas akong napapaalalahanan ng payo ng Diyos kay Emma Smith: “Magpatuloy sa diwa ng kaamuan, at mag-ingat sa kapalaluan. Pahintulutan ang iyong kaluluwa na magalak sa iyong asawa, at sa kaluwalhatian na mapasasakanya” (Doktrina at mga Tipan 25:14).

Huwag Hayaang Mamagitan ang Kapalaluan sa Inyo

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na ang kapalaluan ay maaaring magpakita bilang “pagkamakasarili, pagmamagaling, pagyayabang, pagmamataas, o pagmamalaki.” Ngunit ang pinakasentro ng kasalanan ay “pagkapoot sa Diyos at [pagkapoot] sa ating kapwa. Ang ibig sabihin ng pagkapoot ay ‘pagkamuhi, pagkagalit, o oposisyon.’”

Ang kahulugan ng kapalaluan—kahit ayaw ko mang aminin—ang naging daan para matanto ko na ako ay palalo, sa kadahilanang madalas akong sumasalungat sa asawa ko. Kahit ang maliliit na desisyon ay maaaring mauwi sa maiinit na usapan na sa huli’y parehong nasasaktan ang aming damdamin.

Halimbawa, nahuli kong nag-iisip ang sarili ko na, “Pagod na ako, kaya siya na lang ang magluto ng hapunan mamayang gabi,” nang hindi man lang iniisip na baka kasing pagod din—o mas pagod—ang asawa ko kaysa sa akin. Ang kaisipang ito ay kadalasang humahantong sa isang paligsahan “kung sino ang mas pagod,” na nag-iiwan lamang sa aming dalawa na naiinis—at nagugutom pa rin.

Mahal na mahal ko ang asawa ko, pero dahil tao lang kami, hindi kami perpekto. Pareho naming ginagawa ang aming makakaya, pero may mga pagkakataong hinahayaan pa rin naming mamagitan ang kapalaluan sa amin.

Magpatuloy sa Diwa ng Kaamuan

Kaya paano natin madaraig ang kapalaluan?

Sa payo ng Diyos kay Emma Smith, iminumungkahi Niya na ang panlunas sa kapalaluan ay “ang diwa ng kaamuan.”

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pagiging maamo ay isang katangiang nabubuo sa pamamagitan ng paghahangad na magkaroon nito, matuwid na paggamit ng ating moral na kalayaan sa pagpili, at pagsisikap na palaging panatilihin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.”

Sa isang pagsasama, ang kaamuan ay maaaring makita sa mahinahong pakikinig sa panig ng isa’t isa, pag-amin at mabilis na paghingi ng tawad kapag nakagawa ng mali, pagiging mabagal magalit, at pagiging mabilis magpatawad.

Isang bagay na tumutulong sa amin ng asawa ko sa mga panahon ng pagtatalo ay ang paglalaan ng oras para kumalma at pahintulutang makasama namin ang Espiritu. Ang pagpapakumbaba ng aming sarili at paggawa ng lahat ng aming makakaya upang magtulungan—sa halip na mag-away—ay nakakagawa ng malaking pagkakaiba.

Hayaang Magalak ang Iyong Kaluluwa sa Iyong Asawa

Isang araw ng Linggo, itinuro sa amin ng isang miyembro ng aming stake presidency at ng kanyang asawa ang tungkol sa “pagkontrol ng peste” sa aming mga pagsasama bilang mag-asawa. Isa sa mga bagay na hinikayat nilang gawin namin ay ang pagpapahayag ng pagmamahal sa isa’t isa sa araw-araw.

Tulad ng ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson (1924-2025), “‘Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri’ [Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13] na masasabi natin tungkol sa ibang tao—siya man ay nakaharap o nakatalikod—iyan dapat ang ating maging pamantayan sa pakikipag-usap.”

Ito ay lalong angkop sa pagsasama ng mag-asawa.

Bigyang-pansin ang mga nangyayari sa inyong asawa, at maging pinakamalaking tagasuporta nila. Magalak sa kanila at sa kanilang mga matagumpay na nagawa. Harap-harapan silang purihin at ipagmalaki sa iba. Matutuklasan mo na ang maliliit na kilos na ito ay humahantong sa mas dakilang pagmamahal!

Ngayon, walang araw na hindi ko sinasabi sa asawa ko na mahal ko siya, at ganoon din ang ginagawa niya sa akin. Habang mas ipinapahayag namin ang aming pagmamahal sa isa’t isa, mas nababawasan ang puwang para sa pagtatalo at kapalaluan sa aming relasyon.

Umasa kay Jesucristo

Sa inyong paglalakbay upang madaig ang kapalaluan at maging pinakamahusay na asawang lalaki o babae na maaaring maging kayo, umasa kay Jesucristo. Gamitin ang kaloob na Kanyang Pagbabayad-sala upang tulungan kayo habang nagsisisi at nagsisikap kayo na linangin ang higit na pagmamahal sa inyong pagsasama.

Itinuro ni propetang Mormon, “At ang kapatawaran ng mga kasalanan ay nagdudulot ng kaamuan, at kababaang-loob ng puso; at dahil sa kaamuan at kababaang-loob ng puso, dumarating ang pagdalaw ng Espiritu Santo, kung aling Mang-aaliw ay pumupuno ng pag-asa at sakdal na pag-ibig” (Moroni 8:26).

Ang aking pag-asa kay Cristo ang nagtutulak sa akin na magsalita nang mas mabait, mas mabilis na magpatawad, at mas magmahal sa relasyon ko sa aking asawa.

Ang pagbuo ng isang pangmatagalan at pagsasama na puno ng pagmamahal ay nangangailangan ng pagsisikap at oras. Marami pa akong dapat matutuhan. Pero alam ko na kasama si Cristo, maaari akong maging mapagmahal na asawa na gaya ng gusto ko!