Liahona
Ang Tagumpay ng Ating Pinakamamahal na Tagapagligtas
Abril 2026 Liahona


“Ang Tagumpay ng Ating Pinakamamahal na Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2026.

Ang Tagumpay ng Ating Pinakamamahal na Tagapagligtas

Walang mga salita ang makapaglalarawan sa kahalagahan ng napakahalagang kaloob ni Jesucristo. Hinding-hindi ito hihingin sa iba. Siya ay nagdusa nang “minsan para sa lahat.”

libingang walang-laman

Sa paglipas ng mga taon, lalo akong nakadama ng pagpapakumbaba habang pinag-iisipan, inaaral, at nadarama ko ang malaking kapanatagan sa di-masukat na kaloob ng ating Tagapagligtas, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Hindi mauunawaan ng isipan ng tao kung gaano lubusang nagbago ang tadhana ng sangkatauhan dahil sa nangyari sa Getsemani, sa krus, at sa libingan.

Lahat Tayo ay Nakaranas ng Matinding Kalungkutan at Pagdurusa

Sa tungkulin ko bilang Apostol, naglakbay ako sa maraming lugar at nagkaroon ako ng pribilehiyong makakilala ng mga bata, kabataan, at adult sa buong mundo. May mga sandali ng malaking kagalakan sa buhay, pero ang isang bagay na nakita ko mismo at nadama ko sa kaibuturan ng puso ko bukod sa kaligayahan at kagalakan, ang buhay ay may mga sandali ng kalungkutan at pagdurusa.

Hinding-hindi ko malilimutan ang pag-upo sa tabi ng apat na maliliit na bata na ang kanilang mga magulang ay buong kalupitang pinaslang ng isang manloloob sa sarili nilang tahanan habang natutulog ang mga bata, o pakikipagkita sa isang babaeng inabuso noong bata pa siya ng isang mapagkakatiwalaang kamag-anak, o pag-upo sa tabi ng kama ng isang batang babaeng nagkaroon ng pinsala sa utak matapos bumagsak mula sa bisikleta at hindi nagtagal ay namatay, o pakikinig sa paghikbi ng isang babae na ang asawa ay nagtaksil sa kanya at sa mga tipan niya sa templo sa mahirap na paraan sa loob ng maraming taon.

Nadama ko ang sakit na nadama ng magulang na ang anak na nasa hustong gulang ay hindi na naniniwala sa mga katotohanan ng ebanghelyo at hinangad na pahinain ang pananampalataya ng iba pa sa pamilya. Nabisita ko ang nababahalang mga magulang at kaibigan ng isang binatilyo na puno ng potensiyal pero nagpakamatay. Nadama ko ang kalumbayang mula sa Diyos para sa mga taong nakagawa ng kasalanan at talagang gustong magsisi at ang pagkawasak ng mga taong naapektuhan ng kasalanan.

Nakita ko na ang sakit sa kalooban na dulot ng sakit sa pag-iisip kapwa para sa taong dumaranas nito at sa mga taong tahimik na nagdurusa habang minamasdan sila at halos walang magawa para makatulong. Nakita ko ang matinding kawalan na dulot ng mga kalamidad na hatid ng kalikasan, baha, bagyo, sunog, at lindol. Nasaksihan ko ang kaguluhan sa mga bansa dahil sa mga away sa pulitika, digmaan, at pagkawasak, at ang paghihirap na dumarating kapag ang di-inaasahan ay naganap sa mga taong walang kasalanan at naghahangad na gawin ang tama.

hawak ng Tagapagligtas ang kamay ng isang tao

Healing Hands, ni Kolby Larsen, hindi maaaring kopyahin

Tinutulungan Tayo ng Tagapagligtas

Sa pagsasalita tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sinabi ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang nasaktan ay dapat gawin ang makakaya nila para makayanan ang kanilang mga pagsubok, at ang Tagapagligtas ay ‘tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan’ [Alma 7:12]. Tutulungan Niya tayong dalhin ang ating mga pasanin. Ang ilang sugat ay sadyang [makirot] at malalim na hindi basta gagaling nang walang tulong mula sa isang higit na makapangyarihan at pag-asa sa perpektong katarungan at pagpapanumbalik sa susunod na buhay. … Nauunawaan Niya ang ating [pasakit] at tutulungan tayo maging sa pinakamahihirap nating sandali.”

Lalo akong napapalapit sa pagmamahal ng Tagapagligtas at sa walang-katapusang mga pagpapalang ipinangako sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Hindi Niya tayo pinrotektahan mula sa mahihirap na karanasan sa buhay na nagdudulot ng matinding sakit, pero pinrotektahan Niya tayo mula sa walang-hanggang pagdurusa at pagkalayo sa Ama sa Langit at tinulutan tayo, sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa na nakasasakop sa lahat, na magkaroon ng lubos na kagalakan at walang-hanggang kaligayahan sa piling ng Diyos.

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Kung tutuusin, ang pinakamalakas na tulong ng Diyos sa buhay na ito ay ang Kanyang paglalaan ng Tagapagligtas, na si Jesucristo, na Siyang magdurusa para magbayad-sala at magpatawad sa mga kasalanang pinagsisihan. Ipinaliliwanag ng Pagbabayad-sala, na puspos ng awa at kaluwalhatian, kung bakit ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang unang alituntunin ng ebanghelyo. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ang “nagpapangyari sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay” (Alma 42:23), at ito ay “[nagbabayad-sala] para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (Alma 34:8), binubura ang lahat ng ating pinagsisihang kasalanan at binibigyan ng kapangyarihan ang ating Tagapagligtas na tulungan tayo sa ating mga kahinaan sa buhay na ito.

ang Tagapagligtas sa Getsemani

Detalye mula sa Panalangin sa Getsemani, ni Del Parson, maaaring kopyahin para lamang sa paggamit sa Simbahan

Mahalagang Pangyayari sa Kawalang-Hanggan

Kapag naiisip ko ang pagdurusang personal kong nakita, na napakaliit kung ikukumpara sa lahat ng nabuhay na o mabubuhay pa sa mundo, hindi ko mailarawan, sa anumang salitang alam ko, ang nadarama ko sa puso ko sa maaaring nangyari sa puso at isipan at katawan at kaluluwa ng Tagapagligtas sa Kanyang mga sagradong sandali ng pagdurusa na sumasaklaw sa lahat ng mga kasalanan at pasakit ng buong sangkatauhan.

Ang mahalagang pangyayari sa buong kawalang-hanggan ay nagsimula nang magpunta si Jesus “sa isang lugar na tinatawag na Getsemani” (Mateo 26:36) sa Bundok ng mga Olibo sa labas ng mga pader ng Jerusalem. Sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, “Lubhang nalulungkot ang aking kaluluwa na halos ay ikamatay” (Mateo 26:38).

Nagdasal Siya, na nagsasabing, “Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma’y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39). Bumalik Siya sa Kanyang mga disipulo, nakitang natutulog sila, muling umalis, at nanalangin sa ikalawang pagkakataon. “Ama ko, kung di mangyayaring makalampas ito, kundi ko inumin, mangyari nawa ang iyong kalooban. … At nanalangin [Siya] sa ikatlong pagkakataon, sinasabi rin ang mga salitang iyon” (Mateo 26:42, 44).

Ininom ni Jesus ang mapait na kopa at nagdusa nang higit pa sa ating mortal na pag-unawa kapwa sa halamanan at sa krus. Nang walang kasalanan, inako Niya ang lahat ng ating kasalanan, na kapag lumapit tayo sa Kanya at nagsisi, ang ating mga kasalanan at pasanin ay inaalis sa atin (tingnan sa 2 Corinto 5:21).

Matagal nang inasahan ang pagdurusa, kamatayan, at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesus. Sa pagsasalita nang 700 taon bago isinilang si Jesus, ipinropesiya ni Isaias na “ipinasan sa kanya ng Panginoon ang lahat nating kasamaan” (Isaias 53:6). Nagsalita si Jesus tungkol sa pagbibigay ng Kanyang buhay bilang “pangtubos” (Mateo 20:28; tingnan din sa 1 Timoteo 2:6) “para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (Mateo 26:28) para sa lahat ng maniniwala sa Kanya at pagsisisihan ang kanilang mga kasalanan. Inilarawan ni Pedro kung paano Siya “nagdusa para sa [ating] mga kasalanan” (1 Pedro 3:18), na sa pamamagitan ng Kanyang mga latay tayo ay gumaling (tingnan sa 1 Pedro 2:24). Ginawa Niya ang hindi magagawa ng sinuman para makabalik tayo sa piling ng ating Ama. Siya ay “nabugbog dahil sa ating mga kasamaan” (Isaias 53:5).

Kasunod ng pagdurusa sa Getsemani, nagpatuloy ang Kanyang paghihirap—ang pagkakanulo ng isang taong kasama Niyang naglakad, ang pangungutya sa harapan ng mga di-makatarungang pinuno, ang sakit ng paghampas sa Kanyang katawan, ang koronang tinik na mariin na ipinutong sa Kanyang ulo ng malulupit at walang-awang mga kawal (tingnan sa Juan 18:2–3, 12–14; Marcos 15:15–20), at ang mabigat na ipinapasan sa sugatan Niyang likod habang papunta Siya sa Golgota (tingnan sa Juan 19:16–17).

Sa krus, ang matinding pagdurusa na nadama sa Getsemani ay sobrang hirap na hindi ito kayang tiisin ng sinumang tao. Si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang mag-isang tumupad sa banal na utos ng Kanyang Ama na ialay ang Kanyang buhay. Hindi ito maaaring kunin sa Kanya ng mga kawal at pinuno (tingnan sa Juan 10:18). Sa pagpipitagan at pagpapakumbaba, iniyuko ni Jesus ang Kanyang ulo at sinabing, “Naganap na” (Juan 19:30).

Ang huling sandali ng Kanyang mortal na buhay ay natapos na. Walang mga salitang makapaglalarawan sa tindi ng Kanyang napakahalagang kaloob. Hinding-hindi ito hihingin sa iba. Pinagdusahan ito ni Jesus nang “minsan at magpakailan man” (Mga Hebreo 10:10).

Siya’y Nagbangon!

Sa pagsasakatuparan ng Kanyang banal na misyon, Siya ngayon ang magiging una sa buong kasaysayan ng sangkatauhan na babangon mula sa libingan tungo sa kawalang-kamatayan (tingnan sa 1 Corinto 15:21–23).

Sa babaeng nasa tabi ng libingan, sinabi ng mga anghel:

“Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay?

“Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon” (Lucas 24:5–6).

Sa Kanyang mga Apostol, sinabi Niya, ‘Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito” [Lucas 24:39]. Kalaunan, “napakita [siya] sa mahigit na limang daang kapatid … nang minsanan” (1 Corinto 15:6). Nakita ng mga saksi ang nabuhay na muling Tagapagligtas. Hindi Siya patay. Buhay Siya!

Kinalag ni Jesucristo ang mga tanikala at gapos ng walang katapusang pagkaalipin sa kamatayan para sa bawat taong nabuhay o mabubuhay sa mundo (tingnan sa 1 Corinto 15:22). Nadaig Niya ang lahat ng ating mga kaaway; ang kaaway na kamatayan ay nawala magpakailanman.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025): “Inako ni Jesucristo ang inyong mga kasalanan, inyong mga pasakit, inyong mga dalamhati, at inyong kahinaan. Hindi ninyo kailangang pasanin ang mga ito nang mag-isa! Patatawarin Niya kayo kapag nagsisisi kayo. [Bibiyayaan] Niya kayo ng mga kailangan ninyo. Pagagalingin Niya ang inyong sugatang kaluluwa. Kapag pinasan ninyo ang pamatok na kasama Siya, mas gagaan ang inyong mga pasanin. Kung gagawa at tutuparin ninyo ang mga tipan na susundin si Jesucristo, mauunawaan ninyo na ang masasakit na sandali ng inyong buhay ay pansamantala lamang. Ang inyong mga paghihirap ay ‘ma[lu]lulon sa kagalakan dahil kay Cristo’ [Alma 31:38]”

Bilang isa sa Kanyang mga inorden na Apostol, naranasan ko ang mga espirituwal at personal na sandali na nagdulot sa akin ng tiyak na patotoo na Siya ay buhay. Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, nawa’y marahas na manatili ang mga salitang ito sa ating puso’t isipan: “Huwag ninyo akong kalimutan, O Tagapagligtas, Ikaw ay nagdugo at namatay para sa akin,” habang nagagalak tayo sa pag-awit ng:

S’ya’y nabuhay! S’ya’y nabuhay! …

Malaya na ang tao.

Nagtagumpay si Cristo.”