“Handang Puso ni Maria: Paano Ginagawang Posible ng Pananampalataya ang Imposible,” Liahona, Abr. 2026.
Kilala Nila ang Tagapagligtas
Handang Puso ni Maria: Paano Ginagawang Posible ng Pananampalataya ang Imposible
Ang pinakadakilang mga himala ay maaaring mangyari kapag pinili nating iayon ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos.
Paglalarawan ni Laura Serra, hindi maaaring kopyahin
Nang sabihin ng anghel na si Gabriel kay Maria na siya ay pinili upang isilang ang Anak ng Diyos, binigyan niya siya ng makapangyarihang katiyakan: “Sapagka’t walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” (Lucas 1:37). Bukod pa sa nagbibigay-inspirasyong pananampalataya at katapangan, totoo rin ito—na malalaman ni Maria para sa kanyang sarili, kung handa siya.
Mabuti na lang, handa noon si Maria at piniling tanggapin ang tawag ng Diyos (tingnan sa Lucas 1:38), kahit wala sa kanya ang lahat ng sagot. At dahil sa kanyang pananampalataya at pagpapakumbaba, ang plano ng kaligtasan ng Diyos—na sa puntong iyon “ay lubos na umaasa sa [kanyang] mga kilos”—ay nakasulong.
Hindi niya ito alam noon, pero ang sagradong responsibilidad na ito ay magbibigay kay Maria ng mga karanasang hindi niya mararanasan kung hindi niya ito pinili. Ang ilan sa mga ito ay pahahalagahan at iingatan niya sa kanyang puso (tingnan sa Lucas 2:15–19, 41–51). Ang iba ay magdudulot sa kanya ng pasakit (tingnan sa Lucas 2:34–35). Pero lahat ay mas maglalapit sa kanya sa Diyos at sa banal na katotohanang natutuhan niya bilang isang dalagita na “sa Diyos ay walang imposible.”
Dahil Handa Siya
Ang kahandaan ni Maria na tanggapin ang kalooban ng Diyos ay hindi nagligtas sa kanya mula sa pagsubok, dalamhati, o kabiguan. Sa katunayan, naharap siya sa mga bagong hamon bilang ina ng Mesiyas, kabilang na ang gabi ng pagsilang ng Tagapagligtas. Sa sandaling iyon, itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Pangalawa lamang sa bata mismo, si Maria ang pinakamahalagang tao, ang maringal na reyna, ina ng mga ina—na nasa sentro ng entablado sa pinakadakila sa lahat ng mga kagila-gilalas na sandali. At … maliban sa kanyang pinakamamahal na asawa, siya ay talagang nag-iisa.
“Inisip ko kung ang dalagitang ito, na parang bata rin mismo, na narito at buntis sa kanyang unang sanggol, ay maaaring ninais na ang kanyang ina, o tiya, o kanyang kapatid na babae, o kaibigan, ay malapit sa kanya habang nanganganak siya. …
“Pero hindi ganoon ang mangyayari. Sa tanging tulong ni Jose na walang karanasan, iniluwal niya mismo ang kanyang panganay na anak na lalaki, ibinalot sa kanya ang maliliit na damit na talagang dala niya sa kanyang paglalakbay, at marahil ay inihiga siya sa isang unan na dayami.”
Ang mga hamon kay Maria na bata pang ina ay nagpatuloy nang kinailangan nila ni Jose na tumakas sa kanilang inang-bayan papunta sa Egipto para protektahan ang buhay ni Jesus. Kinailangan din niyang malaman kung ano ang ibig sabihin ng pagpapalaki sa isang Anak na may banal na misyon na tila nagpabilis sa Kanyang paghusay at humingi sa Kanya ng maraming panahon bilang adult (tingnan sa Mateo 12:46–50).
Bilang Kanyang ina, si Maria ay nagkaroon ng pribilehiyong mapalapit kay Jesus at nakita niyang gumawa Siya ng tila imposibleng mga bagay. Namasdan niya ang pagtuturo Niya sa mga pantas na kalalakihan sa templo noong Siya ay 12 taong gulang lamang (tingnan sa Lucas 2:41–51; Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 2:46 [sa Lucas 2:46, footnote c]). Alam niya na maaari siyang humiling sa Kanya para sa isang himala (tingnan sa Juan 2:1–11). At siya ay tumayo sa tabi Niya sa krus habang patuloy Niyang ginawang posible ang imposible sa pamamagitan ng pagdurusa para sa lahat ng mga kasalanan, kalungkutan, at paghihirap ng sangkatauhan (tingnan sa Juan 19:25–27).
Kaya nga, ang mga salita ng anghel na si Gabriel na “sa Dios ay walang imposible” ay nagkaroon ng bagong kahulugan. Hindi lamang mabibigyan ng Diyos ng bagong buhay ang mundo, kundi maihahatid Niya ang buhay samundo sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.
Pagsuko ng Ating Kalooban sa Diyos
Ang kahandaan ni Maria na tanggapin ang kalooban ng Diyos, na naging dahilan upang maabot niya ang kanyang banal na potensiyal, ay muling nakita sa sariling kahandaan ni Jesus na tanggapin ang kalooban ng Kanyang Ama, kaya naisakatuparan Niya ang Kanyang banal na misyon bilang Tagapagligtas. Dahil sa pagpapakumbaba ni Jesus, ang tila imposibleng mga bagay—kabilang na ang Kanyang tagumpay sa kamatayan sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Muli—ay naganap, na nagpapaalala sa atin na kung nais nating maabot ang ating potensiyal at mangyari ang imposible sa ating buhay, kailangan nating isuko ang ating kalooban sa Diyos.
Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kailangan ng matapang at may pagkukusang puso para … magpasakop tayo sa Diyos, at sa huli ay magpasiyang sundin ang Kanyang landas sa halip na ang sarili nating landas. Ang pinakamalaking pagsubok ng ating pagkadisipulo ay makikita sa ating kagustuhang isuko kung sino tayo noon at ipasakop ang ating puso at kaluluwa sa Diyos upang ang Kanyang naisin ay maging naisin natin.”
Ang pag-aayon ng ating kalooban sa kalooban ng Diyos ay hindi palaging tuwiran o madali, pero hindi natin kailangang gawing mag-isa ang pagbabagong ito. Kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaabot natin ang ating banal na potensiyal at mararating ang nais Niyang kahinatnan natin (tingnan sa 2 Corinto 5:17–19).
Nagpatotoo si Pangulong Russell M. Nelson: “Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito. Ang lahat ng bagay ay posible sa kanila na nananampalataya [tingnan sa Marcos 9:23].”
Itinuro din ni Pangulong Nelson na kapag ang ating “pinakadakilang hangarin ay hayaang manaig ang Diyos” sa ating buhay, “maraming isyu ang nagiging hindi-na-isyu!” Hindi na gaanong mahirap ang ating mga desisyon, mas gagamitin natin ang ating oras, at mapapagaling ang ating mga bagbag na puso. Ipinangako Niya, “Kapag pinili ninyong manaig ang Diyos sa inyong buhay, mararanasan ninyo para sa inyong sarili na ang ating Diyos ay “isang Diyos ng mga himala” [Mormon 9:11].”
Mangyari pa, kailangan ng lakas-ng-loob para hayaang manaig ang Panginoon sa halip na magtiwala sa sarili nating mga kakayahan (tingnan sa Mga Awit 118:8). Maaaring totoo ito lalo na kapag wala sa atin ang lahat ng sagot o kapag naniniwala tayo na maaaring may mas mabuting landas na susundan kaysa sa landas ng Diyos. Pero kapag pinili natin Siya, nagiging mas madali ang ating buhay. Dahil kapag nakaayon ang ating kalooban sa Panginoon, nagkakaisa tayo sa Kanya. Binibigyan Niya tayo ng Kanyang lakas, suporta, at kapangyarihan. At maaari tayong sumulong nang may dagdag na tiwala, tulad ng ginawa ni Maria, batid na sa Diyos, walang imposible.