Liahona
Simon ng Cirene, Na Nagpasan ng Krus
Abril 2026 Liahona


“Simon ng Cirene, Na Nagpasan ng Krus,” Liahona, Abr. 2026.

Kilala Nila ang Tagapagligtas

Simon ng Cirene, Na Nagpasan ng Krus

Tulad ni Simon, matutuklasan natin na ang mga pasaning dala natin sa pagsunod ang magiging pinakamalaking karangalan sa ating buhay.

paglalarawan kay Simon ng Cirene

Paglalarawan ni Laura Serra, hindi maaaring kopyahin

Sa isa sa pinakamakataong tagpo sa huwarang buhay ng Tagapagligtas, si Simon ng Cirene ay naging saksi sa “pag-ibig at dalamhati nang lampas sa karaniwan.”

Sa maalikabok at napakaingay na mga lansangan ng Jerusalem noong napakahalagang Biyernes na iyon, hinila si Simon mula sa kalipunan ng mga tao at pinilit siya na pasanin ang krus ng hinatulan na si Jesus ng Nazaret. Si Simon ay nagmula sa isang lungsod sa North Africa, na maaaring isang debotong Judio na peregrino na naglakbay para sa Paskua.

“Pinilit nila ang isang nagdaraan, si Simon na taga-Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggaling sa bukid, upang pasanin niya ang krus ni Jesus,” ang nakatala sa Marcos (Marcos 15:21).

Sa Tamang Lugar at Panahon

Hindi nagboluntaryo si Simon. Siya, sa lahat ng aspekto, ay isang dayuhan. Gayunman, siya ay pinili. Sa kaguluhan sa prusisyon ng Pagpapako sa Krus, nang natisod si Jesus dahil sa bigat ng krus, naroon si Simon.

Kakaunti lang ang alam natin tungkol kay Simon, pero magandang isipin na nang isaayos ng langit ang mga detalye ng mahalagang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa kawalang-hanggan, ang isang taong maaaring “nabibilang sa mga nagsisisampalataya” ang mapipiling lumakad sa tabi ng Tagapagligtas sa sandali ng Kanyang pangangailangan.

Ayon sa kaugalian ng mga Romano, pinapasan ng isang lalaking kinondena ang kanyang krus papunta sa lugar ng pagpaparusa. Ang krus—na pinutol mula sa karaniwang kahoy, marahil ay olibo o sikamoro—ay hindi ginawang makinis kundi magaspang. Ito ay kasangkapang gamit sa pamamahiya at kamatayan, na madaliang ginawa, na sapat lamang para suportahan ang bigat ng pagdurusa ng isang tao.

“Kaya’t si Jesus, habang pasan ang kaniyang krus, ay dinala sa landas ng matinding pasakit tungo sa isang lugar na libingan, ng mga bungo, ng kamatayan. Apat na kawal na Romano ang lumapit sa Kanya”—para hamakin siya at takutin ang iba. Isang karatula, na nakasabit sa leeg ng Tagapagligtas o dala ng isang kawal, ang nagsaad ng krimen na ipinapalagay na ginawa Niya.

Si Jesus, na binugbog at walang tulog, ay nanghina nang lampas sa makakaya ng katawan. Hindi lamang ang bigat ng krus ang Kanyang pasan—sumasagisag ito sa sukdulang pagdurusa sa Getsemani, pagkakanulo, kalupitan, at pagkawasak. Ang pagkahapo at paghihirap ng kaisipan ang umubos sa lakas ng Kanyang katawan.

Siya ay nanghina at bumagsak. Pagkatapos ay hindi na Siya makalakad pa.

Sa sandaling iyon, pinilit ng walang-pasensiyang mga sundalo si Simon na maglingkod. Hindi siya bahagi ng prusisyon, pero hinatak siya at pinilit na pasanin ang krus ni Jesus.

Kahihiyan at Karangalan

Ang pagpasan sa krus ng isang lalaking isinumpa ay tanda ng kababaan ng pagkatao. Walang Romano o Judio ang magboboluntaryo para sa gayong gawain. Layon ng bawat detalye ng pagpapako sa krus na mangutya. Pero tiniis ni Simon ang kahihiyan.

Ano kaya ang nadama niya? Kalituhan? Habag? Nakita ba niya ang mga mata ng Tagapagligtas? Nadama ba niya ang kasagraduhan ng sandaling iyon?

Sa maikling paglalakad na iyon papuntang Golgota, nadama mismo ni Simon ang Pasyon. Maaari ba siyang magkaroon ng gayong karanasan at hindi mabago nito? Marahil ay dumating siya sa Jerusalem bilang isang manlalakbay pero umalis bilang saksi.

Si Simon ay malapit sa Kordero ng Diyos sa Kanyang huling mga oras. Nahawakan niya ang kahoy ng krus. Ang mga pangyayari sa araw na iyon ay talagang totoo sa kanya nang tumulong siyang pasanin ang krus na iyon papunta sa Kalbaryo.

Tayo man ay tinawag na pasanin ang pasanin ng isa’t isa. Tayo rin ay inuutusang “pasanin ang [ating] krus” at lumakad na kasama ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 16:24), kahit mahirap ang landas at mabigat ang pasanin. At tulad ni Simon, maaari nating makita na ang mga pasaning dala natin dahil sa pagsunod ay magiging pinakamalaking karangalan ng ating buhay.

“Upang maging alagad ni Jesucristo, kailangang may pasanin ang isang tao—ang sarili mong pasanin o sa iba—at pumunta kung saan kailangan ang sakripisyo at ang pagdurusa ay hindi maiiwasan,” sabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Dagdag pa niya, “Habang pinapasan natin ang ating mga krus at sinusunod Siya, magiging isang trahedya kung ang bigat ng ating mga hamon ay hindi tayo gagawing mas madamayin at mas matulungin sa pinapasan ng iba.”

Mga Tala

  1. He Died! The Great Redeemer Died,” Hymns, blg. 192.

  2. Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ (1916), 666.

  3. James E. Talmage, Jesus the Christ, 653.

  4. Tingnan sa (Bruce R. McConkie, The Mortal Messiah: From Bethlehem to Calvary [1981], 4:206.

  5. Tingnan sa Bruce R. McConkie, The Mortal Messiah (1980), 4:206.

  6. Tingnan sa James E. Talmage,Jesus the Christ, 652–53.

  7. Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, 653.

  8. Jeffrey R. Holland, “Itinaas sa Krus,” Liahona, Nob. 2022, 78, 79.