Liahona
Poncio Pilato: “Ano ang Katotohanan?”
Abril 2026 Liahona


“Poncio Pilato: ‘Ano ang Katotohanan?,’” Liahona, Abr. 2026.

Kilala Nila ang Tagapagligtas

Poncio Pilato: “Ano ang Katotohanan?”

Isang malaking bahagi ng pagsunod kay Cristo ngayon ang pagtatanong ng “Ano ang katotohanan?” at paghahangad na mahanap ito.

placeholder altText

Paglalarawan ni Laura Serra, hindi maaaring kopyahin

Si Poncio Pilato ay isang lalaking may maraming katanungan.

Tungkol sa Tagapagligtas, itinanong ni Pilato:

“Ikaw baga ang Hari ng mga Judio?” (Mateo 27:11).

“Sa akin ay hindi ka nagsasalita? hindi mo baga nalalaman na ako’y may kapangyarihang sa iyo’y magpawala, at may kapangyarihang sa iyo’y magpako sa krus?” (Juan 19:10).

Sa mga tao sa piging, nagtanong si Pilato:

“[Sino] ang nais ninyong ibigay ko sa inyo? Si Barrabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?” (Mateo 27:17).

“Bakit, anong masama ang ginawa niya?” (Mateo 27:23).

“Ipapako ko ba sa krus ang inyong Hari?” (Juan 19:15).

Sa kanyang maikling pagpapakita sa Bagong Tipan, marami sa nakatalang mga salita ni Pilato ay mga tanong. Narito ang isang tao na hirap siyang maunawaan: Bakit gusto ng mga Judio na ipako sa krus ang lalaking ito na “walang kasalanan”? (Juan 18:38). Bakit mas gugustuhin nilang palayain si Barrabas, na isang magnanakaw at mamamatay-tao? At bakit hindi mabawi ng taong ito, si Jesucristo, ang Kanyang mga salita o kaya ay magsalita man lang para ipagtanggol ang Kanyang sarili?

Sa madaling salita, tulad ng itinanong ni Pilato sa Tagapagligtas, “Ano ang katotohanan?” (Juan 18:38).

Desisyon ni Pilato

Sa huli, nagpasiya si Pilato na ang katotohanan ay hindi mahalaga sa opinyon ng publiko. Kapag nakikita niya na hindi siya makapangangatwiran sa mga tao, tumitigil siya sa pagtatanong. Siya ay “naghugas ng kanyang mga kamay sa harap ng napakaraming tao, na sinasabi, Wala akong kasalanan sa dugo ng taong ito: kayo na ang bahala diyan” (Mateo 27:24).

Tila hindi sang-ayon si Pilato sa opinyon ng mga mandurumog tungkol sa Tagapagligtas. Sa huling pagtatangkang ipakita sa mga tao ng Jerusalem na wala siyang nakitang kasalanan kay Jesus, isang beses pa Siyang iniharap ni Pilato. “Lumabas nga si Jesus na may putong na tinik at balabal na kulay ube. At sinabi ni Pilato sa kanila, Narito ang tao!” (Juan 19:5).

Isinulat ni Pilato ang titulong “Jesus ng Nazaret na Hari ng mga Judio,” na ilalagay sa krus ni Cristo, at ayaw baguhin ito (Juan 19:19–22). Nang hingin ni Jose ng Arimatea ang katawan ni Jesus, pumayag si Pilato na kunin niya ito (tingnan sa Marcos 15:43–45).

Hindi natin makikilala ang eksaktong mga motibo ni Pilato, pero tila naniwala siya na hindi kriminal si Jesus. Alam niya na si Cristo ay dinala sa kanya dahil sa inggit (tingnan sa Mateo 27:18). Hindi rin natin alam kung ano talaga ang naisip niya tungkol sa Anak ng Diyos, pero parang alam ni Pilato na may kakaiba tungkol sa Kanya.

Gayunman, ibinigay pa rin niya ang Tagapagligtas para ipako sa krus.

Paano Tayo Tutugon?

Marami tayong matututuhan mula sa mahirap na pinagdaanan ni Pilato. Isang malaking bahagi ng pagsunod kay Cristo ngayon ang pagtatanong ng “Ano ang katotohanan?” at paghahangad na mahanap ito. Araw-araw na bahagi ng ating pagkadisipulo ang pagsisikap na marinig ang Kanyang Espiritu sa kabila ng malakas na tinig ng mundo, ng mga taong nakakasalamuha natin kapwa nang personal at online.

Hinangad ni Pilato ang katotohanan, pero hindi niya nakita na nasa harap na niya ito—si Jesucristo, “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6; idinagdag ang diin). Hindi Niya “nakikita ang tao” sa kung sino Siya talaga.

Si Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpatotoo, “At ang pinakamahalagang araw sa buhay ninyo at sa akin ay ang araw na matutuhan nating “[masdan] ang Tao”; kapag nakita natin Siya sa kung sino Siya talaga; Kapag tinanggap natin nang ganap sa ating puso’t isipan ang Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan; kapag nangako tayong susundin Siya nang may panibagong sigla at lakas.”

Sa kuwento ni Poncio Pilato, may nakikita tayong dalawang imbitasyon para sa sarili nating pagkadisipulo: ang hangarin ang katotohanan ng kabanalan ni Jesucristo, at kapag natagpuan natin ang sagot dito, hindi kailanman talikuran ang katotohanang iyan.

Kapag nakikilala natin si Jesucristo—kapag tunay natin Siyang namamasdan—ating “malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa [atin]” (Juan 8:32).