Liahona
Mula sa Pagdadalamhati sa Pasko ng Pagkabuhay Tungo sa Umaga ng Pasko ng Pagkabuhay
Abril 2026 Liahona


“Mula sa Pagdadalamhati sa Pasko ng Pagkabuhay Tungo sa Umaga ng Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Abr. 2026.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Mula sa Pagdadalamhati sa Pasko ng Pagkabuhay Tungo sa Umaga ng Pasko ng Pagkabuhay

Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ipinagdiriwang ko ang pangako ng maluwalhating muling pagkikita namin ng aking asawa.

si Jesucristo na nakaunat ang mga bisig

Paglalarawan ni Elia Sampò, hindi maaaring kopyahin

Matapos maglingkod nang halos tatlong taon bilang mga mission leader sa Ghana, kami ng asawa kong si Ruth ay halos patapos na sa aming misyon. Mukhang maayos ang lahat.

Pagkatapos, hindi inaasahan, nagkaroon si Ruth ng napakatinding pananakit o kirot sa ibaba sa kanyang likod. Matapos masuri na mayroon siyang masyadong malalaking mga bato sa kidney na hindi mailabas, inilipad siya papuntang Johannesburg, South Africa. Kasunod ng matagumpay na operasyon, nagkaroon siya ng atake sa puso at pumanaw sa operating room.

Paano ito nangyari? Ibinibigay namin ang lahat sa aming misyon.

“Galit ka ba sa Diyos dahil dito?” tanong ng isang dating kasamahan.

“Hindi, hindi ko sinisisi ang Diyos?,” sagot ko. “Hindi ko maunawaan kung bakit nangyari ito, pero walang sinuman sa atin ang hindi nasasaktan ang kalooban, kahit sinisikap nating sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas na ‘gumagawa ng mabuti’ (Mga Gawa 10:38). Ang pag-asa sa pagkabuhay na muli ay mas personal na ngayon, at mas tunay sa akin. Hindi na magiging tulad ng dati ang Pasko ng Pagkabuhay.”

Nang maghanap ako ng kapanatagan at patnubay sa mga salita ng mga banal na kasulatan at mga makabagong propeta, nakita ko ang kaugnayan ng proseso ng pagdadalamhati sa Pasko ng Pagkabuhay at ng pangakong umaga ng Pasko ng Pagkabuhay. Nakakita ako ng mga salitang naglarawan sa kapangyarihan ni Jesucristo at sa pangako sa atin na pagkabuhay na muli—mga salitang espirituwal na nagpalakas sa akin at nagbigay ng bagong kahulugan sa isang bagay na dati-rati ay malabo.

Ipinaalala sa akin na “ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit.”

Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol na dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala:

  • “Nagbago ang lahat.”

  • “Mas mabuti ang lahat.”

  • “Maganda ang takbo ng buhay—lalo na sa mahihirap na sandali.”

  • “Lahat ay posible.”

Ngayong Pasko ng Pagkabuhay—at bawat Pasko ng Pagkabuhay—ipagdiriwang ko ang kapangyarihan at pangako ng maluwalhating pagkabuhay na muli para sa akin, kay Ruth, sa mga mahal sa buhay, at kahit sa mga taong hindi ko pa nakikilala. Hindi ako nag-iisa ni nalulungkot, sa kabila ng di-inaasahang pagkawala ng mahal kong asawa.

Magkikita kaming muli, gugunitain ang mga kuwento at alaala, susulyapan ang isa’t isa, at magbabahagi ng mga karanasan namin habang magkalayo kami. Marami kaming pagkukuwentuhan.