Liahona
Isabuhay ang Higit na Pagmamahal Ngayong Pasko ng Pagkabuhay at sa Araw-araw
Abril 2026 Liahona


“Isabuhay ang Higit na Pagmamahal Ngayong Pasko ng Pagkabuhay at sa Araw-araw,” Liahona, Abr. 2026.

Mga Babaeng Nakipagtipan

Isabuhay ang Higit na Pagmamahal Ngayong Pasko ng Pagkabuhay at sa Araw-araw

Ang buhay at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ang naging pinakadakilang simbolo ng walang-hanggang pagmamahal Niya at ng ating Ama sa Langit para sa bawat isa sa atin.

si Jesucristo na may kasamang mga bata

Si Cristo na May Kasamang mga Bata, ni Minerva Teichert

“Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan” (Juan 15:13). Walang isa mang nagpakita ng higit na pagmamahal sa Kanyang “mga kaibigan”—ang mga anak ng Diyos—kaysa sa ating mahal na Tagapagligtas na si Jesucristo. Walang higit na dakilang halimbawa sa buong mundo ng higit na pagmamahal. At ang kanyang higit na pagmamahal na iyon para sa Kanyang Ama sa Langit at para sa bawat isa sa atin ang nagbigay-kakayahan sa Kanya na tiisin ang di-maipaliwanag na pagdurusa at kamatayan nang sa gayo’y matupad ang Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala. Kusang-loob Niyang inialay ang Kanyang buhay para sa bawat isa sa atin at, sa paggawa nito, nagpakita siya ng walang-hanggang pagmamahal.

Ngunit hindi lamang sa Getsemani at sa Kalbaryo ipinakita ng ating Tagapagligtas ang higit na pagmamahal na iyon. Itinuro ni Elder Tad R. Callister (1945–2025), na naglingkod bilang General Authority Seventy at bilang Sunday School General President: “Ang pagmamahal ng Tagapagligtas ay hindi lamang pagmamahal sa mabubuti; hindi rin iyon isang walang katiyakang pagmamahal; ni hindi ito ipinakita sa isang madulang sakripisyo at wala nang iba pa. Sa kabaligtaran, ito ay pagmamahal na nadarama bawat araw, bawat oras, maging bawat sandali! Pagmamahal iyon mula sa buhay bago tayo isinilang hanggang sa kawalang-hanggan. … Pagmamahal iyon na nagpala sa mga batang musmos, nagpagaling sa maysakit, at nagbigay ng pag-asa sa mga walang pag-asa. Pagmamahal iyon na ipinadama sa bawat indibiduwal anuman ang kanyang sitwasyon at tumulong sa kanya na espirituwal o moral na lumago. Ipinakita ang pagmamahal sa bawat sandali ng kanyang mortal na buhay. Dumaloy ang pagmamahal mula sa bawat butas ng balat, bawat pag-iisip, bawat gawa. Tulad ng likas at regular na paghahanap natin ng hangin, hinangad niyang magpala. Paulit-ulit sa mga sandaling iyon ng pisikal na kapaguran at mabibigat na ‘mga gawain’ ay naroon Siya para sa isa—para makinig, magmahal, at magpala. Ang Kanyang buong buhay ay puno ng pagpapakita ng pagmamahal, na nagtapos sa pinakamahalaga sa lahat—ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.”

Ang Dakilang Huwaran

Si Jesucristo ang ating pinakadakilang halimbawa ng higit na pagmamahal. Tinuruan Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa kung paano tularan ang Kanyang halimbawa at maging Kanyang tunay na mga disipulo.

“Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa.

“Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa” (Juan 13:34–35).

May oportunidad tayo bawat araw sa ating mga buhay na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas ng higit na pagmamahal sa paraan ng pakikipag-ugnayan at pakikitungo natin sa mga nasa paligid natin, pati na sa mga taong maaaring hindi mabuti sa atin. Kapag tinataglay natin ang Kanyang pangalan at tinutularan natin ang Kanyang halimbawa ng pakikitungo sa iba nang may higit na pagmamahal, madarama natin ang Kanyang higit na pagmamahal sa atin, na magpapasigla at magpapabago sa atin upang maging katulad Niya kalaunan.

Pasasalamat para sa Tagapagligtas

Nawa’y gunitain natin ang Pasko ng Pagkabuhay tuwing Linggo habang inaalala natin ang ating mahal na Tagapagligtas at Manunubos—ang Kanyang buhay at Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa atin—sa pamamagitan ng paghahanda at pagtanggap ng mga sagisag ng sakripisyong iyon sa ordenansa ng sakramento. Nawa’y ipakita natin sa Kanya ang ating malaking pasasalamat sa Kanyang mapagmahal na sakripisyo para sa atin sa pagtulad sa Kanyang halimbawa ng pagmamahal at paglilingkod sa iba, gaano man iyon kahirap. At tulad ng Kanyang ginawa, lagi nating hangaring gawin ang kalooban ng ating Ama (tingnan sa Juan 6:38).

Labis akong nagpapasalamat para sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang naging pinakadakilang simbolo ng walang-hanggang pagmamahal Niya at ng ating Ama sa Langit para sa bawat isa sa atin, na may nahahawakang mga simbolo ng pagmamahal at sakripisyong iyon—ang mga marka sa mga kamay, paa, at tagiliran ng Tagapagligtas—na nananatili maging pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Muli (tingnan sa Isaias 49:15–16). “Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito.” Nawa’y magpakita tayo ng higit na pagmamahal sa Kanya ngayong panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, at sa tuwina, sa pagpapakita ng higit na pagmamahal para sa iba (tingnan sa Mateo 25:40).

Tala

  1. Tad R. Callister, The Infinite Atonement (2000), 159.