Liahona
Tulong para sa Sakit ng Ating Kalooban
Abril 2026 Liahona


“Tulong para sa Sakit ng Ating Kalooban,” Liahona, Abr. 2026.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Tulong para sa Sakit ng Ating Kalooban

Matutulungan tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa lahat ng bagay, kahit nagkamali tayo.

laptop computer na may kotse sa screen

Paglalarawan ni Elia Sampò, hindi maaaring kopyahin

Noong buntis ako sa pang-apat kong anak, kinailangan namin ng bagong kotse. May nakita akong kotse online, pero kinabahan ako sa gayon kalaking halaga ng pagbili. Humingi ako ng payo sa maalam kong mga kaibigan. Sinabi nilang lahat sa akin na magandang pagpili iyon, kaya nakumpiyansa ako.

Kailangang ipadala ang kotse, kaya naghintay kami. Sa araw na dapat dumating ang kotse, nalaman namin na walang kotseng darating!

Naloko kami. Nagulat ako at nanlumo. Wala na ang pera namin.

Nang sumunod na mga araw, ang tanging nagawa ko ay paulit-ulit na isipin ang karanasang iyon. Sobrang lungkot ko kaya nahirapan akong maging mabuting ina at asawa. Naubos ang lakas ko. Nasa sukdulan na ako at alam kong kailangan kong magbago. Kaya, nagdasal ako at hiniling sa Ama sa Langit na alisin ang pasanin sa aking mga balikat.

Pagkaraan ng ilang oras, gumaan ang pakiramdam ko. At kalaunan, hindi ko na nadama ang pasanin. Nawala na ang aking galit at inis. Kapayapaan lang ang nadama ko. Natanto ko na ang kapanatagan na ito ay dumating dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Pagkaraan ng ilang buwan, nakatanggap kami ng pera mula sa isang organisasyon ng komunidad kung saan kami nakatira. Iyon ang mismong halagang nawala sa amin. Para sa amin, iyon ay isang himala!

Natutuhan ko na hindi ko kailangang dalhing mag-isa ang aking mga pasanin. Alam ni Jesucristo kung ano ang nararamdaman ko. Dumanas Siya ng “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” (Alma 7:11). Dapat natin Siyang hayaang pumasok sa ating buhay para matulungan Niya tayo.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025): “Walang hangganan ang kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan kayo. Ang Kanyang di-maaarok na pagdurusa sa Getsemani at sa Golgota ay para sa inyo! Ang Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala ay para sa inyo!”

Nais ni Jesucristo na tulungan tayo sa ating pagdadalamhati, anuman ito. Hindi tayo kailanman nag-iisa. Lagi Siyang nariyan para sa atin (tingnan sa Mateo 28:20).