Mula sa Lingguhang YA
Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, Huminto Muna at Pansinin ang mga Liryo
Kapag hinahanap natin si Cristo, mauunawaan natin na ang Kanyang kapayapaan ay mapapasaatin sa tuwina.
Larawang kuha mula sa Adobe Stock
Sa Kanyang mga huling araw sa mortalidad, muling binigyan ng katiyakan ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo, “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo” (Juan 14:27).
Sa Pasko ng Pagkabuhay, kapag ipinagdiriwang natin ang Kanyang pinakadakilang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan—ang Kanyang Pagkabuhay na Muli—ang pangakong ito ay lalong makahulugan. Pero kahit palaging nariyan para sa atin ang kapayapaan ng Tagapagligtas, maaaring may mga pagkakataon na nahihirapan tayong madama ito.
Kaya paano mapapasaatin lagi ang Kanyang kapayapaan, pag-asa, at kagalakan?
Natagpuan ko ito sa magasig na paghahanap sa Kanya.
Hangarin ang Kapayapaan sa Pamamagitan ni Cristo
Isang paraan ng paghahanap ko ng kapayapaan kay Cristo ay sa pagsusulat ng tula. Nagpapasigla sa buhay ko ang paggawa ng tula, kaya nitong nakaraang dalawang taon, sinundan ko ang mga ginagawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsusulat ng tula para sa bawat araw ng Mahal na Araw.
Sa unang taon, nagkaroon ako ng inspirasyong sumulat ng mga tula para ipakita ang pagmamahal at pasasalamat ko sa Tagapagligtas at malaman pa ang tungkol sa Kanyang mga gawain. Nakaapekto ito, pero hindi ito naging personal. Karamihan sa mga isinulat ko ay parang paglalarawan ng Kanyang mga gawa.
Nang sumunod na taon, sumulat ako ng mga tula para makahanap ng kapayapaan sa Tagapagligtas at dahil gusto kong sundin ang payo ng Unang Panguluhan na gawing mas mahalaga ang Pasko ng Pagkabuhay sa buhay ko. Talagang lumalim ang kaugnayan ko kay Cristo dahil hinanap ko Siya. Sumulat ako mula sa pananaw ng mga taong nakasaksi sa Kanyang mga gawa at turo. Lubos na nakaaantig ito at talagang napakapersonal.
Nangangahulugan ito ng pagsulat ng mga salita batay sa kung ano kaya ang magiging buhay ng isang taong walang maibibigay kundi ang kanyang sarili. O ng isang taong hindi dumanas ng matinding sakit ng katawan o pagkabihag pero espirituwal na binugbog at iginapos. O ng isang taong hindi talaga nagbigay ng pagmamahal at nagulat sa pahayag ni Jesus tungkol sa pinakadakilang uri ng pagmamahal.
Ang pagninilay sa lahat ng ito at sa iba pang bagay ay nakatulong sa akin na maging mas mapagpasalamat at mapagpakumbaba sa pagkamangha sa kahanga-hanga at perpektong buhay ng Tagapagligtas.
Pagtuunang Mabuti ang mga Detalye
Nang pag-isipan ko ang mga detalye ng mga gawa ng Tagapagligtas, natuklasan ko na napakalapit Niya sa akin. Alam kong wala ako roon para marinig ang mga salitang “Lazaro, lumabas ka” (Juan 11:43), ni hindi ko Siya nakitang umiyak, pero habang nagninilay at nagsusulat ako, pakiramdam ko ay nasa tabi ako ng libingan sa labas ng Betanya.
Sa ilang bahagi ng mundo, ginagamit natin ang kasabihang “Huminto muna at amuyin ang mga rosas” para ipaalala sa mga tao na maghinay-hinay kapag masyado silang nag-aalala at nahihirapang makita ang mga positibong aspekto ng buhay. Pero paano kung, sa halip, ay huminto muna tayo at “pansinin ang mga lirio” (Mateo 6:28), tulad ng itinuro ni Cristo? Paano kung sadya nating hahangarin ang kaligayahan, kasiyahan, at kapayapaang inaalok Niya?
Sa palagay ko ang susi ay pagbibigay ng panahon sa ating sarili na mamuhay ayon sa mga detalye ng Kanyang mapagmahal na mga gawa at salita. Isiping nasa sinaunang Jerusalem ka, at pinakikinggan ang mga turo ni Cristo. Halimbawa, sikaping isipin na malapit ka sa krus at naririnig na hinihiling ng Tagapagligtas sa Ama sa Langit na patawarin ang mga nagpapako sa Kanya sa krus (tingnan sa Lucas 23:34). Paano iyan makakaapekto sa iyo?
O ito: Ang Tagapagligtas ay nangako sa iyo ng kapayapaan na walang katulad na hindi mo pa naramdaman (tingnan sa Juan 14:27). Pero inakala mo na ang Mesiyas ay dapat maghatid ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapalaya sa mga Israelita mula sa mga Romano, at hindi Niya ginawa iyon. Kaya ano bang uri ng kapayapaan ang itinuturo Niya?
O ito: Sumunod ka kay Cristo sa loob ng maraming taon. Pero namatay Siya. Pinuntahan mo para asikasuhin ang Kanyang katawan at ang nakita mo lang ay libingang walang-laman. Ano ang nararamdaman mo? (Tingnan saJuan 20:1–13.)
Kaya, ano ang ginawa ko para makahanap ng kapayapaan kay Jesucristo? Sa sarili kong paraan, pinansin ko ang mga lirio. Nag-ukol ako ng oras na hanapin ang Kanyang pagmamahal sa mga kuwento ng Kanyang buhay, at natagpuan ko ito. Ang pinakakamangha-manghang bahagi ay na naroon Siya at naghihintay, nakaunat ang Kanyang mga bisig.
Kung papansinin natin ang mga lirio, mauunawaan natin na ang kapayapaan sa Kanya ay hindi lamang mapapasaatin matapos ang pagdurusa. Maaari itong mapasaatin sa tuwina.
Nawa’y magkaroon ng kapayapaan kay Cristo para sa inyo ngayong Pasko ng Pagkabuhay, tulad ng nangyari sa akin.