Liahona
Ang Masayang Landas ng Tipan
Pebrero 2026 Liahona


“Ang Masayang Landas ng Tipan,” Liahona, Peb. 2026.

Ang Masayang Landas ng Tipan

Ang pagiging kahanga-hanga at maringal ng mga miyembro ng pamilya na sama-samang nabuklod sa piling ng Ama at ng Anak ay naghahatid ng labis na pagkamangha at kagalakan sa aking kaluluwa at puspos ako ng pasasalamat.

Si Elder Patrick Kearon at ang kanyang asawang si Jennifer

Si Elder Patrick Kearon at ang kanyang asawang si Jennifer

Nang lisanin nina Israel at Elizabeth Haven Barlow ang Nauvoo, Illinois, para magpunta sa Salt Lake Valley noong 1848, iniwan nila ang isang batang lalaking nakalibing sa maliit na sementeryo ng Nauvoo. Ang munting si James Nathaniel Barlow, ang panganay nilang anak, ay namatay matapos isilang noong Mayo 1841.

Sa pagpunta nila sa Salt Lake Valley, malamang na hindi na kailanman inasahan nina Israel at Elizabeth na muling masulyapan ang libingan ng kanilang anak. Pero nang tinawag si Israel na magmisyon sa England makalipas ang ilang taon, dumaan siya sa Nauvoo nang maglakbay siya pasilangan. Sa kahilingan ni Elizabeth, tumigil siya para hanapin ang libingan ng kanilang anak at ilipat ang kanyang mga buto sa pangunahing sementeryo, sa silangan ng bayan.

Pagkaraan ng isang araw ng bigong paghahanap, humingi ng tulong si Israel sa lokal na tagapangalaga ng sementeryo. Kinabukasan, natagpuan nila ang libingan, na nasa tabi ng pinsan ni James na si Mary. Ang nakakalungkot, bulok at sira-sira na ang mga kabaong. Sa isang liham sa kanyang asawa, isinulat ni Israel, “Tumalikod ako at nagpasiyang iiwan ko na lang muna sila roon.”

Hindi pa siya nakakalayo mula sa libingan nang marinig niya ang isang tinig. Sa paggunita sa karanasang ito, isinulat niya, “Hindi iyon malakas, pero napakalinaw sa aking isipan kaya hindi ko iyon maikakaila: ‘Daddy, huwag n’yo po akong iwan dito.’” Bumalik si Israel sa libingan, na nagpasiyang alisin na lang doon ang kanyang anak. “Nakadama ako ng lubhang kakaibang kapanatagan at kapayapaan ng isipan na hindi ko nadama noong una. … Ito ang masasabi ko: noon lang ako naging ganoon kaingat sa isang tungkuling ginawa ko sa buhay ko.”

Noong Setyembre 2, 1853, inilipat ni Israel Barlow at ng tagapangalaga ang mga buto nina James at Mary sa pangunahing sementeryo ng Nauvoo, at minarkahan ang lugar ng “mga bato sa ulunan at paanan ng mga puntod.”

Sinabi ni Israel kay Elizabeth na habang nasa tabi siya ng libingan, “Nakadama ako ng hangarin na ialay ang aking sarili at ang lahat ng maaari kong tawaging akin sa mga kamay ng Panginoon, upang ako ay maging karapat-dapat na bumangon kasama [ni James] sa umaga ng Unang Pagkabuhay na Muli.”

Ang katapatan ni Israel sa ebanghelyo ni Jesucristo, na sinamahan ng pagtupad sa mga sagradong tipan, ay nagtutulot kay Cristo na gawing posible ang buhay na walang hanggan—ang pinakadakila sa lahat ng pagpapala—para sa kanya, sa kanyang mga ninuno, at sa kanyang mga inapo.

Totoo iyan para sa ating lahat.

mga sacrament tray

Larawang kuha ni Jerry Garns, maaaring kopyahin para lamang sa paggamit sa Simbahan

Mga Sagradong Pangako

Mahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo ang bawat isa sa atin nang higit pa sa maiisip natin. Walang ibang mas makikitaan ng Kanilang pagmamahal kaysa sa mga ipinangakong pagpapalang nauugnay sa mga tipan na ibinibigay sa atin sa binyag at sa bahay ng Panginoon.

“Isa sa mga pinakamahalagang konsepto ng tunay na relihiyon ay ang sagradong tipan,” pagtuturo ni Pangulong Russell M. Nelson Nelson (1924–2025). “Sa wikang gamit sa hukuman, ang tipan ay karaniwang nangangahulugan ng kasunduan sa pagitan ng dalawa o higit pang partido. Pero batay sa relihiyon, higit pa rito ang kahalagahan ng tipan. Ito ay sagradong pangako sa Diyos.”

Bawat sagradong pangako na ginagawa at tinutupad natin ay nagpapala sa atin. Nais ng Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo na lumapit tayo sa Kanila. Nais Nila na tulungan tayong matuto at lumago sa pananampalataya at pag-unawa. Nais Nilang pagkalooban tayo ng kapangyarihan ng langit. Nais Nilang makasumpong tayo ng pagpapagaling at kapayapaan sa isang mundo kung saan nananatiling mailap ang gayong mga pagpapala. Nais Nilang makaranas tayo ng kagalakan sa buhay na ito at sa buhay na darating. Dumadaloy mula sa sakdal na pagmamahal na ito, binibigyan Nila tayo ng oportunidad na makipagtipan sa Kanila. Nabiyayaan tayong panibaguhin ang mga tipang iyon linggu-linggo sa sacrament meeting.

Tumatanggap tayo ng sakramento nang may pasasalamat dahil mayroon tayong masayang pagpapala na taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, habang inaalala Siya at ang Kanyang pagmamahal sa atin na ipinakita sa pamamagitan ng kaloob na Kanyang Pagbabayad-sala—na Siya ay nagdusa, nagtigis ng dugo, at namatay para sa atin. Binibiyayaan din tayo ng sakramento ng oportunidad linggu-linggo na ipakita ang kahandaan nating sundin ang Kanyang mga kautusan, panibaguhin ang ating mga tipan, at gumawa ng bagong tipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).

“Madalas, naririnig ko ang pahayag na nakikibahagi tayo ng sakramento para magpanibago ng mga tipang ginawa sa binyag. Bagama’t totoo iyon, ito ay higit pa roon,” sabi ni Pangulong Nelson. “Gumawa ako ng bagong tipan. Gumawa kayo ng mga bagong tipan. … Ngayon bilang kapalit nito ay ipinapahayag [ng Panginoon] na palagi nating makakasama ang Kanyang Espiritu. Kaylaking pagpapala!”

Kapag tayo ay [nagsisisi] at tumatanggap ng sakramento nang may dalisay na puso, tinatanggap natin ang Espiritu Santo at “[nalilinis] mula sa kasalanan na para bang muli tayong nabinyagan. Ito ang pag-asa at awa na iniaalok ni Jesus sa bawat isa sa atin.”

Kaylaking kagalakan ang magsisi at mapatawad sa pamamagitan ng mapagtubos na pag-ibig ni Cristo!

Nauvoo Illinois Temple

Larawan ng Nauvoo Illinois Temple na kuha ni Jennifer Rose Maddy

Ang Kanyang Bahay ng Kagalakan

Simula nang maging Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, madalas magsalita si Pangulong Nelson tungkol sa landas ng tipan, simula sa kanyang unang mensahe sa publiko bilang Pangulo ng Simbahan. Pumapasok tayo sa landas na iyon sa pamamagitan ng “pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig” (2 Nephi 31:17), sabi niya sa isang okasyon kalaunan, at “pagkatapos ay pumapasok tayo rito nang mas lubusan sa templo.”

Kung ang pagtanggap ng sakramento ay nagpapaalala sa atin ng ating mga tipan at ng kalakip na mga pagpapala nito, gayundin ang pagsasagawa ng gawain sa templo alang-alang sa iba. Kapag nagsasagawa tayo ng mga ordenansa sa pamamagitan ng proxy para sa mga pumanaw na, naaalala natin ang mga sagradong pangakong nagawa natin at ang mga ipinangakong pagpapalang matatanggap natin.

Sa pamamagitan ng landas ng tipan, nagiging mga tagapagmana tayo ng lahat ng pagpapalang ipinangako kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa kanilang mga inapo. Sa kabila ng mga ipinangakong pagpapalang iyon, hindi naging madali ang buhay nina Abraham, Isaac, at Jacob, at gayon din tayo. Tulad nila, nahaharap tayo sa paghihirap, pagpaparusa, at kawalan kapag tayo ay “[sinusubukan] sa lahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 136:31; tingnan din sa 101:4–5). Pero tulad ng mga propeta at mabubuting Banal noong unang panahon, alam natin kung kanino tayo magtitiwala (tingnan sa 2 Nephi 4:19).

Ang ating mortal na buhay ay sandali lamang, pero ang sandaling iyon—na kung minsa’y napakahirap—ay walang hanggan ang kahalagahan. Oo, nais ng ating Ama sa Langit na tayo ay matuto at lumago. At, oo, ang paglagong iyan kung minsan ay may kabiguan at pagdurusa. Pero nais Niyang maging maganda at puno ng pag-asa ang ating buhay. Dahil diyan, at para mapadali ang ating paglalakbay pabalik sa Kanya, naglaan Siya ng Tagapagligtas, na “tagapanagot” ng ating mga tipan sa Kanyang Ama. Sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tinutupad ng Ama ang mga pangakong ginawa sa Kanyang mga anak sa templo.

Sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal at nagbabayad-salang sakripisyo, naharap at napagaling ng ating Tagapagligtas ang lahat ng mararanasan natin sa buhay. At dahil sa Kanyang banal na bahay—ang Kanyang bahay ng kagalakan—magiging maayos ang lahat sa kabila ng paghihirap. Ang balsamo ng pagtupad ng tipan ay pumapawi ng kalungkutan, pasakit, dalamhati, at kabiguan. Wala tayong dapat ikabahala o ikatakot. Sa halip, maaari tayong magalak na nabayaran na ang halaga ng pagtubos sa atin (tingnan sa 1 Corinto 6:20) at na nailatag na ang landas ng tipan tungo sa buhay na walang hanggan.

Ang landas ng tipan ay tunay na isang landas ng mapagtubos na pag-ibig. Kapag tinutupad natin ang mga tipang ginagawa natin sa templo, binibiyayaan tayo ng higit na kapangyarihan, higit na pagmamahal, higit na awa, higit na pag-unawa, at higit na pag-asa. Ang pagiging kahanga-hanga at maringal ng mga pagbubuklod sa templo—ng mga miyembro ng pamilya na sama-samang ibinuklod sa pagmamahal para sa buong kawalang-hanggan—ay naghahatid ng labis na pagkamangha at kagalakan sa aking kaluluwa at puspos ako ng pasasalamat.

“Anumang uri ng problema ang dumating sa inyong buhay, ang pinakaligtas na lugar para maging ligtas sa espirituwal ay [ang] pamumuhay ayon sa inyong mga tipan sa templo!” payo ni Pangulong Nelson. Alam ko mula sa sarili kong matamis at kung minsa’y mapait na karanasan sa buhay na ito na totoo ang mga salitang iyon.

paglalarawan sa mag-asawang may hawak na sanggol

Si James Nathaniel Barlow, ang panganay na anak nina Israel at Elizabeth Barlow, ay namatay matapos isilang noong Mayo 1841. Makalipas ang ilang taon, nabuklod siya sa kanyang mga magulang sa pamamagitan ng proxy sa Logan Utah Temple.

Paglalarawan ni Allen Garns

Tipunin Sila Pauwi

Matapos ang huling pamamaalam ni Israel Barlow sa kanyang sanggol na anak, sumulat siya sa kanyang asawa, “Ang isiping aalis ako at pupunta sa malayo, at hindi na muling makababalik sa libingan [ni James], ay labis na nagpalungkot sa akin na para bang sasabog ang puso ko at umiyak ako sa kanyang libingan.”

Naiisip ko na mas maraming luha—mga luha ng kagalakan sa pagkakataong ito—ang tumulo noong Disyembre 4, 1889. Noong araw na iyon, ibinuklod ang munting si James Nathaniel Barlow sa kanyang mga magulang sa Logan Utah Temple. Pumanaw na si Israel noong panahong iyon, kaya nagsilbing proxy ang iba para sa kanya at kay James.

Kami ni Sister Kearon ay partikular na nasasaktan at labis na nahahabag kina Israel at Elizabeth. Ang aming panganay na anak, isang batang lalaking nagngangalang Sean, ay namatay habang inooperahan sa puso noong tatlong linggo pa lamang siya. Parang nagunaw ang mundo namin nang mawala siya. Sa oras na iyon, inisip namin kung makakayanan namin ito. Inilibing namin siya sa isang napakaliit na puntod sa England. Makalipas ang labinlimang taon, hiniling sa aming pamilya na iwan ang tahanan namin sa United Kingdom para maglingkod nang full time sa Simbahan, at iniwan namin ang munting puntod na iyon.

Hindi kami nawalan ng sanggol sa paglalakbay pakanluran, at hindi namin dinanas ang di-maunawaang mga paghihirap ng mga Barlow, pero unti-unti naming naunawaan ang pinagdaanan nila. Napakalayo ng libingan ng aming anak, pero tulad ng mga Barlow, matibay ang paniniwala namin sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at sa kawalang-hanggan ng ating pamilya dahil sa banal na tipan ng pagbubuklod.

Lahat tayo ay may mga ninuno at iba pang mga mahal sa buhay sa kabilang-buhay na nagsasabi sa atin, “Huwag mo akong iwan dito.” Dahil sa mga tipan sa templo, walang kailangang maiwan. Ang tungkulin natin ay mahalin sila, paglingkuran sila, at tulungan silang matipon pauwi.

Mahal tayo ng ating Ama sa Langit, kayo at ako. Binigyan Niya tayo ng mga templo upang “ano man ang [ating] ibuklod sa lupa ay pagbubuklurin sa langit” (Doktrina at mga Tipan 128:8; tingnan din sa Mateo 18:18). Isinugo Niya ang Kanyang Anak upang lagutin ang mga gapos ng kamatayan, na naghahanda ng daan para sa mga walang-hanggang ugnayan at walang-hanggang pagsasama-samang muli ng pamilya.

Kaya nga mayroon tayong mga ordenansa. Kaya nga tayo nakikipagtipan. Kaya nga tayo nagtatayo ng mga templo. Kaya nga natin inilalaan ang ating sarili sa gawain at kaluwalhatian ng Diyos (tingnan sa Moises 1:39). At kaya nga tayo napapaluha sa kagalakan, batid na ang walang-hanggang pagsasama-samang muli ay naghihintay sa atin at sa ating mga mahal sa buhay sa piling ng Ama at ng Anak.

Nawa’y makasumpong tayo ng kagalakan at kapayapaan habang tinutupad natin ang ating mga tipan at nakikiisa sa Panginoon sa Kanyang maluwalhati at nakapagliligtas na gawain.