Liahona
Pagpapagaling ng mga Puso sa Lahat ng Henerasyon: Mga Pangako ng Gawain sa Family History
Pebrero 2026 Liahona


“Pagpapagaling ng mga Puso sa Lahat ng Henerasyon: Mga Pangako ng Gawain sa Family History,” Liahona, Peb. 2026.

Pagpapagaling ng mga Puso sa Lahat ng Henerasyon: Mga Pangako ng Gawain sa Family History

Ang tahimik na kapangyarihan ng pag-alam tungkol sa mga ninuno ay maaaring magpabago sa iyong buhay. Narito ang tatlong hakbang na makakatulong.

black and white na retrato ng dalawang binatilyo

Nang mamatay ang tatay ko, maraming linggo akong napuspos ng dalamhati at ilang buwan iyong paulit-ulit na nagbalik nang di-inaasahan. Sa panahong iyon ng kalungkutan, nakakagulat na pinagmulan ng aliw ang family history.

Ang tanging ginawa ko ay mag-upload ng mga larawan at maiikling alaala sa FamilySearch.org. Marami roon ang para sa mga tao maliban sa tatay ko. Ang gawaing ito ay nagdulot ng aliw, walang-hanggang pananaw, at mas matibay na patotoo tungkol sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang family history ay nagdulot sa akin ng lakas at paggaling.

Gusto kong magbahagi ng tatlong ideya sa paghahanap ng ginhawa at katatagan sa pamamagitan ng gawain sa family history.

1. Tuklasin ang mga Pangako ng Gawain sa Family History

Bakit tayo nagsasaliksik ng family history? Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Nais ng ating Ama sa Langit na makabalik ang lahat ng Kanyang anak sa kahariang selestiyal, kung saan naninirahan ang Diyos at ang ating Tagapagligtas.” Tumutulong tayong mangyari ito sa pamamagitan ng pagtitipon ng mga pangalan ng pamilya at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa ating mga ninuno.

“Kapag [inutusan] tayo ng Diyos na gawin ang isang bagay, madalas ay marami Siyang layunin sa paggawa nito,” sabi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ang family history at gawain sa templo ay hindi lamang para sa mga patay [kundi] nagpapala rin sa mga buhay.” Maraming pangakong nauugnay sa paggawa ng gawain sa family history na nakaaapekto sa ating mortal na buhay. Kabilang dito ang dagdag na patotoo tungkol kay Jesucristo, mas matinding lakas na labanan ang mga tukso, pagpapagaling para sa iyong sarili at sa iyong pamilya, at napakarami pang iba (tingnan sa kalakip na sidebar na “Nagpapagaling na mga Pagpapalang Ipinangako ng mga Propeta at Apostol”).

Kung kailangan mo ng mga himala o pagpapala, matutulungan ka ng family history. Naranasan nina Sam at Betsy (binago ang mga pangalan) ang gayong himala sa kanilang pamilya. Mayroon silang isang anak na nawalay nang matagal sa kanila. Nabigyang-inspirasyon ng mensaheng “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling” ni Elder Renlund, nagpasiya silang maglaan ng oras bawat Linggo para gumawa ng family history. Pagkaraan ng maraming buwan, muli nilang nakasama ang kanilang anak at muling binubuo ang kanilang relasyon. Pinagtibay sa kanila ng Espiritu na dumating ang himalang ito dahil sinunod nila ang paanyaya ni Elder Renlund na gumawa ng gawain sa family history.

Ang kanilang karanasan ay isa sa marami na nagpapatotoo sa tahimik na mga himalang nakaugnay sa gawain sa templo at family history. Maaaring ang iyong karanasan ay hindi katulad ng sa kanila. Pagpapalain ka ng Panginoon, sa Kanyang karunungan, sa tamang paraan sa tamang panahon.

black and white na retrato ng isang grupo ng mga taong nakaupo sa isang bangko at nakasuot ng mga robe

Retrato mula sa Getty Images

2. Gumawa ng Maliliit na Hakbang para Magtamo ng Malalaking Gantimpala

Ang mga pangako ng family history ay hindi nangangailangan ng mga advanced na kasanayan o mahabang oras ng paggawa. Magsimula nang simple at magpatuloy mula roon. Pag-usapan ang buhay ng iyong mga magulang o lolo’t lola sa oras ng hapunan. Basahin ang mga alaala ng mga ninuno sa FamilySearch.org o sa mobile app. Lumikha ng isang aklat ng mga alaala tungkol sa iyong mga anak, sa iyong buhay, o sa buhay ng iba.

Ang pag-aaral tungkol sa mga kapamilya ay maaaring magpabago sa iyo. Kamakailan ay nagbasa ako ng mga kuwento mula sa buhay ng mga ninuno ng aking asawa at ng mga paghihirap nila para mabuhay habang nagmimina ng asin sa central Utah. Gumugol ako ng maraming oras na nakatuon sa mga kasaysayan ng kanilang buhay. Natanto ko na higit pa ang mga iyon sa nakakaaliw na mga salaysay tungkol sa buhay ng mga ninuno. Mga aral iyon tungkol sa katatagan. Ang kanilang lakas sa oras ng paghihirap ay pumukaw sa kaibuturan ng aking kalooban, at pinuspos ako ng pasasalamat sa mga pagsubok na naranasan ko sa sarili kong buhay. Ang kanilang di-natitinag na pananampalataya ay nagpalakas sa aking patotoo. Ipinaalala sa akin ng kanilang mga kuwento na lahat tayo ay bahagi ng isang bagay na walang hanggan, isang bagay na higit pa sa ating sarili.

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang [mortal na paglalakbay] na ito ay bahagi lamang ng isang walang-hanggang paglalakbay, at ang mga taong nabuhay sa piling natin noon, nabubuhay pa rin sila. At ang mga taong nabuhay ilang siglo na ang nakararaan, nabubuhay pa rin sila. At yaong mga susunod sa atin, mabubuhay sila.”

3. Alamin ang Iba pa sa RootsTech

Nang magsilaki ang mga anak ko at magsimula ng sarili nilang mga pamilya, madalas kong isipin kung paano ibahagi ang pagmamahal ko sa family history—lalo na sa mga taong tila hindi interesado. Gusto kong maranasan nila ang katatagan, lakas, at kagalakang naibigay sa akin ng family history sa paglipas ng mga taon. May isang taon na dumalo ako sa RootsTech at narinig ko ang pariralang “paglalagay ng laman sa mga buto” ng ating mga ninuno. Iyon ang kinailangan kong inspirasyon. Noong taong iyon nakilahok ako sa mga klase kung saan natuto ako ng mga tip at pamamaraan para maikonekta ang aking mga kapamilya sa pamamagitan ng kung ano ang mahalaga sa kanila.

Ang Rootstech.org ay nag-aalok ng daan-daang libreng training video. Ang mga klase ay nagsisimula sa mga basic na bagay hanggang sa advanced na pananaliksik. Maaari kang manood ng mga klaseng may kaugnayan sa partikular na mga lugar sa mapa, pagsusulat ng personal na kasaysayan, pagsasaliksik ng DNA, at marami pang iba. Idagdag ang mga nakaraang sesyon sa iyong iskedyul at panoorin ang mga iyon anumang oras.

Kapag nakibahagi ka sa gawain sa templo at family history, makikita mo na pinagpapala nito ang iba pa maliban sa iyong mga ninuno. Mabibigyan ka nito ng kapanatagan sa mga panahon ng kalungkutan at problema, mapapatatag ang iyong pamilya, at mapapalalim ang iyong patotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.