Liahona
Nicodemo: Paghahangad na Malaman ang Katotohanan ni Cristo
Pebrero 2026 Liahona


“Nicodemo: Paghahangad na Malaman ang Katotohanan ni Cristo,” Liahona, Peb. 2026.

Nakilala Nila ang Tagapagligtas

Nicodemo: Paghahangad na Malaman ang Katotohanan ni Cristo

Maaaring hindi natin malaman kailanman sa buhay na ito kung paano nagwakas ang kuwento tungkol kay Nicodemo, ngunit maaari tayong magtamo ng mga ideya mula sa kanyang mga pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas habang naghahanda tayo para sa Pasko ng Pagkabuhay.

paglalarawan kay Nicodemo

Paglalarawan ni Laura Serra

Para sa isang kuwento sa tunay na buhay, kakaunti ang mga detalye sa Bagong Tipan tungkol kay Nicodemo. Alam natin na siya ay isang Fariseo at “isang pinuno ng mga Judio” (Juan 3:1). Siya ay kwalipikadong makilahok sa Sanedrin at malamang na mayaman. Ang mga katangiang ito ang tanda ng mataas na katayuan sa lipunan ng mga Judio. Gayunpaman, ang lalim ng kanyang pagkadisipulo ay nananatiling malabo.

Siya ba ay isang lihim na disipulo o hindi? Naniniwala ba siya na si Jesus ang Mesiyas? Nakahadlang ba sa kanya ang pang-aakit ng reputasyon at mga makamundong kasamahan niya sa pagtanggap sa pagiging disipulo? Walang sinasabi sa mga banal na kasulatan, ngunit bilang mga makabagong alagad ni Cristo, tayo ay maaaring magtamo ng mga ideya mula sa mga ginawa ni Nicodemo habang hinahanap natin si Jesucristo ngayong Pasko ng Pagkabuhay.

Isang Pakikipagkita kay Jesus

Noong unang lumitaw si Nicodemo sa salaysay ng Ebanghelyo, lihim siyang nakipagkita kay Jesus sa gabi. Naguluhan siya sa pahayag ng Tagapagligtas na “malibang ang isang tao’y ipanganak na muli ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos” (Juan 3:3). Pinagdudahan ni Nicodemo ang pahayag na ito dahil sa literal ang pagkaintindi niya sa turo. Magiliw siyang pinagsabihan ni Jesus, sa pagsisikap na ipakita ang espirituwal na kahulugan ng Kanyang mga salita at papel bilang Mesiyas. Nagtapos ang pag-uusap nang hindi inihahayag kung naunawaan ni Nicodemo ang turo ng Tagapagligtas.

Nalaman ni Nicodemo sa kanyang puso na si Jesus ay nagmula sa Ama sa Langit (tingnan sa Juan 3:2), subalit marahil ay hindi niya matukoy ang simbolikong mensahe ni Jesus mula sa mga sekular na realidad at sarili niyang mga paniniwala sa relihiyon. Ang pananaw na ito ay maaaring bunga ng habambuhay na kontroladong mga tradisyon ng mga Judio.

Sa ating buhay, gaano kadalas tayo naghahanap ng mga sagot mula sa Ama sa Langit habang nakakapit tayo nang mahigpit sa ating mga paniniwala kung paano dapat gumana ang mundo? Gaano kadalas natin hinahanap ang Tagapagligtas nang hindi ninanais na baguhin ang ating mga gawi o inilalagay sa panganib ang ating mga reputasyon?

Hindi lubos na naunawaan ni Nicodemo ang mensahe ng Tagapagligtas nang gabing iyon, ngunit sa pakikipag-usap sa Kanya, higit siyang nakaunawa, at mahalaga iyan. “Pagpapalain tayo sa pagnanais natin na gumawa ng mabuti, kahit nagsisikap pa lang tayong magpakabuti,” sabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Paninindigan para sa Katotohanan

Bagama’t maaaring hindi lubos na naunawaan ni Nicodemo ang lahat ng turo ni Cristo, pinanghawakan niya ang mga katotohanang alam niya. Dahil dito, nang nagtipon at hinatulan ng mga punong saserdote at Fariseo ang Panginoon, si Nicodemo lamang ang nagtanggol sa Tagapagligtas.

“Hinahatulan ba ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya’y atin munang dinggin at alamin kung ano ang kanyang ginagawa?” tanong ni Nicodemo. Nagsalita siya sa kabila ng pagkaalam na nanganganib siyang kapootan ng kanyang mga kasama. “Ikaw ba’y taga-Galilea rin?” pagbibiro nila. “Siyasatin mo at iyong makikita na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta” (Juan 7:51–52).

Tulad ni Nicodemo, maaari tayong maharap sa oposisyon kapag nanindigan tayo para sa mga katotohanang alam nating tama. Ngunit mahalaga na manindigan pa rin tayo, lalo na pagdating sa ating mga patotoo tungkol kay Jesucristo.

Isang Handog sa Pasko ng Pagkabuhay

Kung minsan, mas malaki ang epekto ng ginagawa ng isang tao kaysa sa kanyang sinasabi. Matapos ang napakahirap na Pagpapako kay Cristo sa Krus, tumulong si Nicodemo sa libing. Naghatid Siya ng mamahaling mira at mga aloe para bigyang-dangal ang nasawing Tagapagligtas at inihanda ang Kanyang katawan na mailibing (tingnan sa Juan 19:39–40). Hindi binanggit sa mga banal na kasulatan si Nicodemo nang higit pa rito, at hindi natin kailanman malalaman kung buong-puso niyang sinunod si Cristo.

Gayunman, habang naghahanda tayo sa Pasko ng Pagkabuhay na ito para ipagdiwang si Jesucristo at ang lahat ng ginawa Niya para sa atin, maaari natin Siyang lapitan nang may sarili nating mga handog—mga nakahandang puso at nagsisising espiritu. Mapapanibago natin ang ating mga hangaring maunawaan kung sino ang Tagapagligtas at panindigan ang lahat ng alam nating totoo. Kapag ginawa natin ito, ang Pasko ng Pagkabuhay ay magiging isang panahon para alalahanin si Cristo bilang “pintuan patungo sa pinakamalaking kagalakan sa buhay at balsamo para sa [pinakamatinding] kalungkutan.”