Liahona
Paglilingkod: Ang Ating Pinakamalaking Kagalakan
Pebrero 2026 Liahona


“Paglilingkod: Ang Ating Pinakamalaking Kagalakan,” Liahona, Peb. 2026.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Paglilingkod: Ang Ating Pinakamalaking Kagalakan

Sa bago kong calling, may nadama ako na noon ko lamang nadama.

Noong panahon ng pandemyang COVID-19, may kita pa rin ang mga may maayos na trabaho sa Peru, ngunit maraming Peruvian ang nagbebenta ng mga bagay-bagay sa kalye. Hindi dapat lisanin ng mga tao ang kanilang tahanan dahil sa quarantine, kaya maraming taong hindi makapagtrabaho.

Isang araw isang grupo ng mga mananayaw na may kasamang banda ang dumating sa kalye namin at nagsimulang magtanghal. Hinagisan sila ng mga kapitbahay ng mga barya mula sa kanilang mga pintuan. Binigyan sila ng pagkain ng mga taong walang pera.

Nalungkot akong makita ang mga tao na gayon kalaki ang pangangailangan. Hindi mayaman ang pamilya ko, pero mas marami kaming maibibigay. Tinulungan namin sila hangga’t kaya namin.

Itinuro sa akin ng karanasang iyon na alam ng Panginoon ang nangyayari sa atin at ang ating mga pangangailangan, at malaki ang naitulong nito sa akin sa calling ko bilang bishop. Sa napakalaking responsibilidad na pangalagaan ang mga anak ng Diyos, may nadama ako sa calling na iyon na hindi ko nadama kailanman habang naglilingkod ako sa iba pang mga calling.

Nang bumalik ako sa trabaho pagkaraan ng pandemya, madalas akong umuwi nang bandang alas-8:00 ng gabi. Pagkatapos ay tumutuloy ako sa chapel para mag-interbyu ng mga taong nangangailangan ng payo at tulong. Kung minsa’y ginagabi ang mga interbyu.

Habang naglilingkod, nadama ko ang malaking pagmamahal ng Panginoon para sa Kanyang mga anak. Pambihirang damdamin iyon na noon ko lamang nadama. Kung minsa’y umuuwi ako na umiiyak.

Sa ibang mga pagkakataon, pagod ako at nanghihina, ngunit sinuportahan ako ng Panginoon noong bishop ako. Sinuportahan din ako ng asawa ko, at nagpapasalamat ako na nakikita ng aking mga anak na naglilingkod ako sa Panginoon.

Naunawaan ko rin ang malaking pagmamahal ng ating mga lider para sa atin. Nagpapasalamat ako kung paano nakatulong ang kaalamang iyon sa paglago ng aking patotoo. At nagpapasalamat ako na biniyayaan ako ng Panginoon ng kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa Moroni 7:46–48).

Nadarama ko na binigyan ako ng Diyos ng oportunidad na maglingkod na hindi naman ako karapat-dapat. Madalas kong itanong sa sarili ko, “Bakit ako?” Naunawaan ko na mahal ako ng Panginoon at may nakita Siya sa akin na hindi ko nakita sa sarili ko.

Walang mawawala sa atin sa paglilingkod sa Panginoon. Sa lahat ng aktibidad na maaari nating salihan sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan, alam ko na ang paglilingkod, pagtulong sa iba, at pagiging mga kamay ng Panginoon sa mahihirap na panahon ay nagbibigay sa atin ng pinakamalaking kagalakan (tingnan sa Mosias 2:17).

Tala

  1. Tingnan sa Henry B. Eyring, “Magsilapit sa Akin,” Liahona, Mayo 2025, 24–25.