“Ang Pinakamahalaga Kong mga Pag-aari,” Liahona, Peb. 2026.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Ang Pinakamahalaga Kong mga Pag-aari
Ang mga hamon sa pagpapalaki at pag-aalaga sa dalawang batang may autism ay maaaring nakakatakot, pero pagpapala sina Eli at Hannah. Naghahatid sila sa akin ng malaking kagalakan. Sila ang aking kagalakan.
Mga larawang kuha ni Cody Bell
Ang dalawang anak namin na sina Eli at Hannah ay isinilang na may autism at mga problema sa pag-unawa. Noong bata pa sila, napakahirap nilang alagaan. Kinailangan namin silang bantayan palagi. Kapag nakagawa ng kalokohan ang isa sa kanila, gagawa ng kalokohan ang pangalawa. Kung minsan, napakahirap alagaan ng dalawang ito.
Noong siyam na taong gulang si Eli, masyado siyang agresibo. Hindi namin siya mapanatiling ligtas, at nang hindi inaasahan, bigla niyang inaatake ang kanyang kapatid na babae o kami ng asawa kong si Troy. Naisip namin na ang pinakamainam para sa kanya ay ipadala siya sa ibang lugar para maalagaan siya at magamot, pero kinailangan naming maghanap ng isang lugar na tatanggap sa kanya.
Ang tanging lugar na natagpuan namin sa Estados Unidos na nadama naming makakatulong sa kanya sa kanyang mga kapansanan sa pag-unlad at pagiging agresibo ay sa isang ospital na mahigit isang libong milya ang layo mula sa aming tahanan sa Wisconsin.
Walang sinumang gugustuhing ilayo sa kanilang tahanan ang anak nilang hindi makapagsalita, lalo na kapag hindi nito nauunawaan ang nangyayari. Ayaw naming gawin iyon. Nadama namin na hindi iyon tama. Pero ipinagdasal namin ito at nalaman namin na kailangan naming gawin iyon.
Kinailangan Ko ang Aking Tagapagligtas
Dahil iniugnay ni Eli ang pag-eempake ng mga maleta sa pagbabakasyon ng pamilya, inakala niya na may pupuntahan kaming lugar na masaya. Pagdating namin sa ospital at nang ma-admit siya, galit na galit siya. Kami ay kanyang pinagkakalmot, kinagat, at sinabunutan. Hindi lang nasugatan ang katawan namin ni Troy sa pagdadala roon kay Eli; nasugatan din ang aming damdamin.
Sa sandaling iyon, kinailangan ko ang aking Tagapagligtas. Inisip ko kung nasaan Siya sa mahirap na sitwasyong iyon. Nang paalis na kami ng ospital, naglakad kami sa lobby ng administration building ng ospital sa kabila ng kalye. Bigla kaming napadaan sa isang malaking marmol na replika ng estatuwang Christus ni Bertel Thorvaldsen.
Hindi ko alam na ginagamit ng mga organisasyon sa labas ng ating simbahan ang estatuwang iyon. Nang makita ko iyong nakatayo sa harapan ko, nakadama ako kaagad ng matinding emosyon. Nadama ko na ang Manggagamot ay naroon na nakaunat ang mga bisig at kamay. Nadama ko na pinagagaling Niya kami at pinagagaling Niya ang aming anak. Nadama ko ang katiyakan na tama ang naging desisyon namin. Nadama ko na nais Niyang malaman namin na naroon Siya para sa amin at kasama namin Siya sa bawat paghakbang namin.
Patnubay ng Langit
Pagkaraan ng dalawang buwan ng maingat na pagsusuri sa isang kontroladong ospital, natukoy ng team ng mga gumagamot kay Eli ang isang metabolic issue na nakadaragdag sa kanyang pagkaagresibo. Nang matukoy iyon, gumamit sila ng applied behavioral analysis para lunasan ang mga problema niya sa pag-uugali.
Naging maayos si Eli sa ospital. Inintindi nila siya nang husto at nagkaroon siya ng inaasahan sa bawat araw—isang bagay na kinasasabikan niya at isang bagay na ibinibigay namin sa kanya ngayong nakauwi na siya nang tuluyan. Pagkaraan ng unang dalawang buwan ng kanyang pamamalagi roon, dinala namin siya sa maiikling paglalakbay sa labas ng ospital, isang panahon ng pinakamasasayang araw sa buhay ko. Binisita namin siya nang isang linggo bawat buwan, kung kailan ay dumalo kami sa mga klase sa pagsasanay sa mga magulang. Ang paggamot sa kanya ay tumagal nang apat na buwan.
Nahirapan si Hannah na maunawaan ang pagkawala ni Eli, pero tiniyak namin sa kanya na may tumutulong kay Eli, kaya napanatag siya. Nang makauwi na si Eli, namangha kami sa mga pagbabago sa kanya. Namangha rin ang aming mga kaibigan, at tinanong kami kung paano namin nalaman ang dapat naming gawin. Sinabi namin sa kanila na nakatanggap kami ng patnubay mula sa ating Ama sa Langit, na umakay sa amin sa tamang paggamot kay Eli.
Nagbibigay-Kakayahang Kapangyarihan
Pinatototohanan ko na naroon ang Tagapagligtas para sa amin sa pagtitiis sa ilang napakadilim na panahon sa piling ng aming mga anak. Maaaring mahirap ang buhay, pero alam namin na magiging OK ang mga bagay-bagay. Nakatanggap kami ng biyaya sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas—ang Kanyang “nagbibigay-kakayahang kapangyarihan” na nagpapalakas sa amin sa pagtitiis sa aming mga hamon.
Kapag nasa kalagitnaan kami ng madidilim na panahon, iniisip namin, “Normal na buhay ito.” Kaya, parang hindi naman ito napakasama. Pero pagkatapos, naiisip namin, “Paano namin natiis iyon?” Natiis namin iyon dahil tinulungan kami ng Tagapagligtas, tulong na hindi namin natanto na natatanggap namin habang nakikibaka nang husto nang paisa-isang araw.
Dahil sa panggagamot na natanggap ni Eli, ganap nang nawala ngayon ang kanyang pagiging agresibo. Nakatapos siya ng pag-aaral. Aktibo siya sa kanyang komunidad, sa bowling at paglalaro ng baseball. May trabaho pa nga siya sa isang restawran. At sama-sama na kaming nagsisimba ngayon bilang pamilya.
Noong maliliit at mahirap pang alagaan ang mga anak ko, maraming yakap ang natanggap ko at mga sulyap mula sa mga estranghero na para bang nagsasabing, “Kawawa ka naman. Nalulungkot ako sa nararanasan mo.” Laging nagpalungkot iyon sa akin.
Sina Eli at Hannah ay mga anak ko, ang pinakamahalaga kong mga pag-aari. Mahal ko sila. Sa kabila ng mga hamon sa pagpapalaki at pag-aalaga sa kanila, sila ay mga pagpapala. Hindi ko sila itinuturing na nagpapanegatibo ng buhay ko. Nakabibighani ang mga pagkabighani nila. Naghahatid sila sa akin ng malaking kagalakan. Sila ang aking kagalakan. Alam ko na habang tapat kong ipinamumuhay ang plano ng Ama sa Langit, magiging akin sila magpakailanman.