Liahona
Kaginhawahan sa Pamamagitan ni Jesucristo: Ang Kapangyarihan ng Ayuno
Pebrero 2026 Liahona


“Kaginhawahan sa Pamamagitan ni Jesucristo: Ang Kapangyarihan ng Ayuno,” Liahona, Peb. 2026.

Mga Babaeng Nakipagtipan

Kaginhawahan sa Pamamagitan ni Jesucristo: Ang Kapangyarihan ng Ayuno

Maaari tayong matuto ng tungkol sa Panginoon, mas mapalapit sa Kanya, at magtamo ng Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng mapanalanging pag-aayuno.

babaeng nagdarasal

Ang isang paraan na maaari tayong makatulong bilang mga babaeng nakipagtipan sa pangangalaga sa mga nangangailangan at tumupad ng mga tipang ginawa natin sa templo at sa binyag ay sa pamamagitan ng mapanalanging mag-ayuno “nang may tunay na layunin” at magbigay ng handog-ayuno nang bukas-palad para matulungan ang mga nangangailangan. Ang batas ng ayuno ay sinaunang kautusang itinatag ng Panginoon para pagpalain kayo at ako—at ang lahat ng mga anak ng Diyos.

Personal kong mapatototohanan ang makapangyarihan at nagpapagaling na mga pagpapala ng batas ng ayuno sa sarili kong buhay. Ang pagsunod sa maawaing batas na ito ay nagbigay sa akin ng malaking kaginhawahan at naglaan ng tulong na mga pagpapala ng langit para matugunan ang malalaking pangangailangan.

Sa paghahanda ng mensaheng ito, napaisip ako kung marapat ibahagi ang aking mga karanasan sa pag-aayuno. Pagkatapos ay pinayapa ng Espiritu ang aking isipan at magiliw na ibinulong sa puso ko na dahil sa regular at magandang sakripisyong ito sa buhay ko, sinamahan ako ng Espiritu ng Panginoon nang maraming beses at pinagaling at pinalakas ako nang higit pa sa aking lakas. Halos naririnig ko ang tanong na, “Saan sa palagay mo nagmula ang lakas na magawa ang imposible sa nakalipas na mga taong ito?” Sa sandaling iyon, natanto ko na ang mga pagpapala ng batas ng ayuno ay malalim na nakaugnay sa lahat ng aspekto ng aking buhay, at ang pagsunod sa batas na ito ay nagbigay sa akin ng dagdag na kapangyarihan ng Diyos upang magawa ang Kanyang kalooban at maging katulad Niya. Ang pag-aayuno sa paraan ng Panginoon ay maaaring makadagdag sa pagtatamo natin ng mga pagpapala ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay.

Isang Pribilehiyo at Pagpapala

Noong bata pa ako, nahirapan ang pamilya ko na matugunan ang mga pangangailangan namin, at naaalala ko na nakatanggap ako ng mga grocery mula sa bishops’ storehouse. Nakukuha ang mga ito dahil sa bukas-palad na pagbibigay ng mga handog-ayuno ng iba pang mga Banal. Ang kanilang sakripisyo ay nakapag-ambag para mapagpala ako at ang pamilya ko sa mahirap na panahon. Mapalad akong magkaroon ng oportunidad ngayon na mag-ayuno at mag-ambag sa ibang taong nangangailangan.

Isang pribilehiyo at pagpapala na makapagbibigay tayo ng isang bagay, gaano man kaliit, para matulungan ang ibang mga nangangailangan. At sa paggawa nito, natatagpuan natin ang sarili nating kaginhawahan kay Jesucristo.

Itinuro sa atin ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang propeta ang tungkol sa makapangyarihang mga layunin at pagpapala ng ayuno:

“Hindi ba ito ang ayuno na aking pinili: na kalagin ang mga tali ng kasamaan, na kalasin ang mga panali ng pamatok, na palayain ang naaapi, at baliin ang bawat pamatok?

“Hindi ba ito ay upang ibahagi ang iyong tinapay sa nagugutom, at dalhin sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? Kapag nakakita ka ng hubad, iyong bihisan; at huwag kang magkubli sa iyong sariling laman?”

May oportunidad tayo na regular na mag-ayuno, minsan sa isang buwan tuwing Linggo ng ayuno, at magbigay ng handog-ayuno para matulungan ang mga nangangailangan. Maaari tayong “magbigay ng handog na kahit paano ay katumbas ng halaga ng pagkaing hindi kinain.” “Hinihikayat [din tayo] na maging bukas-palad at magbigay nang higit pa sa halaga ng mga pagkaing hindi [kinain kung kaya natin].”

Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa iisang layunin lang ginagamit ang mga handog-ayuno: ang pagpalain ang buhay ng mga nangangailangan. Bawat piso na ibinibigay sa bishop bilang handog-ayuno ay napupunta sa pagtulong sa mga maralita. Kapag sumobra ang donasyon sa mga pangangailangang lokal, ipinapasa ito upang punan ang iba pang pangangailangan saanman.”

Higit na Napapalapit sa Tagapagligtas

Kapag nag-aayuno tayo, mapanalangin tayong nagpapakumbaba sa harapan ng Panginoon at pinipiling hindi kumain at uminom sa dalawang kainan o sa loob ng 24-oras. Kung hindi puwedeng mag-ayuno ang isang tao dahil sa kanyang kalusugan, pinayuhan tayo ni Pangulong Rusell M. Nelson (1924–2025) na “magpasiya kung ano ang maituturing ninyo na sakripisyo, habang inaalala ninyo ang dakilang sakripisyong ginawa ng Tagapagligtas para sa inyo.”

si Cristo na nagdarasal sa Getsemani

Christ Praying in the Garden of Gethsemane [Si Cristo na Nagdarasal sa Halamanan ng Getsemani], ni Hermann Clementz

Ang pag-aayuno ay konektado sa sakripisyo, at ang sakripisyo ay simbolo ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. May oportunidad tayo na mapitagang isipin ang Kanyang sakripisyo habang humihingi tayo ng inspirasyon na malaman kung ano ang ipag-aayuno at kung ano ang iiwasan sa pag-aayuno. Maaari din nating isipin ang Tagapagligtas sa buong pag-aayuno natin. Natututuhan ko na layon ng Panginoon na matuto tayo tungkol sa Kanya at mas mapalapit sa Kanya sa mapanalanging karanasang ito.

Pagpapanumbalik ng mga Landas

Sa Simbahan ng Panginoon, hinihikayat din tayong mag-ayuno kapag nangangailangan tayo ng tulong mula sa langit.

Naaalala ko na noong isang tag-init ay nabalisa ako at nasaktan dahil sa pakikipagtalo ko sa isang kapamilya. Nagpasiya ang ilang kapamilya, pati na ang taong nakasakit sa aking damdamin, na magsama-sama at pag-usapan iyon. Taimtim akong nagdasal at nag-ayuno para malaman kung ano ang dapat kong sabihin o gawin. Kinailangan ko ng higit na karunungan at pagmamahal kaysa sa taglay ko.

Nang magkita kami nang gabing iyon, maawaing pinalambot ng Espiritu ng Panginoon ang aming puso. Naaalala ko na may natutuhan ako sa mga salitang sinambit ko; parang hindi iyon nanggaling sa akin. Puspos ang mga iyon ng pagmamahal, kalinawan, kapangyarihan, at Espiritu. Umiyak ako nang madama ko ang dalisay na pagmamahal ng Diyos sa aking pamilya at ang pagnanais Niyang magkabati kami. Nasaksihan ko ang kapangyarihan, pagpapagaling, at paghahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal at pag-aayuno. Nabuksan nang husto ang mga dungawan ng langit nang gabing iyon.

Ipinaalala sa akin ng karanasang ito ang mga pagpapala ng ayuno na natutuhan natin sa Isaias:

“Kung magkagayo’y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya’y magsasabi, Narito ako. …

“At patuloy na papatnubayan ka ng Panginoon, at masisiyahan ang iyong kaluluwa sa tuyong dako, … at ikaw ay magiging … parang bukal na ang tubig ay hindi nauubos.

“At mula sa inyo ay itatayo ang dating sirang dako; ikaw ay magbabangon ng mga saligan ng maraming salinlahi; at ikaw ay tatawaging [Ang] tagapag-ayos ng sira, [A]ng tagapagsauli ng mga landas na matatahanan.”

Si Jesucristo “[Ang] tagapag-ayos ng sira, [A]ng tagapagsauli ng mga landas.” Gumawa Siya ng paraan para mapaghilom ang bawat kalungkutan at pighati at madaig ang bawat kahinaan at kasalanan. Kaya Niyang magpanumbalik, mag-ayos, at magpalakas kapag bumaling tayo sa Kanya sa taimtim na panalangin at pag-aayuno.

Maraming malalaking pangangailangan sa mundo, napakarami kaya’t parang napakahirap nito. Maaaring iniisip ninyo, ano ang magagawa ko para makagawa ng tunay na kaibhan bilang isang babaeng nakipagtipan? Ang isang bagay na magagawa natin ay ang sadyang ipamuhay at mahalin na rin ang batas ng ayuno at magbigay ng handog-ayuno nang bukas-palad para sa mga nangangailangan.

Kapag ginawa natin ito, alam ko na ang Panginoon ay magpapadala ng Kanyang espirituwal at temporal na kaginhawahan sa inyo at sa akin—at sa Kanyang mga anak na nangangailangan. At lalago ang ating kaalaman tungkol sa Kanyang mga paraan at ang ating pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa. Nawa’y hangarin nating panibaguhin ang pangako na ipamuhay ang pinagpala at makapangyarihang kautusang ito.