Mula sa Lingguhang YA
30 Paraan na Maipagdiriwang ang Pasko ng Pagkabuhay nang Mag-isa o Kasama ang mga Kaibigan
Ang mga pagdiriwang mo ba sa Pasko ng Pagkabuhay ay parang kulang kapag wala kang sariling pamilya na makakasamang magdiwang? Narito ang ilang ideya na maaaring makatulong.
Bilang young single adult na abala sa paaralan, trabaho, pakikipagkaibigan, at pakikipagdeyt, madaling makaramdam na parang hindi ka gaanong konektado sa mga tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay. Pero ipinagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ang pinakamahalagang pangyayaring naganap—ang Pagkabuhay na Muli ng ating Tagapagligtas at ang Kanyang tagumpay kapwa sa kamatayan at kasalanan—at napakaraming dahilan at paraan para ipagdiwang ang Kanyang buhay at gawing mas makabuluhan ang Pasko ng Pagkabuhay.
Mag-isa ka man sa pagpapalipas ng pista-opisyal o kasama ang mga kaibigan o mga miyembro ng ward, narito ang ilang ideya na makahihikayat sa iyo na magtuon sa buhay na Cristo ngayong Pasko ng Pagkabuhay:
Simbolismo ng Kalikasan
Napakarami sa kalikasan sa mundo ang maaaring sumimbolo sa Pagkabuhay na Muli ni Cristo, at makatutulong ito na ibaling ang iyong mga iniisip sa Kanya habang naghahanda ka para sa Pasko ng Pagkabuhay. Maaari mong isama ang mga ideyang ito na may temang ukol sa kalikasan sa inyong mga aktibidad sa Pasko ng Pagkabuhay:
-
Mag-hiking habang pinagninilayan ang simbolismo ng bagong buhay sa tagsibol.
-
Pagsamahin ang mga dekorasyon at ilagay ang mga ito sa tabi ng artwork ng umaga ng Pagkabuhay na Muli.
-
Magdaos ng home evening picnic at umupo sa labas at pag-usapan ang mga banal na kasulatan tungkol sa kahulugan ng Pasko ng Pagkabuhay.
-
Magtanim ng mga bulaklak o halamang-gamot habang pinagninilayan kung paano tayo tinutulungan ni Cristo na espirituwal na umunlad sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Panoorin ang pagsikat ng araw at pagnilayan ang liwanag at pag-asa na hatid ng nagbangon na Panginoon.
-
Mag-sketch o kunan ng larawan ang mga palatandaan ng tagsibol para idokumento ang mga simbolo ng pagpapanibago at pagsilang na muli.
-
Maglakad sa isang hardin o parke habang pinakikinggan ang mga himno o mga talata sa banal na kasulatan na tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay.
-
Lumikha ng artwork na may temang ukol sa kalikasan (tulad ng mga binakat na dahon o pinatuyong bulaklak) para kumatawan sa bagong buhay kay Cristo.
-
Pagmasdan ang mga bituin sa langit at pagnilayan ang mga walang-hanggang pananaw ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli ni Cristo.
-
Gumawa ng maliit na tumpok ng mga bato na sumisimbolo sa libingang walang-laman at ang tagumpay ni Cristo laban sa kamatayan.
Komunidad at Ministering
Ginugol ni Cristo ang halos buong huling linggo ng Kanyang buhay sa pagtutuon ng pansin sa iba. Narito ang ilang aktibidad sa Pasko ng Pagkabuhay na makapagpapaalala sa iyo sa halimbawa ng Tagapagligtas:
-
Dalawin ang isang kaibigan o kapitbahay na maaaring nangangailangan ng kasama sa Pasko ng Pagkabuhay.
-
Gumawa ng maiikling sulat na sinisipi ang mga banal na kasulatan o mensahe tungkol kay Jesucristo at lihim na ibigay ang mga ito sa mga roommate o ministering brother at sister.
-
Anyayahan ang mga kaibigan o miyembro ng ward na samahan ka sa isang espesyal na pag-aayuno para alalahanin ang sakripisyo ni Cristo at isipin kung ano ang magagawa mo para sa isang taong nangangailangan.
-
Mag-organisa ng grupo para maglinis ng lokal na parke o hardin bilang pag-alaala sa buhay ni Cristo na ginugol sa paglilingkod.
-
Mag-host ng isang gabi ng palaro o potluck para sa mga tao na maaaring nasa malayo ang pamilya sa Pasko ng Pagkabuhay.
-
Gumawa ng mga simpleng care basket ng Pasko ng Pagkabuhay para sa mga tao sa inyong ward o komunidad na nangangailangan ng kaunting saya.
-
Magplano ng isang group music night para sama-samang kumanta ng mga himno at awiting nakatuon sa Pasko ng Pagkabuhay.
-
Magboluntaryo na tumulong sa isang lokal na kaganapan sa Pasko ng Pagkabuhay, tulad ng egg hunting sa kapitbahayan.
-
Ibahagi ang iyong paboritong talata sa banal na kasulatan o mensahe tungkol sa Pagkabuhay na Muli sa social media para pasiglahin ang iba.
-
Gumawa ng shared na Easter journal kung saan magdaragdag ang bawat tao ng ideya, talata sa banal na kasulatan, o patotoo tungkol kay Jesucristo.
Malikhaing mga Koneksyon
Maraming uri ang sining at magagamit na simbolo ni Jesucristo sa ating pagsamba sa Pasko ng Pagkabuhay. Anuman ang antas ng iyong kasanayan, narito ang ilang mga ideya sa paggamit ng sining para masiyahan sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay:
-
Matutong mag-bake ng tinapay na gawang-bahay habang pinagninilayan ang Huling Hapunan at ang kaloob na sakramento. Bahaginan ang mga kaibigan.
-
Magsabit ng bulletin board para sa mga roommate o kapamilya na magdaragdag sa collage ng mga larawan at talata sa banal na kasulatan tungkol sa Mahal na Araw.
-
Gamit ang mga pako at pisi, gumawa ng sining na hugis puso o libingang walang-laman para pagnilayan ang sakripisyo ni Cristo.
-
Gamit ang watercolor, magdisenyo ng mga Easter card na may mga talata sa banal na kasulatan o mga simbolo na ibibigay sa mga kaibigan o ididispley sa bahay.
-
Lagyan ng dekorasyon ang mga kandila gamit ang mga wax seal, pinatuyong mga bulaklak, o mga simbolong gawang-kamay na kumakatawan kay Cristo bilang Ilaw ng Sanlibutan.
-
Pag-aralang mag-ukit ng kahoy at gumawa ng displey na tungkol kay Jesucristo na para sa Pasko ng Pagkabuhay, na katulad ng Kuwento ng Kapaskuhan.
-
Gumawa ng planter box para sa isang tao para masiyahan siya sa mga bulaklak at bagong mga halaman na kumakatawan sa Pagkabuhay na Muli ng Tagapagligtas.
-
Pintahan ang mga bato na may mga mensahe tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay at ilagay ang mga ito sa paligid ng inyong kampus o kapitbahayan.
-
Gumawa ng simpleng tagpo sa Pagkabuhay na Muli gamit ang mga papel na cutout o recycled material para idispley sa ibabaw ng mesa.
-
Gumawa ng word art ng mga parirala sa banal na kasulatan na kaugnay ng Mahal na Araw sa mga sticky note at idagdag ang mga ito sa iyong mga banal na kasulatan para makatulong na mailarawan sa isipan ang mga pangyayari.
Gawing Espesyal ang Pasko ng Pagkabuhay
Anuman ang kalagayan mo sa buhay, sa paggunita sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli ng Tagapagligtas ay hindi kailangang malungkot o madama mong nag-iisa ka. Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang “napakamaluwalhating mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay,” ay tutulong sa iyo na “magtamo ng personal na patotoo kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas at Manunubos” at magkaroon ng mas malalim na kaugnayan sa Kanya at sa mga tao sa paligid mo.