Liahona
Juan: Ang “Alagad na Minahal ni Jesus”
Pebrero 2026 Liahona


“Juan: Ang ‘Alagad na Minahal ni Jesus,’” Liahona, Peb. 2026.

Kilala Nila ang Tagapagligtas

Juan: Ang “Alagad na Minahal ni Jesus”

Si Juan na Tagapaghayag ay patuloy na natuto tungkol kay Cristo pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Muli.

paglalarawan kay Juan na Tagapaghayag

Paglalarawan ni Laura Serra

Si Juan ay isa sa Labindalawang Apostol ng Tagapagligtas. Siya at ang kapatid niyang si Santiago at ang kapwa nila Apostol na si Pedro ay bahagi ng grupong pinagkakatiwalaan ng Panginoon, na kasama Niya kahit wala ang siyam na iba pa. Sa kabila ng pagiging malapit ng tatlong ito sa Tagapagligtas, tila natatangi ang kaugnayan ni Juan kay Jesus.

Siya lamang sa mga Apostol ang naitalang nakasaksi sa Pagpapako sa Krus. Mahigit 90 porsiyento ng kanyang Ebanghelyo ay naglalaman ng materyal na hindi matatagpuan sa tatlong iba pa (kabilang na ang isinulat ni Mateo, na kapwa Apostol). Si Juan ang nakatabi at nakasandal ang ulo kay Jesus noong Huling Hapunan (tingnan sa Juan 13:23). Si Juan ang pinagbilinan ng Tagapagligtas na mag-alaga sa Kanyang ina pagkamatay Niya (tingnan sa Juan 19:26–27).

At si Juan ang tumawag sa kanyang sarili na “alagad na minamahal ni Jesus” (Juan 21:7). Ilang siglo nang inisip ng mga Kristiyano ang ibig sabihin ni Juan dito; dahil kung tutuusin, mahal naman ng Panginoon ang lahat. Sabi ni Elder Karl D. Hirst ng Pitumpu, “Gusto kong isipin na ito ay dahil nadama ni Juan na talagang mahal siya ni Jesus.” Ikinumpara niya ito sa pagbanggit ni Nephi ng “aking Jesus” (2 Nephi 33:6; idinagdag ang pagbibigay-diin)—isang koneksiyong napakalalim at personal kaya parang sa kanya lamang ito. Sa pananaw na iyan, habang natututo tayo tungkol sa Panginoon at mas napapalapit sa Kanya, maaari nating sikaping lahat na maging “alagad na minamahal ni Jesus.”

Mas Dakilang Pagmamahal

Paulit-ulit na binabanggit ang pagmamahal sa sulat ni Juan. Sa Ingles, ang salitang pagmamahal/pag-ibig ay lumitaw nang 57 beses sa Ebanghelyo Ayon kay Juan. Higit pa iyan sa pinagsama-samang tatlong iba pang Ebanghelyo, dahil mas maraming sipi si Juan na mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa pagmamahal kaysa sa iba. Ang pagmamahal/pag-ibig ay lumitaw nang 48 beses pa sa 105 talata ng Unang Sulat ni Juan. Akmang-akma na ginamit ng “alagad na minamahal ni Jesus” ang pagmamahal bilang pinakatema.

Nagsimula ang pagkadisipulo ni Juan bago niya nakilala si Jesus. Tila naging alagad siya ni Juan Bautista at naniwala sa patotoo ni Bautista tungkol kay Jesus (tingnan sa Juan 1:35–40). Si Apostol Juan kalaunan ay tinawag na Juan na Tagapaghayag, na inorden noon pa man na magsulat tungkol sa katapusan ng mundo (tingnan sa 1 Nephi 14:20–27). Ipinakita sa kanya ang mga bagay na ipinakita sa iilan lamang at nagpatuloy siya, kasama ang tatlong disipulong Nephita (tingnan sa 3 Nephi 28:4–10), na maglingkod sa sangkatauhan nang halos 20 siglo (at patuloy pa ito). Halos walang makahihigit sa espirituwal na kaalaman at karanasan ni Juan.

Subalit dumating lamang ang kaalamang iyan nang paunti-unti. Nang maunahan ni Juan si Pedro papunta sa libingang walang laman noong umaga ng Pasko ng Pagkabuhay, hindi siya pumasok kundi “hinintay ang nakatatandang Apostol, na unang pumasok sa libingan.” Sinabi ni Juan na sa sandaling ito lamang sila “naniwala” ni Pedro sa Pagkabuhay na Mag-uli: “Sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang kasulatan na kailangang siya’y bumangon mula sa mga patay” (Juan 20:8–9).

Kung si Juan—na isa sa pinakamalalapit na kaibigan ng Panginoon at pinakapinagkakatiwalaang tagapayo, ang “alagad na minamahal ni Jesus”—ay hindi lubos na naunawaan ang misyon ni Jesus hanggang sa makita niya ang libingang walang laman, dapat tayong maging mapagpasensiya sa ating sarili kapag hindi natin nauunawaan ang isang bagay. Ipinapaalala sa atin ng buhay ni Juan at ng kanyang walang-katapusang misyon na kahit para sa mga disipulo—lalo na para sa mga disipulo—patuloy ang proseso ng pagkilala sa Tagapagligtas.

Mga Tala

  1. Halimbawa, sa Bundok ng Pagbabagong-anyo (tingnan sa Mateo 17:1–9), sa pagbuhay sa anak na babae ni Jairo mula sa mga patay (tingnan sa Marcos 5:37–42), at sa Halamanan ng Getsemani (tingnan sa Marcos 14:32–33).

  2. Tingnan sa Bible Dictionary, “Gospels.”

  3. Tingnan din sa Juan 13:23; 19:26; 20:2; 21:20.

  4. Tingnan sa Karl D. Hirst, “Ang Paborito ng Diyos,” Liahona, Nob. 2024, 11.

  5. Para sa mga halimbawa, tingnan sa Juan 14–15.

  6. Russell M. Nelson, “Honoring the Priesthood,” Ensign, Mayo 1993, 40.