“Nahulog sa Kanal,” Liahona, Peb. 2026.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Nahulog sa Kanal
Ayaw pumunta ng bisiro sa ina nito hanggang sa may kamangha-manghang nangyari.
Paglalarawan ni David Green
Sa pagtatrabaho bilang isang farm consultant ilang taon na ang nakararaan sa timog ng Casa Grande, Arizona, USA, nakakita ako ng isang inahing kabayo sa gitna ng bukirin ng alfalfa.
“Hindi dapat magkaroon ng anumang kabayo rito,” sabi ko sa sarili ko. Habang papalapit ako, nakita ko ang isang bisiro na nahulog sa katabing kongkretong irigasyon. Napakaliit ng bisiro, na isa o dalawang araw pa lamang ang edad, kaya hindi ito makatalon palabas ng kanal. Hindi ito makaahon.
Habang papalapit ako sa bisiro, nabalisa ang ina nito sa bukid. Tumalon ako sa tuyong kanal at mahinahon kong kinausap ang anak nito, hinimas-himas ito, binuhat, at ipinatong sa tabi ng kanal.
Sa halip na pumunta sa ina, tumalon ito pabalik sa kanal. Sinunggaban ko ang kanang binti nito sa likod, muli itong hinatak pataas mula sa kanal, at itinuro ito sa kanyang ina. Agad itong lumingon at tinangkang tumalong muli sa kanal.
Sinunggaban ko ito sa ikatlong pagkakataon at marahan itong kinausap muli habang buhat ko ito papunta sa kanyang ina. Nang iwan ko siya at nagsimula akong umalis, sinundan ako nito!
“Huwag,” sabi ko habang muli ko siyang itinuro sa kanyang ina, “kailangan mong pumunta sa nanay mo.”
Pagkatapos ay may nangyaring kamangha-mangha. Humalinghing ang ina nito. Agad na nakilala ng munting kabayo ang tinig nito at mabilis na sinundan ito. Pagkatapos ay tumakbo silang dalawa palabas ng bukid papunta sa ilang.
Nang pagnilayan ko ang karanasang ito, naisip ko kung ilan na sa atin ang nahulog sa kanal na hindi natin kayang labasan o patuloy tayong nahuhulog pabalik. Marahil ay isa itong kanal ng kasalanan o adiksiyon o pag-aalinlangan.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Dapat nating pakinggan ang mga salita ng Panginoon, makinig sa mga ito, at bigyang-pansin ang sinabi Niya sa atin!” Sinabi niya na naririnig natin ang tinig ng Panginoon sa mga banal na kasulatan at sa templo, sa mga salita ng mga propeta at apostol sa mga huling araw, at sa pamamagitan ng mga bulong ng Espiritu Santo.
Nailigtas ang bisiro nang tawagin ito ng kanyang ina. Nakilala nito ang kanyang tinig at sinundan siya.
Tinatawag tayo ng Mabuting Pastol. Kapag nakinig tayo sa Kanyang tinig at sumunod sa Kanya (tingnan sa Alma 5:37, 41), bubuhatin Niya tayo kapag tayo ay nahulog, pagagalingin, at aakayin pauwi.