“Bakit Ko Natanggap ang Pahiwatig na Ito?,” Liahona, Peb. 2026.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Bakit Ko Natanggap ang Pahiwatig na Ito?
Ipinahiwatig sa akin ng Espiritu Santo na kanselahin ang high school field trip, pero hindi ko alam kung bakit hanggang sa makaraan ang ilang oras.
Paglalarawan ni David Green
Sa Concord, California, USA, nagturo ako ng high school biology, life sciences, at sining, kabilang na ang advanced art class para sa college credit pagkatapos ng uwian. Nag-field trip din kami ng mga estudyante ko para makita ang ilan sa mga obra maestra ng sining sa San Francisco Bay Area.
Sa isang field trip, nagplano kaming bisitahin ang isang koleksiyon ng mga Rodin bronze sculpture at iba pang mga gawang-sining sa isang art museum sa San Francisco at pagkatapos ay manananghalian sana kami sa Golden Gate Park. Masiglang inasam ng mga estudyante ang field trip.
Nagplano kaming umalis noong Oktubre 17, 1989, pero nang umagang iyon, nakaramdam ako ng matinding pangamba. Nadama ko na hindi kami dapat pumunta sa San Francisco, pero hindi ko naunawaan kung bakit. Matindi ang espirituwal na impresyon at nagpatuloy iyon buong umaga. Sinikap kong balewalain iyon, habang tahimik na ipinagdarasal na malaman kung wala bang basehan ang nararamdaman kong pangamba o normal na pagkabalisa ito sa pamamahala ng ilang tinedyer sa isang bagong kapaligiran.
Pero may pumasok sa isipan ko mula sa mga banal na kasulatan na hindi ko mabalewala:
“Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso.
“Ngayon, masdan, ito ang diwa ng paghahayag” (Doktrina at mga Tipan 8:2–3).
Pinagtibay ng ideyang iyon na kailangan kong ipagpaliban ang field trip. Nang sabihin ko sa mga estudyante ko na hindi kami tutuloy, maririnig ang mga reklamo at daing sa buong kampus. Sinabi ko sa kanila na ikinalulungkot ko pero nadama ko na hindi kami dapat tumuloy. Sa halip, magdaraos kami ng advanced art class pagkatapos ng uwian tulad ng dati. Nangako ako na itutuloy namin ang field trip sa ibang pagkakataon.
Sa halip na manatili sa loob ng klase nang hapong iyon, nagpasiya ako na pumunta kami sa parke sa bakuran ng katabing paaralan, mga 150 yarda mula sa silid-aralan, at magdrowing. Nakaupo ako sa bangko ng isang kongkretong mesa na nagpapakita ng ilang pamamaraan para sa mga estudyante nang maramdaman kong gumalaw ang mesa.
Naisip ko sandali na sinipa ng isang estudyante ang mesa, pero biglang umuga nang malakas ang mga puno sa parke. Naputol ang mga sanga. Nayanig ang lupa sa parke na parang alpombrang niyuyugyog. Isang nakakakilabot na ugong ang naging dagundong. Nagsimulang mag-iyakan at maghagulgulan ang ilan sa mga estudyante. Pagkaraan ng 20 segundo, sumunod ang isang matinding katahimikan.
Nang huminto ang ingay at pagyanig, tahimik kaming bumalik sa silid-aralan. Ang dati nang maruming art room ay naging magulo. Nawalan ng kuryente sa paaralan, at madilim ang silid. Itinabi ko ang ilang materyales at sinabihan ko ang mga estudyante na dumiretso ng uwi, ikinandado ko ang silid, at umalis.
Habang pauwi ako, iniulat sa radyo ng kotse na isang lindol na may magnitude na 6.9 sa Richter scale ang tumama sa Bay Area. Libu-libo ang nasaktan at maraming namatay. Sa San Francisco, maraming gusaling nasunog o gumuho. Sarado ang mga kalsada at tulay. Halos isang linggo ang nagdaan bago nakauwi ang ilang taong nai-stranded sa lungsod. Maraming taon ang kinailangan para kumpunihin ang ilang gusaling malubha ang sira, kabilang na ang museo kung saan kami nagplano ng mga estudyante ko na gugulin ang hapon.
Nagpapasalamat akong malaman na mahal tayo ng ating Ama sa Langit at na nagmamalasakit Siya at nagbabantay sa atin ayon sa Kanyang kalooban. Nagpapasalamat din ako na sa pamamagitan ng mga bulong ng Espiritu Santo, binabalaan Niya tayo tungkol sa pisikal at espirituwal na mga panganib kung makikinig tayo.
“Maaari tayong manalangin sa ating Ama sa Langit at tumanggap ng patnubay at direksiyon, mabalaan sa panganib at ligalig, at mabigyan ng kakayahan na gumawa ng mga bagay na hindi natin kakayanin nang mag-isa,” pagtuturo ni Pangulong Russell M. Nelson. “Kung talagang tatanggapin natin ang Espiritu Santo at matututuhang makilala at maunawaan ang Kanyang mga pahiwatig, magagabayan tayo sa malalaki at maliliit na bagay.”
Alam ko na iyan ay totoo.