Liahona
Gawing Mas Makabuluhan ang Iyong Easter sa Pamamagitan ng Paglilingkod at Sakripisyo
Pebrero 2026 Liahona


“Gawing Mas Makabuluhan ang Iyong Easter sa Pamamagitan ng Paglilingkod at Sakripisyo,” Liahona, Peb. 2026.

Gawing Mas Makabuluhan ang Iyong Easter sa Pamamagitan ng Paglilingkod at Sakripisyo

Mahigit pa sa isang linggo o buong katapusan ng linggo na pagdiriwang, ang Easter o Pasko ng Pagkabuhay ay maaaring karagdagang panahon ng pagbabahagi ng liwanag ni Cristo at kagalakan sa pagtulong sa iba.

si Cristo na inaabot ang kamay ng lalaki na nakahandusay sa lupa

He Healed Them All [Pinagaling Niya Silang Lahat], ni Michael Malm, hindi maaaring kopyahin

Ang gawing mas makabuluhan ang ating mga pagdiriwang sa Pasko ng Pagkabuhay ay maaaring maghatid ng higit na kagalakan at makatulong sa atin na mas mapalapit kay Jesucristo. “Hinihikayat tayo na gawing mas dakila at mas banal ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay [Easter],” sabi ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, iniuutos sa atin na mag-alay ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu” bilang sakripisyo (3 Nephi 9:20) at sikaping magsisi, sundin si Jesucristo, at iayon ang ating buhay sa Kanyang mga kautusan. Ang sakripisyo at paglilingkod sa iba ay maaaring makatulong sa atin na mas maipagdiwang ang Tagapagligtas sa Pasko ng Pagkabuhay.

Ilang Paraan para Makapaglingkod at Magbigay

Isipin ang sumusunod na mga mungkahi para mapalakas ang impluwensiya ni Cristo sa iyong buhay at mas gawing makabuluhan ang Pasko ng Pagkabuhay, o gumawa ng sarili mong plano.

  • Magbigay ng oras at lakas para magampanan ang iyong tungkulin. “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).

  • Tumigil sa pagrereklamo. “Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang mga pagbulung-bulong at pagtatalo” (Filipos 2:14).

  • Mag-donate ng pera sa magandang adhikain. “Yayamang kayo ay nagbabahagi ng inyong ari-arian sa mga maralita, ito ay inyong ginagawa sa [Panginoon]” (Doktrina at mga Tipan 42:31).

  • Bigyan ng pagkain ang isang taong nangangailangan. “Sapagkat akoʼy nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain” (Mateo 25:35).

  • Sundin ang batas ng ayuno sa pamamagitan ng pag-aayuno at pagdarasal at pagbibigay ng handog-ayuno para sa mga nangangailangan. Mas mapapalapit ka sa Panginoong Jesucristo. “Yayamang ginagawa ninyo ito, ang kabuuan ng mundo ay sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 59:16).

  • Pumili ng isang taong paglilingkuran. “Sa pamamagitan ng pag-ibig ay [maglingkod] kayo [sa] isa’t isa” (Galacia 5:13).

  • Lumikha ng playlist ng banal na musika at ibahagi ito sa iba. “Mapuno kayo ng Espiritu. Kayo’y magsalita sa isa’t isa sa mga awit at mga himno at mga awiting espirituwal” (Efeso 5:18–19).

  • Sumamba nang mas madalas sa templo. “Sapagkat ako ay magbabangon sa aking sarili ng mga dalisay na tao, na maglilingkod sa akin sa kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 100:16).

  • Sikaping magkaroon ng bagong katangian na katulad ng kay Cristo sa iyong sarili (pag-ibig sa kapwa, pagmamahal, pag-unawa, tiyaga, mahabang pagtitiis, kabaitan, pagdamay). “Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa” (Mateo 11:29).

  • Patawarin ang isang tao. “Magpatawad kayo at kayo’y patatawarin” (Lucas 6:37).

  • Magboluntaryo sa mga lokal na food bank o mga grupo sa komunidad. Bisitahin ang JustServe.org para sa mga oportunidad. “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat [ng tao]” (Galacia 6:10).

  • Dumating nang maaga sa simbahan upang maghanda para sa sakramento. “Ito ay gagawin ninyo na ang mga mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian—inaalaala sa Ama ang aking katawan na aking inialay para sa inyo, at ang aking dugo na ibinuhos para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan” (Doktrina at mga Tipan 27:2).

  • Pag-aralan ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. “May isang kamatayan na tinatawag na temporal na kamatayan; at ang kamatayan ni Cristo ang magkakalag ng mga gapos ng temporal na kamatayang ito, na ang lahat ay magbabangon mula sa temporal na kamatayang ito” (Alma 11:42).

ipinintang larawan ng nabuhay na muling si Jesucristo

He Is Risen [Siya ay Nagbangon], ni Dan Wilson, hindi maaaring kopyahin

Siya ay Kagalakan

Kung tutularan natin ang halimbawa ng sakripisyo ni Jesucristo at palalaganapin ang liwanag, mas mapapalapit tayo sa Kanya at magiging mas masaya tayo. “Ang kagalakan ay nagmumula at dahil sa Kanya,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025). “Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan.”