Mula sa Lingguhang YA
Paano Ako Natulungan ng Templo na Mapanatag Nang Lumipat Ako sa Ibang Panig ng Bansa
Napanatag ako ng mga katotohanan na tungkol sa templo sa panahon ng patuloy na pagbabago.
Matapos sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa edad na 19, lumipat ako sa ibang panig ng bansa mula New York papuntang Idaho. Nagulat ako sa kultura, at nalito ako sa mga pamantayan ng bago kong relihiyon at ng bago kong estado. Para akong natangay ng agos sa maraming iba’t ibang direksyon.
Kahit nakapag-asawa na ako, naroon pa rin ang lungkot ko. Pero nagbago iyon nang magsimula akong maglingkod sa templo.
Hindi ko inasahan na tutulungan ako ng mga karanasang iyon sa templo na malampasan ang lungkot ko o pagkagulat sa kultura, pero narito ang tatlong paraan na nagawa iyon ng mga ito:
1. Pag-alaala sa Tagapagligtas
Ang paglilingkod sa templo ay nakatulong sa akin na maunawaan kung gaano kalaking pagsisikap ang kailangan para gawing prayoridad ang templo. Dahil dito nagkaroon ako ng koneksyon sa mga miyembro ng Simbahan sa bago kong tahanan at naunawaan ko kung bakit at paano nila ipinamumuhay ang ebanghelyo.
Napansin ko na karamihan sa mga tao ay dumadalo sa templo para alalahanin ang mga pangako ng Tagapagligtas at maging lalong katulad Niya.
Kung minsan kaydaling ituon ang pansin sa ginagawa ng lahat at maging abala sa dami ng gawain sa buhay. Kaya nga nahirapan akong unawain ang iba’t ibang paraan ng bawat tao sa paggawa ng mga bagay noong una akong lumipat. Pero sinabi ni Jesucristo na bibigyan Niya tayo ng kapahingahan kung aasa tayo sa Kanya (tingnan sa Mateo11:28–30). Kaya nang nahirapan ako, natanto ko na ang kailangan ko lang gawin ay ibaling ang puso ko sa Kanya.
At ang pagpunta sa templo ay nakatulong sa akin na gawin iyon nang lubos! Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025): “Si Jesucristo ang dahilan kung bakit tayo nagtatayo ng mga templo. Ang bawat isa sa mga ito ay Kanyang banal na bahay.” Kapag nagtuon tayo kay Cristo, matututo tayong maging mas mapagbigay sa ating sarili at sa mga taong nakapaligid sa atin.
2. Pakikipag-ugnayan sa Aking Pamilya
Ang pamilya ko ang lahat sa akin. Matapos akong sumapi sa Simbahan, alam ko na ang pamilyang sinimulan namin ng aking asawa ay magiging walang hanggan kung tutuparin namin ang aming mga tipan sa templo, pero hindi mga miyembro ang mga magulang at kapatid ko. Sila—lalo na ang tatay ko—ay nahirapang unawain ang aking damdamin at pananampalataya, at marami silang tanong na hindi ko palaging nasasagot.
Noong nalulungkot ako at nahihirapan sa aking pamilya, dumalo ako ng endowment session sa Espanyol, ang aking katutubong wika. Naisip ko ang tatay ko. At nakadama ako ng malakas na impresyon mula sa Espiritu na magkakaroon ang tatay ko ng pagkakataon balang-araw na pag-aralan at tanggapin ang aking pananampalataya.
May pangako rin sa aking patriarchal blessing na mas mapapalapit ako sa aking mga ninuno sa templo. Kaya gumawa ako ng maraming gawain sa family history. Ang asawa ko ay nag-proxy para sa lolo ko mula sa Ecuador, na tumupad sa pangakong iyon na lubos na nakaantig ng damdamin ko. Namatay ang lolo ko noong apat na taong gulang ako, at ang paglilingkod sa kanya—at sa iba ko pang mga ninuno—sa templo ay nagpaalala sa akin na hindi ako nag-iisa.
Nagpatotoo si Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagkonekta sa ating mga ninuno ay maaaring magpabago ng ating buhay sa mga di-inaasahang paraan. Mula sa kanilang mga pagsubok at tagumpay, nagtatamo tayo ng pananampalataya at lakas. Mula sa kanilang pagmamahal at mga sakripisyo, natututo tayong magpatawad at patuloy na sumulong. Nagiging matatag ang ating mga anak. Nakatatanggap tayo ng proteksyon at lakas. Ang pagkonekta sa mga ninuno ay nagpapaibayo sa pagiging malapit ng pamilya sa isa’t isa, sa pasasalamat, sa mga himala. Ang mga koneksyong iyon ay maaaring maghatid ng tulong mula sa kabilang panig ng tabing.”
3. Nalalamang Batid ng Diyos ang Nangyayari sa Akin
Kapag sumasamba ako sa templo, palagi kong nadarama na alam ng Diyos ang nangyayari sa akin, saanman ako naroon. Palagi akong nakadarama ng kapayapaan at pagiging pamilyar doon, na parang pag-uwi sa tahanan. Napakalaking tulong nito sa panahon ng pagbabago. Ang mapaalalahanan kung sino talaga ako at kung paano Niya tinutupad ang Kanyang mga pangako ay nakatulong sa akin na maging matatag.
Alam ko na bawat isa sa atin ay maaaring nasa iba’t ibang landas ng buhay, pero bilang mga anak ng Diyos, tayong lahat ay sama-samang sumusulong sa landas ng tipan patungo sa Kanya.
Kung matagpuan mo ang iyong sarili na nakararanas ng malaking pagbabago sa iyong buhay, maaaring mahirap ito sa una, pero magtiwala sa Ama sa Langit na tutulong sa iyo na maka-adjust. Dumalo nang madalas sa templo kung maaari, at kung hindi man, pagnilayan at pagtuunan ng pansin ang kapangyarihan ng iyong mga tipan. Mamuhay na katulad ng isang disipulo ng Cristo.
Anuman ang mangyari, dapat mong malaman na ginagabayan ka Niya at na pinasisigla ka ng iyong mga ninuno.